28.8 C
Manila
Martes, Setyembre 24, 2024

Gatchalian: Bigyan ng sariling charter ang ERC para sa mas malakas na regulasyon

- Advertisement -
- Advertisement -

NAIS ni Senador Win Gatchalian na magkaroon ng sariling charter ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang dagdagan ang kapangyarihan ng regulatory body sa pagtugon sa mga isyu sa industriya tulad ng pagkaantala ng mga proyekto ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nakakaapekto sa suplay ng kuryente.

Iminungkahi ni Senador Win Gatchalian na dapat magkaroon ng sariling charter ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang madagdagan ang kapangyarihan nito sa pagtugon sa mga isyu sa industriya tulad ng pagkaantala ng mga proyekto ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na nakakaapekto sa suplay ng kuryente. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

Bagamat natanggap na ng ERC ang isinumiteng tugon ng NGCP sa mga sinasabing pagkaantala ng pagpapatupad ng ilang transmission projects nito, ang mga isyung tulad nito ang nagtulak kay Gatchalian na maghain ng Senate Bill no. 487, o An Act Enhancing the Governance Structures of the Energy Regulatory Commission. Sa oras na maisabatas, ito ay magbibigay sa ERC ng mas malawak na kapangyarihan upang ma-regulate nang maayos ang iba’t ibang stakeholder sa sektor ng enerhiya.

“Nabuhay ang ERC dahil sa Epira (Electric Power Industry Reform Act of 2001). Kung babasahin mo ang Epira, marami pang kailangang ayusin kaya’t tututukan ko ang pagbalangkas ng ERC charter,” ani Gatchalian. Dagdag niya, nakausap na niya sina Energy Secretary Raphael Lotilla at ERC Chairman Monalisa Dimalanta at lahat sila ay nagkasundong pag-aralan nang  maigi ang kapangyarihan ng ERC.

“Ang ERC ay napakahalaga sa sektor ng enerhiya kaya kailangan nating tiyakin na mayroon itong sapat na kapangyarihan para magparusa,” diin ni Gatchalian. Idinagdag ng senador na bilang isang regulator, dapat tinitiyak ng ERC na ang interes ng mga mamimili ay protektado at ang pamamahala nito ay dapat magsulong ng kalayaan, pananagutan at transparency.

Nauna nang nanawagan ang vice chairman ng Senate Committee on Energy sa ERC na parusahan ang NGCP dahil sa kabiguan nitong makumpleto ang transmission projects sa takdang oras, na humantong sa pagkagambala ng suplay ng enerhiya sa bansa. Ayon sa ERC, 66 ang transmission projects sa iba’t ibang lugar sa bansa ang naantala. Isa na rito ang Mindanao-Visayas interconnection project na nakatakda sanang matapos noong 2019. Pero dahil sa pagkaantala ng proyekto, itinakda na lang itong maging operational ngayong taon. “Ito ang isa sa mga pinaka-kritikal na proyektong pang-imprastraktura dahil mayroon tayong sobrang kuryente sa Mindanao na humigit kumulang 200 hanggang 400 megawatts na maaaring maihatid sa Visayas,” aniya.

Ayon kay Gatchalian, ang panukalang paglikha ng ERC Charter ay hudyat din ng isa pang panukalang batas para maisaayos ang burukrasya sa gobyerno.

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -