MATAGUMPAY na inilunsad ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa pangunguna ng Field Operations Division Mindanao (PCUP FODM) ang ika-limang service caravan ng Komisyon para sa taong ito sa Maasim, Sarangani noong ika-10 ng Agosto. Nasa humigit kumulang 1500 na mga residente mula sa lalawigan ang nagkaroon ng pagkakataon makakuha ng iba’t-ibang serbisyo mula sa partner government agencies at private partners ng PCUP, lalong lalo na ang libreng konsultasyong medikal at libreng mga gamot na siyang dinagsa ng nasa 1100 na benepisyaryo.
Habang ang bansa ay nasa daan tungo sa pagbangon mula sa pandemya, binigyang-diin ni PCUP Chairman/CEO Undersecretary Elpidio Jordan Jr., ang pangangailangang suportahan ang medikal na alalahanin ng mga maralita upang makatulong na mapagaan ang pasanin na kanilang kinakaharap dala ng iba’t-ibang hamon pang-ekonomiya.
Kabilang sa dumalo sa programa upang magbigay ng mensahe sa mga maralitang tagalungsod sina, Maasim Mayor Zyrex Pacquiao; Maasim Vice Mayor Visitacion Nambatac; at PCUP Mindanao Operations Head Atty. Ferdinand Iman.
Ayon sa isang benepisyaryo na tumangging magbigay ng pangalan, malaking tulong ang nasabing programa para sa mga tulad nila na walang panahon at pera para sa pagpapakonsulta at pag-aayos ng mga papeles para sa IDs at registrations.
Isa ang pagsasagawa ng PCUP Service Caravan sa mga inisyatibang pinapalakas ni PCUP Chairman/CEO, Undersecretary Elpidio Jordan Jr., upang patuloy na masigurong mabibigyan ng sapat na suporta at tulong ang mga urban poor sa bansa.
Samantala, naging matagumpay ang 1-day service delivery na ito sa tulong ng mga ahensya at organisasyon tulad ng: MCKS Caring Heart Foundation Inc.; Philippines Statistics Authority (PSA); National Bureau of Investigation (NBI); Social Security System (SSS); Department of Social Welfare and Development (DSWD); Department of Labor and Employment (DoLE); Department of Health (DoH); Philippine Gaming and Amusement Corp. (Pagcor); Department of Agriculture (DA); Philippine National Police (PNP); Philippine Army (PA);Technical Education and Skills Development Authority (Tesda); Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth); Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR); Commission on Population and Development (PopCom); Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); Department of Trade and Industry (DTI); Public Attorneys Office (PAO); Land Transportation Office (LTO); Coast Guard District Southern Mindanao; ang Family Planning Organization of the Philippines (FPOP); IPI; ang Sarangani PLGU; at Maasim MLGU.
Para sa buwan ng Agosto, mayroon pang nakatakdang PCUP Service Caravan na gaganapin naman sa probinsya ng Pampanga.