PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga employer at manggagawa ng pribadong sektor sa pagbibigay ng tamang sahod sa Agosto 21, Ninoy Aquino Day, at Agosto 28, Araw ng mga Bayani.
Inilabas ni Secretary Bienvenido Laguesma ang Labor Advisory No. 17, Series of 2023 noong Agosto 10 na nagtatakda ng tamang pagtutuos sa sahod ng mga manggagawa para sa idineklarang special (non-working) day sa Agosto 21 at regular holiday sa Agosto 28.
Alinsunod ang Labor Advisory sa Proclamation No. 42, Series of 2022, na sinususugan ng Proclamation No. 90, Series of 2022, kung saan dinedeklara ang regular at special (non-working) day para sa 2023.
Itinatakda ng advisory ang mga sumusunod na patakaran sa tamang pasahod sa special (non-working) day sa Agosto 21, Ninoy Aquino Day:
Para sa mga empleyadong hindi nagtrabaho, ipatutupad ang “no work, no pay” maliban na lamang kung ang kompanya ay may polisiya o collective bargaining agreement (CBA) na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw;
Ang empleyadong nagtrabaho sa nasabing araw ay tatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras ng kanyang trabaho, habang ang empleyado na nag-overtime ay makakatanggap ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita; at
Ang empleyado na nagtrabaho sa special holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga ay dapat bayaran ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod sa unang walong oras na kanyang trinabaho; at karagdagang 30 porsiyento ng orasang kita para sa para sa empleyadong nag-overtime sa nasabing araw.
Samantala, nakasaad sa advisory na ang mga empleyadong nagtrabaho ng regular holiday ng Agosto 28, Araw ng mga Bayani, ay tatanggap ng 200 porsiyento ng kanilang sahod sa unang walong oras.
Kung ang empleyado ay hindi pumasok sa trabaho, babayaran sila ng 100 porsiyento ng kanilang arawang sahod, ngunit kinakailangan na sila ay nagtrabaho o naka-leave of absence na may bayad sa araw bago ang regular holiday.
Kung ang araw na sinusundan ng regular holiday ay araw na walang pasok sa establisimyento o nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, nararapat silang bayaran ng holiday pay kung sila ay nagtrabaho o naka leave of absence sa araw na sinusundan ng araw na walang pasok o araw ng pahinga.
Ang empleyado na magtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita (Orasang kita ng arawang sahod x 200% x 130% x bilang ng oras na trinabaho).
Bukod dito, nakasaad sa advisory na ang mga empleyadong magtatrabaho sa nasabing regular holiday na araw din ng kanilang pahinga ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng arawang sahod na 200 porsiyento; habang ang mga nagtrabaho ng higit sa walong oras (overtime) ay babayaran ng karagdagang 30 porsyento ng orasang kita sa nasabing araw.
Para sa karagdagang katanungan sa tamang pagbabayad ng sahod, pinapayuhan ang publiko na tumawag anumang oras o araw sa DoLE Hotline 1349. Maaari din silang tumawag o mag-text sa 0931-066-2573, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes.
Maaari ding magpadala ng mga katanungan sa pamamagitan ng electronic mail sa [email protected] o sa pamamagitan ng direktang mensahe sa Facebook Page ng DoLE.
—