MARAMI ang nanggagalaiti sa pagpipilit humanap ng sagot sa tanong: Aling administrasyon ang nangakong aalisin sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre? Mariing itinanggi ni Assistant Director General Jonathan Malaya ng National Security Council (NSC) na merong ganung kasunduan.
“Mahirap pag-usapan ang isang bagay na wala tayong pinaghuhugutan,” paliwanag ni Malaya.
Ayon sa opisyal ng NSC, kahit sino ang tanungin sa kasalukuyang administrasyon o sa mga nagdaang administrasyon, walang makapagsabi kung sino nga ang nangako sa China na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Kamakalawa lamang, maingay ang reaksyon sa pagbubunyag ni Bobi Tiglao sa kanyang kolum sa The Manila Times na si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada ang nangako sa China na aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ang magkapatid na mga Senador JV Ejercito at Jinggoy Estrada ay nag-unahan sa pagtatanggol sa kanilang ama. Ayon kay Jinggoy, sentido komun na lamang ay magsasabi na ang ganung pangako ay hindi gagawin ni Pangulong Estrada. Bakit niya gagawin iyun, e, siya nga ang nag-utos na ipabalahura doon ang BRP Sierra Madre upang maging simbolo ng soberaniya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal. Kung sinu-sino na ang nadawit sa kontrobersiya.
Sa pag-iwas na siya ay masangkot, itinuro naman ni dating Senador Juan Ponce Enrile si dati ring Senador Antonio Trillianes 4th, na sa isang panahon ay tumanyag sa paggawa ng tinatawag na “backdoor diplomacy” sa China para sa administrasyong Benigno Aquino 3rd. Animo’y tililing naman sa katatanggi ang matrona.
“Bakit ako?” bulalas ng mahadera. “Ang ganyang mga bagay ay gawain ng mga presidente.”
Tunay na nagmumukha nang isang malaking komedya ang nangyayari.
Mga dapat na pinagpipitaganang matatalino’t matataas na personahe di magawang magagap ang tumingkad nang katotohanan: na sa harap ng nagsalibayang mga haka-haka’t pangangatwiran, isang katotohanan ang hindi na mapasisinungalingan.
E, ano kung si ganun at si ganito ang nangakong aalisin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal?
Ang importante ay nagsalita na si Presidente Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.: “Kung merong ganung pangako, pinawawalang-bisa ko na.”
Presidente na ang nagsalita. Tapos na ang usapan.
Bagama’t hindi sinasarhan ni Bongbong ang diplomatikong daan para resolbahin ang isyu, isang bagay ang tiyak aniya: “Patuloy nating itataas ang ating soberaniya, patuloy nating itataas ang ating mga karapatang teritoryal. At nandiyan nga ang problema. Sinasabi nila,
‘Amin ito.’ Sinasabi naman natin, ‘Amin ito.”
Ipinahayag ni Bongbong ang ultimong paghugot ng katwirang mapandigma. Sa totoo lang, inulit niya lang kung ano ang naiproklama na niya sa iba’t-ibang okasyon: “Hindi ko ipamimigay ang kahit isang pulgada ng Republika ng Pilipinas. Prinoklama niya iyun sa kampanyang pampanguluhan noong 2021. Prinoklama niya iyun sa kanyang talumpating pang-inagurasyon. Prinoklama niya iyun sa kanyang unang SONA. Sandaling nawala iyon sa kanyang Ikalawang SONA. Subalit ngayon ay biglang sulpot uli hindi na sa pilantik ng talumpati kundi sa aktuwal nang kalagayan ng giyera.
Kapuna-puna na sa mga naunang pagkakataong nagpahayag si Bongbong ng paninindigang ipagtanggol ang teritoryo ng Republika ng Pilipinas, hindi sangkot sa partikular ang relasyon ng Pilipinas sa China. Maaari pa ngang ipagpalagay na ang ganong mga proklamasyon ni Bongbong ay malayong patama sa China. Sa isang photo exhibit na inorganisa ng Embahada ng China na nagpalabas ng malalim na mapagkaibigang ugnayang Chino-Pilipino na ipinundar ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr mula noong 1975, panauhing pandangal ang nangangampanya pa lamang bilang presidente na si Marcos Jr.
At nanalo na ngang presidente si Bongbong. Sa mga malalim magmasid, walang makitang pasilip sa anumang pagbabagong maaaring nangyari sa ugnayang Chino-Pilipino – o mas tiyak, ugnayang Bongbong-Chino. Noong Hunyo 10, 2022, ginanap ang Awards for Promoting Philippine-China Understanding (APPCU). Kapwa panauhing pandangal sa okasyon, ay sina noon ay Halal na Presidente pa lamang Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Chinese Ambassador sa Pilipinas na si Huang Xilian.
Isa ako sa pinarangalan ng APPCU, subalit nang gabing iyun sa Dusit Thanie Hotel sa Makati, ang higit na mahalagang napanalunan ko ay ang paniniyak na ipinahayag ni Bongbong sa walang pagpanaw na pagkakaibigan ng China at Pilipinas.
Sa nangyayari ngayong pisikal nang banggaan ng Pilipinas at China dahil sa kanilang pag-aagawan sa Ayungin Shoal, saan na napunta ang dakilang diwa ng parangal na APPCU?
Ang pambobomba ng tubig ng malaking barko ng China Coast Guard sa maliit na barko ng Philippine Coast Guard ay wala nang duda na isang gawang mapandigma. At sa unang malas, ito ay maisisisi mo sa China katulad ng paninisi sa Russia sa ginawang pag-atake sa Ukraine. Subalit sino ba ang may kasalanan sa giyera sa Ukraine?
Sa loob ng mahigit dalawang dekada, pinilit ni Presidente Vladimir Putin na iwasan ang malupit na away sa pagitan ng Russia at ng tambalang US- NATO; tinampukan pa ito ng aplikasyon ng Russia na maging miyembro ng NATO, na tinanggihan ni US Presidente Bill Clinton. Senyales na iyun ng istratehikong plano ng Amerika na ganap na salakabin ang Russia, at ang istratehiyang ito ay maisasakatuparan ng Amerika kung sasapi ang Ukraine sa NATO. Kaya nang tanggihan ni Clinton ang aplikasyon ng Russia na sumapi sa NATO, nagwarning si Putin na huwag na huwag nilang pagmemeyembrohin ang Ukraine dahil pag nangyari iyon ay maghahalo ang balat sa tinalupan. Sa kabila ng warning, nagpumilit pa rin si Presidente Volodymyr Zelensky na pasapiin ang Ukraine sa NATO, ayun inunahan na sila ni Putin sa pamamagitan ng paglunsad ng “special military operations” laban sa Ukraine.
Sa ngayon, pagkaraan ng isang taon, sa Ukraine ay halung-halo na nga ang balat sa tinalupan.
Dito ngayon tayo sa tensyon sa West Philippine Sea. Sa pagpasok ng 2023, di-magkandaugaga ang Amerika sa pagkalampag kay Bongbong, humihingi ng apat pang “pinagkasunduang pook”(dagdag sa limang nauna nang ibinigay sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) upang pag-deployan ng mga tropa’t mga kagamitang pandigma. Tatlo sa apat na ito ay nasa Cagayan at Isabela, malinaw na direkta nang nakaumang sa Mainland China; ang isa ay nasa Palawan, pinupuntirya naman ang mga base militar ng China na nasa rehiyon.
Pinakatutultulan ng China ang mga karagdagang base militar na kaloob ni Bongbong sa Amerika. Subalit sa kabila nito, patuloy pa rin si Bongbong sa pagpahintulot sa Amerika na magdeploy ng mga tropa’t kagamitang panggiyera sa baseng malinaw na nakatudla sa China.
Kung ikaw ang China, maghahalukipkip ka na lang ba habang ang iyong pagkadurog ay totoo nang pinaghahandaan ng kalaban mong Amerika?
Pasalamat ka pa nga na imbes “special military operations” na ginawa ng Russia sa Ukraine, ang bersyon ng China sa Pilipinas ay kanyong tubig lang.