25.9 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

DMW: OFWs na may kontrata sa Myanmar maaari nang bumalik sa bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

MAAARI nang bumalik sa Pilipinas ang mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Myanmar para magbakasyon at muling makapiling ang mga kapamilyang naiwan nang magtrabaho sa nasabing bansa.

Ito ay matapos i-downgrade ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Crisis Alert Level (CAL) na ipinataw sa Myanmar mula Alert Level 4 (Evacuation) sa Alert Level 2 (Restricted Phase).

Batay sa Department of Migrant Workers (DMW) Advisory No. 19 na nilagdaan ni Secretary Maria Susana Ople at ipinalabas kahapon (Agosto 9, 2023), maaari nang bumalik sa Pilipinas ang mga OFW na legal na nagtatrabaho sa Myanmar para makapagbakasyon.

Hindi rin sila pipigilang bumalik sa kanilang trabaho sa Myanmar sa kondisyong maayos silang magpaparehistro sa DMW at may kasalukuyang kontrata sa pagtatrabaho.

Nakasaad din sa public advisory na bawal pa rin ang pagpapadala ng mga bagong trabahador sa Myanmar.

Matatandaang itinaas ng DFA ang Alert Level 4 (Restriction) sa Myanmar noong Mayo 6, 2021 dahil sa lumalalang sigalot na dulot ng pag-take over ng militar sa gobyerno. Sa ilalim ng alert level 4, ipatutupad ng gobyerno ng Pilipinas ang mandatory evacuation ng mga Pilipino trabahante.

Pebrero 17, 2021 nang itinaas ng DFA ang Alert Level 2, isang yugto ng paghihigpit na nangangahulugan na maaaring walang pag-apruba ng bagong deployment at ang mga may valid na working visa lamang ang pinapayagang bumalik. Ito ay sa bisa ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Governing Resolution No. 02-2021 na nilagdaan ng noo’y kalihim ng DoLE at chairman ng board na si Silvestre Bello 3rd.

Bago pa maideklara ang Alert Level 4 noong Mayo, 701 mga Pilipino na ang pinauwi ng pamahalaan mula noong Pebrero 2021. Ang nasabing bilang ay humigit-kumulang 60 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga Pilipino doon.

Naghain naman ng dalawang petisyon sa DFA noong Nobyembre 2021 at Hunyo 2022 ang ilang OFW sa Myanmar at ang mga naghahangad na bumalik sa trabaho sa bansa para ibaba ang alert level para payagan silang makabalik sa kanilang mga pamilya sa gitna ng pagpapabuti ng sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa Yangon.

At nitong Hunyo 21, sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega sa isang press conference, kinukunsidera nila ang pagpapababa ng alert level matapos sabihin ng Myanmar Embassy na stable na ang sitwasyon sa mga lungsod ng Yangon at Mandalay kung saan karamihan sa may 450 OFWs ay nagtatrabaho.

Sa pinalabas na advisory kahapon, pinaalalahanan din ni Ople ang mga Pilipino sa Myanmar na iwasan ang mga rehiyong madaling kapitan ng krisis dahil walang garantiya na madaling mapupuntahan ng mga awtoridad ng Pilipinas o Myanmar ang mga lugar na ito para makapagbigay ng tulong sakaling magkaroon ng emergency.

Sigalot sa Myanmar

Pebrero 2021 nang idineklara ng militar ng Myanmar ang state of emergency sa loob ng isang taon matapos nitong ikulong ang pinunong si Aung San Suu Kyi at iba pang matataas na opisyal ng gobyerno.

Ayon sa militar ng Myanmar, kailangan ang “katatagan” ng estado matapos ang mga umano’y iregularidad sa halalan noong Nobyembre 2020 na napanalunan ng National League for Democratic party ni Suu Kyi.

Sa isang pahayag na binasa sa Myawaddy Television (MWD), sinabi na ang kapangyarihan ay ibinigay sa commander-in-chief ng armadong pwersa, si Senior General Min Aung Hlaing.

Ayon sa pahayag, ang mga listahan ng mga botante na ginamit noong multi-party general election na ginanap noong ika-8 ng Nobyembre, 2020 ay natagpuang may malaking pagkakaiba at ang Union Election Commission ay nabigo na ayusin ang usaping ito.

“Unless this problem is resolved, it will obstruct the path to democracy and it must therefore be resolved according to the law. Therefore, the state of emergency is declared in accordance with article 417 of the 2008 constitution. In order to perform scrutiny of the voter lists and to take action, the authority of the nation’s law making, governance and jurisdiction is handed over to the Commander in Chief in accordance with the 2008 constitution article 418, sub article (a). (Maliban kung naresolba ang problemang ito, hahadlang ito sa landas tungo sa demokrasya at samakatuwid dapat itong lutasin ayon sa batas. Samakatuwid, ang state of emergency ay idineklara alinsunod sa artikulo 417 ng konstitusyon ng 2008. Upang maisagawa ang pagsisiyasat sa mga listahan ng mga botante at maaksyunan, ang awtoridad ng paggawa ng batas, pamamahala at hurisdiksyon ng bansa ay ibinibigay sa Komandante sa Chief alinsunod sa 2008 constitution article 418, sub article (a).), dagdag pa sa televised address.

Nitong Agosto 1, iniulat ng state media sa Myanmar na ang dating pinuno na si Aung San Suu Kyi ay pinatawad sa lima sa 19 na kaso na isinampa laban sa kanya ng militar.

Ang pardon, bahagi ng isang seasonal amnesty, ay magbabawas sa kanyang 33-taong pagkakakulong ng anim na taon.

Si dating pangulong Win Myint, na napatalsik kasama si Ms Suu Kyi, ay nakatanggap din ng pinababang sentensiya ng pagkakulong matapos mabigyan ng pardon ang dalawa sa kanyang mga kaso.

Ang periodic amnesties ay inanunsyo na noon pa, ngunit ito ang unang pagkakataon na isinama nila sina Ms Suu Kyi at Mr Myint.

Ang junta ng militar ay gumawa ng iba pang mga konsesyon sa tila isang pagsisikap na buhayin ang natigil na mga pagsisikap sa diplomasya.

Noong nakaraang linggo, inilipat si Ms Suu Kyi mula sa bilangguan patungo sa house arrest sa kabisera ng Nay Pyi Taw.

Ang 78-anyos na Nobel laureate ay ikinulong ng militar mula noong Pebrero 2021 kasunod ng kudeta na nagpatalsik sa kanya. May dagdag na ulat si Rufina Caponpon

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -