25.1 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Bilang ng child laborer, bumaba noong 2022

- Advertisement -
- Advertisement -

BUMABA ang bilang ng child laborer sa bansa noong 2022, kasabay sa pagpapaigting ng kampanya laban sa child labor ng Department of Labor and Employment, kasama ang National Council Against Child Labor (NCACL) at ng mga social partner nito.

Ayon sa Special Release on Working Children Situation na inilathala ng Philippine Statistics Authority noong  Hulyo 25, 2023, 828,000 kabataan ang nasangkot sa child labor noong 2022, 56% ng 1.48 milyon batang nagtatrabaho. Ito ay mas mababa kumpara sa bilang ng mga batang manggagawa noong 2021 na 935,000. Habang ang bilang ng mga batang nagtatrabaho noong 2022 ay mas mataas kaysa sa 1.37 milyong mga batang nagtatrabaho noong 2021, bumaba naman ang porsyento ng mga child laborer.

Sa ilalim ng umiiral nating batas, 15 ang pinakamababang edad na maaaring makapagtrabaho sa ating bansa. Kaya, ang mga batang nasa 15 hanggang 18 taong gulang ay legal na pinapayagang magtrabaho sa kondisyon na hindi sila nakikibahagi sa child labor. Ang child labor ay anumang trabaho o pang-ekonomiyang aktibidad na ipinapagawa sa isang bata na maituturing na pagsasamantala o nakakapinsala sa kanyang kalusugan at kaligtasan, pisikal, mental, o psychosocial na pag-unlad.

“Ang pagbaba ng bilang ng mga child laborer ay nagpapakita ng patuloy na suporta at pagsisikap ng Kagawaran at ng mga social partner nito na mapigilan at wakasan ang child labor sa bansa. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin naaabot ang target nating zero child laborers na ating target sa ilalim ng Chapter 3 ng Philippine Development Plan 2023-2028,” pahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma.

Tinukoy din ng release na nangunguna pa rin ang sektor ng agrikultura sa may pinakamaraming bilang ng child laborer at ang Rehiyon 12 ang may pinakamataas na insidente ng child labor.

Bukod sa patuloy na pagsusulong ng mga kampanya laban sa child labor, inaprubahan ng NCACL, na pinamumunuan ng Kagawaran, ang Philippine Program Against Child Labor (PPACL) Strategic Framework na sumasaklaw sa taong 2023-2028 noong Marso 2023. Ito ay nagpapatibay sa pangako ng Kagawaran upang wakasan ang child labor kasama ang iba pang miyembro ng NCACL gayundin ang mga social at international development partner nito.

Tulad ng sinasabi ng African Proverb, “Kailangan ang buong komunidad sa pagpapalaki ng isang bata” na nagbibigay-katwiran para sa sama-sama at nagkakaisang paglutas sa problema ng child labor.

Idinagdag ni Secretary Laguesma na ang DoLE, sa bahagi nito, ay patuloy na palalakasin ang Child Labor Prevention and Elimination Program, ang kontribusyon ng Kagawaran sa PPACL, sa pamamagitan ng paggamit ng estratehiko at panlahatang pamamaraan upang matugunan ang child labor lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga mapanganib na kapaligiran.

Mula 2018 hanggang 2022, may 620,556 child laborer ang na-profile ng DoLE, 614,808 ang isinangguni para mabigyan ng mga kinakailangang serbisyo kung saan 138,460 child laborers ang nabigyan ng kinakailangang serbisyo. Kabilang sa mga serbisyong ibinibigay sa mga child laborer ay tulong pang-edukasyon, medikal, legal, counseling, pag-rehistro sa kanilang kapanganakan, at pagbibigay ng gamit pang-eskwela, hygiene kits, at food pack, bukod sa iba pa. Nakatanggap din ang pamilya ng mga child laborers ng iba’t ibang serbisyo tulad ng tulong-pangkabuhayan, emergency employment, job placement/employment facilitation, skills training, tulong pinansiyal, medikal at pabahay; at isinama rin sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD. Nakatulong ang mga serbisyong ito para maalis ang 148,331 kabataan mula sa child labor mula nang simulan ng DoLE ang profiling ng child laborer noong 2018.

Para sa 2023, binabantayan ng DoLE Regional Offices ang kalagayan ng mga profiled child laborers sa pamamagitan ng pagsasagawa ng field visit upang masubaybayan ang kanilang pag-unlad at mapadali ang pag-alis sa kanila mula sa child labor. Batay sa resulta ng pagsubaybay, tutukuyin ng DoLE kung ang bata ay natanggal na mula sa child labor o kung kinakailangan pang bigyan ng tulong ang child laborer at ang kanyang pamilya.

Nagsusumikap din ang DoLE na mapabuti ang mekanismo sa pag-uulat ng insidente ng child labor sa pamamagitan ng paglulunsad ng Batang Malaya Child Labor Knowledge Sharing System, isang website na maa-access sa https://batangmalaya.ph, na may reporting module na magagamit ng publiko sa pag-report ng mga insidente ng child labor. Bukod dito, lumagda din ang DoLE at ang Council for the Welfare of Children ng isang Memorandum of Understanding para sa Makabata Helpline, isang mekanismo sa pag-uulat at pagpapadali ng koordinasyon at tulong para sa mga emergency na may kinalaman sa proteksyon ng bata, kabilang ang child labor.

Palalakasin ng Kagawaran ang mga adbokasiya sa kampanya para wakasan ang child labor, gamit ang quad-media platforms, para sa pagtataas ng  kamalayan at pangangalap ng suporta, pagpapalakas sa kapasidad ng mga tauhan nito, pagbibigay ng mas malakas na proteksyon para sa mga batang manggagagawa sa pamamagitan ng mga pagpapalabas ng patakaran na naaayon sa Republic Act No. 9231, at pagsama-sama ng mga iba’t ibang programa nito na makatutulong sa mga child laborers at kanilang mga pamilya kabilang ang Kabuhayan Program, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o Tupad, Special Program for Employment of Students, Government Internship Program, JobStart Philippines Program, at Project Angel Tree.

Upang matiyak ang patuloy na proteksyon ng mga batang manggagawa, binibigyang prayoridad ng Kagawaran ang pag-inspeksyon sa mga establisyimento na may mga batang nagtatrabaho at patuloy na ililigtas ang mga child laborer na nasa delikadong kalagayan ng trabaho sa pamamagitan ng Sagip Batang Manggagawa at iba pang katulad na mekanismo.

Sa tulong ng lahat ng sektor, patuloy na palalakasin ng DoLE ang kanilang pangkalahatang gawain para sa isang komprehensibo, inklusibo, at malawak na aksyon upang isulong ang layunin ng PPACL para sa isang child-labor-free Philippines.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -