26.5 C
Manila
Sabado, Disyembre 21, 2024

Nagtapos ng nakayapak, nakahanap ng trabaho sa DoLE

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG nakakaantig na sandali ng inialok ng estudyante sa kanyang ina ang kanyang sapatos at naglakad ng walang sapin sa paa para sa pagtatalaga ng kanyang toga. Ito ay paglalarawan ng kanyang paggalang sa magulang, pagpapakumbaba sa gitna ng tagumpay, at determinasyon para sa isang magandang kinabukasan.

Nagpasalamat si Anna Rose Quinto, na nagtapos ng nakayapak kasama ang kanyang ina (kaliwa), kay DoLE Regional Director Sixto ‘Popoy’ Rodriguez Jr. sa DoLE RO 6-Negros Occidental Field Office para sa oportunidad ng trabaho na ibinigay sa kanya. Larawan mula sa DoLE

Ang video na nag-viral sa social media ay si Anna Rose Quinto, nagtapos ng Bachelor of Science in Secondary Education Major in Mathematics mula sa Bago City College sa Bago City, Negros Occidental.

Sa ginanap na seremonya, nag-alinlangan ang ina ni Quinto na samahan siya sa entablado dahil nasira ang takong ng kanyang sapatos. Sa halip na iwan ang kanyang ina, hinubad ni Quinto ang kanyang sapatos at ipinasuot ito sa kanyang ina kaya nakayapak siyang umakyat sa entablado. “Maraming isinakripisyo ang aking ina para makapag-aral kami, kaya nais kong ibahagi sa kanya ang tagumpay na ito,” paliwanag ni Anna Rose kung bakit siya nakayapak.

Naantig ang damdamin ni Regional Director Atty. Sixto Rodriguez Jr. sa ipinakitang pagmamahal ni Anna Rose sa kanyang ina, kaya kanyang inutusan ang DoLE RO 6-Negros Occidental Field Office (DoLE RO 6-NOFO) para makipag-ugnayan sa kanya ukol sa mga oportunidad sa trabaho.

“Nagbibigay kami ng oportunidad sa mga nangangailangan at karapat-dapat sa trabaho. Taglay ni Quinto ang mabuting pag-uugali ng isang mabuting empleyado. Dumaan siya sa tamang proseso at naging kwalipikado sa posisyong inaplayan niya,” wika ni Atty. Rodriguez.

Sa panayam kay Quinto, napag-alaman na hindi na siya bago sa mga programa at serbisyo ng DoLE. Noong 2017 ay nagtrabaho siya sa Pamahalaang Lungsod ng Bacolod para mangalap ng National Skills Registration Program (NSRP) data form.

Isa sa mga programa ng DoLE ang NSRP na naglalayong mapanatili ang skills registry ng buong bansa sa pamamagitan ng Skills Registry System (SRS) database. Ito ay isang database ng aktibong manpower supply na naglalaman ng mga profile ng lahat ng manggagawa at employer na nakarehistro sa ilalim ng NSRP na may mga impormasyon sa kwalipikasyon at kakayahan ng mga aplikante pati na rin ang mga bakanteng trabaho na isinumite ng mga employer.

Dahil sa kanyang karanasan sa pagtatrabaho sa lokal na pamahalaan ng Bacolod, natanggap si Quinto bilang NSRP Coordinator ng DoLE RO6 NOFO. Naniniwala siya na sa kanyang pagtatrabaho sa DoLE, madaragdagan ang kanyang kaalaman bilang propesyonal at karanasan sa pagtatrabaho.

Nagpapasalamat si Anna Rose sa trabahong makatutulong sa kanya upang matupad ang kanyang mga layunin at makamit ang kanyang mga pangarap. “Gagamitin ko ang kinikita ko sa DoLE para sa aking pagsusulit sa Licensure Examination for Teachers sa susunod na taon,” wika niya.

“Tutulong kami sa bawat pagkakataon. Sa pagbibigay ng trabaho, tutulungan namin sila sa kanilang personal at propesyonal na pag-unlad at sa pagbibigay ng mga pangangailangan para sa kanilang pamilya,” pahayag ni RD Rodriguez kasabay ng kanyang panawagan sa lahat ng mga employer na maging sensitibo sa mga pangangailangan ng mga manggagawa. “Gamitin natin ang mga talento at potensyal ng mga kabataang nagtapos na maaaring maging asset sa industriya at sa ating bansa,” pahayag ni Atty. Rodriguez na tumututok sa mga kakayahan ng mga kabataan.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -