27.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Isang bagyo na lang, giyera na?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

UMIINIT ang mga diskusyon sa sigalot sa South China Sea. Naka sentro pa rin ang mga usapan sa Resolusyon 659 na inihain ni Senador Risa Hontiveros. Hinihingi  ng resolusyon na ang  pamahalaan ay magharap ng kahilingan sa General Assembly ng United Nations (UNGA) na ipatupad ang  2016 desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na nasa Hague. Walang hinto sa pamamarali ang mga bunganga ng Amerika sa Pilipinas na ang nasabing desisyon ay tagumpay ng Pilipinas laban sa China sa kanilang agawan ng teritoryo sa South China Sea. Mahalagang liwanagin sa una pa na hindi ito totoo.

Una muna, unawain na ang PCA ay hindi isang ahensya ng United Nations ni ang naging ahensiya ng UN sa anumang panahon. Kung nakapagtamo man ito ng tatak bilang konektado sa UN, iyun ay dahil sa ugnayan nito sa International Treaty on the Law Of The Sea (ITLOS) na sa bisa ng maraming  pakikipagtalastasan dito ay nagpatampok sa kanya bilang lupong pang-arbitrasyon  na rekognisado ng UN.

Sa kabilang banda, ang soberanya ng Pilipinas ay hindi pinagpasyahan sa nasabing desisyon. Kung pagbabatayan ang 2016 na kahatulan, walang mapanghahawakan ang Pilipinas na kanya ang teritoryong inaangkin sa South China Sea. Ang ipinagkaloob na hatol ay ito: iligal ang Nine Dash Line Map na siyang gamit na patunay ng China na kanya ang halos kabuuan ng South China Sea. Hindi porke’t iligal ang mapang Nine Dash Line, sa Pilipinas na ang teritoryong inaangkin. Paano na ang Vietnam, Singapore, Brunei, Malaysia, Indonesia, Taiwan? Lahat ng mga ito ay may kanya-kanyang pag-angkin ng teritoryo sa South China Sea. Subalit hindi ito nagbigay ng problema sa simula.

Ganap ang kagandahang loob na ipinamalas ni Presidente Xi Jinping ng China nang pangunahan niya ang pagbubuo ng Code of Conduct on the South China Sea (COCSCS), gumagabay sa ugnayan ng China at mga bansang Asean, pwera ang mga dayuhan. Ang problema, pilit sa panghihimasok ang Amerika,gamit ang palusot na “freedom of navigation operation (Fonop    ).” Dito nag-uugat ang lumalalang tensyon sa South China Sea, hindi dahil sa may hidwaan ang China at Pilipinas kundi dahil sadyang pinapag-init ng Amerika ang ganung hidwaan upang magsilbing titis ng pagsambulat ng giyera Chino-Amerikano sa Indo-Pasipiko. Sa bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT), ang away ng China at Pilipinas ay magbibigay katwiran sa Amerika na makialam.

Giyera ang tanging nalalabing paraan upang isalba ng Amerika ang sarili sa tiyak na pagbulusok ng kabuhayan.


Malamang na ang hatol ng PCA ay inasahan na ng China sa simula pa lang, kung kaya tumanggi siyang magpartisipa sa arbitrasyon at nagpahayag ng di pagkilala sa hatol nito.

Pero naririyan nga ang walang tigil na pang-uudyok ng Amerika na hilingin ng pamahalaang Bongbong sa United Nations na ipatupad ang hatol ng PCA. Paano ipatutupad? Utusan ang China na lumayas sa South China Sea?;Nananaginip tayo diyan. Umabot na kamakailan lamang sa 150 ang bilang ng mga bansa na saklaw na ng Belt and Road Initiative (BRI) ng China. Ibig sabihin, 40 na lamang ang hindi kabig ng China kung bilangan ng boto sa UN General Assembly ang pag-uusapan. At walang nakatitiyak na ang 40 ay hindi boboto sa China; sa kasalukuyang pangmundong kalagayan na dumaragdag ang bilang ng mga bansang ibig pumaloob sa BRICS at yakapin ang pagkontra nito sa dolyar bilang pangmundong kurensiya, ang 40 ay malamang sa hindi boboto rin sa China. Saan mo ngayon dadamputin ang Resolusyon 659 ni Hontiveros?

Kinikilala ang realidad na ito, nagsagawa ng caucus ang mga senador upang halinhan ang resolusyon ni Hontiveros ng isang bago na sa patnubay ni Senate President Juan Miguel Zubiri ay inaasahang higit na epektibo. Ang totoo niyan, may pahiwatig ng pag-aagawan sa papel ng pagpasa ng resolusyon. Sa ibang salita, sino ang lilitaw sa Kano na bida rito at samakatwid hahamig sa malaking premyo? Uulitin ko ang nasabi ko na noong nakaraang kolum:”Bobo kang senador kung hindi ka kikita ng isang milyon isang araw.”

Sa isang pahayag sa media, sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos, hindi trabaho ng lehislatura ang pakikipag-ugnayan sa United Nations. Kawawang presidente. Walang kamalay-malay na ang nagaganap ay lumilitaw na isang malaking lobby ng Amerika upang pasabugin sa kapulungang internasyonal ang isyu sa South China Sea. Pagkaraan nito ano?

- Advertisement -

Nakapag-aalala ang palitan ng opinyon ng mga senador tungkol sa Resolusyon 659.

Ayon kay Senate President Zubiri, ang Ayungin Shoal ay napapaligiran na ng mga barkong milisya ng China. Galit na galit si Senador Bato de la Rosa sa impormasyon na aniya’y nabasa niya sa diyaryo na oras na bumagyo, hindi na pararaanin ng mga barkong milisya ng China ang anumang panaklolong hakbang na gagawin ng Philippine Coast Guard at sa halip ang mga barkong milisya na ng China ang hahatak sa BRP Sierra Madre na nabalahura roon upang iligtas ang mga sundalong Marines ng Pilipinas na nagbabantay sa barkong Pilipino. Oras na mahatak na ng milisyang Chino ang BRP Sierra Madre, hindi na sila aalis sa Ayungin Shoal.

Dito natin maaalaala ang minsang winika ni Presidente Bongbong.

“Sa atin naman talaga iyan.”

Ngayong, ayon sa balita ni Sensdor Bato ay sasakupin na ng China ang Ayungin Shoal oras na magkabagyo, ibig sabihin, isang bagyo na lang giyera na?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -