27.9 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Hinikayat ni Marcos ang mamamayang Pilipino na isulong ang wikang pambansa sa pagsisimula ng ‘Buwan ng Wika’

- Advertisement -
- Advertisement -

SA pagsisimula ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika, kahapon, Agosto 1, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mamamayang Pilipino na isulong ang wikang Filipino na ayon sa kanya ay nagsisilbing tulay para sa pagkakaisa at pagmamahal sa bayan.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang wikang Filipino ay nagsisilbing tulay para sa pagkakaisa at pagmamahal sa bayan. Lawawan mula sa PCO

“Sa pagkakataong ito, ating bigyang-pansin ang kapangyarihan ng wika hindi lamang sa pagbuo ng ating kaisipan at paraan ng komunikasyon, kundi pati na rin sa pagkintal ng ating patuloy na pagsulong at pagdala ng kolektibong karunugan sa bawat henerasyon,” sabi ni Marcos.

“Sa pamamagitan ng wikang Filipino, ating ilahad ang mga kuwento at karanasang magiging matibay na saligan ng ating pag-unlad,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, ang “Buwan ng Wikang Pambansa” ay ipinagdiriwang tuwing Agosto 1-31 sa pangunguna ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Ang obserbasyon sa  “Buwan ng Wikang Pambansa” ngayong taon ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”

Samantala, puspusan ang naging paghahanda ng KWF sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2023 na may temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.”

Tampok din sa selebrasyon ang lingguhang tema na Pagkilala at Pagtaguyod sa Filipino Sign Language (FSL) bilang Pambansang Wikang Senyas ng Pilipinas (1–5 Agosto); Mga Wikang Katutubo: Midyum ng Pagtuturo, Pananaliksik, at Pagkakaisa (7–12 Agosto); Mga Wikang Katutubo: Kasangkapan ng Siyensiya at Teknolohiya tungo sa Maunlad na Bansang Pilipinas (14–19 Agosto); Mga Wikang Katutubo: Pambansang Pag-uswag at Pakikipagkapuwa sa Pagpapaunlad ng Katarungang Panlipunan (21–26 Agosto); at Wikang Filipino: Wikang Mapagbangon (21–26 Agosto).

Ang mga layunin ng pagdiriwang ay ganap na maipatupad ang Pampanguluhang Proklamasyon Blg. 1041; maiangat ang kamalayan ng mga mámamayáng Pilipino ukol sa wika at kasaysayan nitó; mahikayat ang iba’t ibang ahensiyang pampámahalaán at pampribado na makiisa sa mga programang tulad nitó na nagpapataas ng kamalayang pangwika at sibiko; maganyak ang mga mámamayáng Pilipino na pahalagahan ang mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga gawain kaugnay ng Buwan ng Wikang Pambansa; at maipakilala sa mga mámamayáng Pilipino ang KWF bílang ahensiya ng pámahalaán na nangangalaga sa mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga programang pangwika nitó.

Itatampok ng KWF ang iba’t ibang gawaing pangwika sa buwan ng Agosto kabilang ang serye ng webinar, tertulyang pangwika mula sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa, mga timpalak, paglulunsad ng mga aklat, at Araw ng Parangal.

Maglalabas ang KWF ng mga patalastas sa opisyal na FB page ng ahensiya hinggil sa iba’t ibang gawaing pangwika na puwedeng daluhan at makibahagi ang bawat Pilipino.

Para sa iba pang detalye at impormasyon hinggil sa selebrasyon ay maaaring makipag-ugnayan sa Sangay ng Edukasyon at Networking (SEN) sa pamamagitan ng email sa timpalak.gawad@kwf.gov.ph.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -