28 C
Manila
Martes, Enero 14, 2025

Gatchalian, inaalam ang kahandaan ng gobyerno laban sa El Niño

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN ng resolusyon si Senador Win Gatchalian para alamin ang kahandaan ng gobyerno laban sa El Niño phenomenon na posibleng magpatuloy hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.

Naghain ng resolusyon si Senador Win Gatchalian para alamin ang kahandaan ng gobyerno laban sa El Niño phenomenon na aabutin hanggang unang kwarter ng 2024.Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

 

Inilatag na mismo ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ang kahalagahan ng pagtugon sa epekto ng El Niño kaya nga raw kumikilos na ang gobyerno para labanan ito, at isa sa mga nakikitang hakbang ang pagsasagawa ng cloud seeding.   

 

Ang resolusyon ni Gatchalian, ang Senate Resolution No. 691, ay kasunod rin ng deklarasyon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (Pagasa) sa pagsisimula ng El Niño. Posible kasi nitong mapataas ang antas ng kahirapan kung isasaalang-alang ang epekto sa presyo ng mga bilihin dahil sa posibilidad ng pagbaba ng produksyon ng pagkain. Ang El Niño ay maaari ring humila sa presyo ng kuryente pataas.

 

“Dahil sa perwisyo ng El Niño na nararanasan na natin ngayon, maaari din nitong pataasin ang presyo ng mga bilihin tulad ng pagkain, pati na ng kuryente,” ani Gatchalian.

 

“May agarang pangangailangan na malaman ang kakayahan ng mga ahensya ng gobyerno at matukoy ang mga plano nila upang labanan ang epekto ng El Niño. Kailangang handa tayo sa posibleng masamang epekto ng El Niño sa pagkain, enerhiya at seguridad sa ekonomiya ng bansa,” pagdidiin niya.

 

Dahil sa El Niño, maaaring mabawasan ang kontribusyon ng sektor ng agrikultura sa gross domestic product (GDP) ng bansa. Base sa ulat ng World Bank noong 2019, ang mga paulit-ulit na pagdating ng El Niño sa bansa ay tinatayang magdudulot ng kabawasan ng GDP mula -0.29% hanggang -1.57% at kabawasan ng GDP ng agrikultura mula -1.73% hanggang -6.9%, sabi ni Gatchalian.

 

Ayon sa mga datos, kung nagka El Niño noong 2022, maaaring mabawasan ng P57.84 bilyon hanggang P313.11 bilyon ang national GDP at P30.85 bilyon hanggang P124.31 bilyon ang GDP ng sektor ng agrikultura.  

 

Ayon kay Gatchalian, ang mga nakaraang pagdating ng El Niño sa bansa ay nagdulot ng tagtuyot at kakulangan ng suplay ng tubig dahil sa mas mababang dating ng pag-ulan, na lubhang nakaaapekto sa mga magsasaka na umaasa sa ulan para sa kanilang kabuhayan.

 

Ang El Niño ay ang abnormal na pag-init ng temperatura sa ibabaw ng dagat sa central at eastern equatorial Pacific Ocean na nagdudulot ng matagal na yugto ng tagtuyot at mas mababa kaysa sa karaniwang pag-ulan sa ilang lugar. Ito ay nangyayari sa pagitan ng dalawa hanggang pitong taon at maaaring tumagal ng hanggang 18 buwan. 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -