30.8 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Postcards mula sa tabi-tabi

REMOTO KONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa kolum na dalawang bahagi

NANG nasa college pa ako noong 1980s, usong-uso ang mga drag race. Hindi ito mga transgenders na nagko-kontes suot ang mga makikintab at  maiigsing damit pambabae.

Ito’y mga mayayamang bagets na inaapakan ang pedal ng gasolina ng mga sasakyan ng kanilang mga tatay, at pinapaharurot ang mga ito. Makikintab ang mga mamahalin at bagong sasakyan sa dilim. Ginagawa ito noon sa Ortigas, noong ang Ortigas ay isa pa lang rektanggulo ng mga talahib. Kundi rito’y sa Marcos Highway naman, nang ito’y naliligiran pa ng mga palayan.

Kalauna’y nasa Ortigas pa rin ang mga drag racers, pero ang iba sa kanilla’y lumipat na sa SLEX, papuntang Alabang. At ang sakay nila’y hindi lamang nakatayo sa upuang nasa likod ng kanilang sasakyang bukas ang takip. Nakatayo ito sa buntot ng sasakyan mismo.

Nakatayo siya roon, parang isang hunk sa California na nakasakay sa alon. O parang isang maputlang Euro bagets na suot ang mamahaling mga damit, nag-iiski sa mga bundok ng Alps. O parang isang Amerikanong nagha-hang gliding sa mga bundok ng Himalayas. Ang mga mukha nila’y matigas na nakaharap sa kapalaran.

“Nawawalang henerasyon” ang tawag ni Ernest Hemingway sa mga grupo nila, mga batang Amerikanong manunulat na tumira sa Paris noong 1920s. Sila’y umiinom ng matatapang na alak, palaging nagmumura, nakikipag-sex sa kanilang mga kapareha, at nagsusulat sa maraming pahina ng mga papel.

Halos pumutok ang kanilang mga ugat dahil sa igting na kanilang mga buhay bilang mga manunulat na nakatira sa ibayong dagat. Ito ang Old World ng Europa, malayo sa New World ng Amerika. Gusto nilang matutong magsulat dito, uminom sa kalinangan ng Europa.  At dito nila isinulat ang una nilang mga aklat na magpapasikat sa kanila na magpapayabong sa kanilang mga karera.

Ipininta ni Ernest Hemingway ang kanilang mga buhay sa kanyang aklat na A Moveable Feast, na kalauna’y naging isang pelikula. Noong 1990s, nag-aral ako sa University of Stirling sa Scotland bilang isang British Council scholar. Napanood ko doon ang pelikulang ito tungkol sa buhay ng mga artista at manunulat na mga ito, nakatira sa labas ng kanilang bansa. Mga expatriate writers ang tawag sa kanila.

Ipinakita ang isang eksena kung saan si Hemingway ay palipat-lipat sa mga mesa, lasing na lasing, tulad ng dati, at ichini-chika sa lahat ang isinusulat niyang bagong libro. Ang pansamantalang titulo nito’y A Portable Dinner. Siyempre’y mas maganda ang naging titlo na A Moveable Feast.

Si James Dean ang sumunod na idolo ng mga batang hindi mapakali, na titulo rin ng isang sikat na TV series noon: The Young and the Restless. Naaalala pa rin natin ang malungkot at guwapong mukha ni James Dean. Ang mga pelikula niyang Rebel Without a Cause at East of Eden ay popular pa rin hanggang ngayon, hindi lamang sa mga mag-aaral ng Film at Cinema Studies.

Sigurado akong hindi makapakali ngayon si James Dean sa kanyang libingan kapag makikita niya ang kaiyang mukha kung saan-saan. Isa na siyang merch, o merchandise item. Ang mukha niya’y nasa T-shirts at nasa cover ng mga notebooks, poster, lunch box, pencil case, bag at kung anu-ano pang mga bagay.

Nang bukas pa ang Blue Café sa Malate sa Maynila, paborito kung upuan ang mukha ni James Dean na nasa upholstery ng isang silya roon.

Ernest Hemingway LARAWAN MULA SA WIKIPEDIA

At ayan na nga, nariyan pa rin sina Ernest Hemingway at James Dean. Noong 1954, mapapanalunan ni Hemingway ang Nobel Prize dahil sa kanyang maigsing nobelang The Old Man and the Sea. Tungkol ito sa mga pakikipag-sapalaran ng isang matandang mangingisda, si Santiago, at ang pakikipag-tunggali niya sa isang malaking isda.

Ipinakikita ng maigsing nobela ang kakayahan ng kaluluwa ng tao na suungin ang kahirapan at sigalot para masungkit ang bituin ng kaniyang mga pangarap. Malalim ang kanyang pagmamahal at kaaalaman sa karagatan, kahit na ito’y tila walang pakialam at kadalasa’y masungit lang. Mula sa pag-unawang ito sa karagatan — na tila isang malinaw na salamin ng buhay — kaya naka-igpaw si Santiago at nagwagi.

Malaki ang pagkagulat ni Hemingway nang manalo ng Pulitzer Prize sa Estados Unidos ang The Old and the Sea. Ang Pulitzer Prize ang pinakamataas na premyo sa mga manunulat na Amerikano. Hindi niya ito inasahan.

Pero isang araw, may tawag siyang natanggap sa telepono, galing sa Stockholm, Sweden. Sinabi ng nasa kabilang linya na siya, si Ernest Hemingway, ay nagwagi ng Nobel Prize sa Panitikan. Ito ang pinakamataas na parangal para sa isang manunulat, sa buong mundo. Ang magwawai ay may isang medalyong ginto at isang milyong dolyar. Magde-deliver din siya ng Nobel Prize address sa palasyo sa Stockholm.

Hindi lamang naging bestseller ang The Old Man and the Sea. Nasungkit rin nito ang pinakamataas ng premyo sa panitikan sa Amerika, at sa buong mundo. Hindi na kailangan ni Hemingway na maging dyornalist para may pambayad siya ng mga bills habang nagsusulat ng kaniyang mga nobela. Mayaman na siya at kilala na sa buong mundo.

Noon ngang 1950s ay nagpunta pa siya sa Maynila at tumira nang ilang araw sa MacArthur Suite sa Manila Hotel. May nagbigay sa kaniya ng kopya ng How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Stories nI Manuel Arguilla. Nagustuhan ni Hemingway ang aklat, pero ang kanyang tanong: “Paano kayo nakapagsusulat sa init  na ito?” Mas mainit nga ngayon sa Pilipinas, at mas maingay. Paano nga ba makasusulat dito?

Pero dahil mahina ang mental at emotional health ni Hemingway, wala na siyang nailimbag matapos ang The Old Man and the Sea. Para siyang isang balon na natuyuan nang tubig. Tumira siya sa isang magandang mansion sa Key West, Florida, at binaril ang sarili noong 1961 sa kanyang bayang tinubuan, sa Ketchum, Idaho.

Ang mukha niya’y isang maskara: matigas, isang mukhang hindi mayuyupi ng haging.

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -