NAIS ni Senador Win Gatchalian na imbestigahan ang panukalang pagsasanib sa pagitan ng Landbank of the Philippines (Landbank) at Development Bank of the Philippines (DBP) na posibleng maisakatuparan sa kalagitnaan ng 2024.
“Kailangan ng Senado na pag-isipan ang epekto ng pagsasanib ng dalawang bangko at kung ito ay makakabuti sa pag-unlad ng agrikultura, imprastraktura, at mga micro-small-and-medium enterprises. Dapat matiyak natin na ang panukala ay sasang-ayon sa mga target ng pamahalaan,” ayon kay Gatchalian, kasunod ng paghain niya ng Senate Resolution No. 697.
“Mahalaga ring tingnan ng Senado ang mga potential risk sa katatagan ng industriya ng pagbabangko at ng buong ekonomiya, dahil ang merger ng Landbank at DBP na siyang magiging pinakamalaking bangko sa bansa ay posibleng magdulot ng financial market stress at economic shocks,” diin ni Gatchalian.
Matatandaan na iminungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno noong Marso ng taong ito ang pagsasanib sa pagitan ng Landbank at DBP upang lumikha ng mas malaki at mas matatag na bangko na layong magpaunlad ng bansa.
Batay sa mga datos noong Disyembre 31, 2022, ang naturang merger na sinasabing pinakamalaking banking institution sa bansa ay may tinatayang laki ng asset na humigit-kumulang P4.18 trilyon. Dahil dito ay nakikitang maaalis ang redundancies at inefficiency sa mga operasyon na magreresulta sa tinatayang savings na P5.3 bilyon taun-taon.
Ayon kay Gatchalian, pinatunayan ng isang ulat ng Government Commission for GOCCs (GCG) na isinumite sa Office of the President na ang panukalang pagsasanib ng dalawang bangko ay hindi na nangangailangan ng bagong batas.
Sa kanyang inihain na resolusyon, sinabi ni Gatchalian na dapat tiyakin ng gobyerno na ang mga operasyon ng GOCCs ay makatwiran at nababantayan upang ang mga asset at resources ng gobyerno ay nagagamit nang mahusay.