25.7 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Mahigit 200K manggagawa nakinabang mula sa dispute resolution services ng DoLE

- Advertisement -
- Advertisement -

SA ikalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., mahigit 200,000 manggagawa ang nakinabang mula sa iba’t ibang labor dispute resolution at settlement services ng Department of Labor and Employment (DoLE).

Ito ay naging bahagi ng performance highlights at inputs ng DoLE para sa State of the Nation Address ni Pangulong Marcos Jr.

Nakakuha ng mataas na settlement rate ang mga ahensya ng DoLE, partikular ang Office of the Secretary, National Conciliation and Mediation Board, National Labor Relations Commission (NLRC), Bureau of Labor Relations, at iba’t ibang tanggapan ng DOLE, para sa kanilang conciliation, mediation, at arbitration services para sa ikalawang semestre ng 2022 at unang semestre ng 2023.

Kabilang sa mga serbisyong ito ay ang pag-resolba sa di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng Single Entry Approach ng DoLE kung saan nakinabang ang 43,907 manggagawa at nagresulta sa pagkakasundo na nagkakahalaga ng P1.868 bilyon.

Napigilan din ng kagawaran ang pagpapahinto sa trabaho sa mahigit na 8,000 manggagawa sa pamamagitan ng preventive mediation, kung saan pinag-uusap ang mga manggagawa at management para ayusin ang kanilang isyu sa paggawa at pamamahala upang maiwasan ang paghahain ng kaso.

Nagsagawa din ng mga interbensyon ang DoLE sa pamamagitan ng Workers’ Organization Development Program (WODP) para sa responsable at maliwanag na paggamit ng mga karapatan ng mga manggagawa sa pagbuo ng organisasyon at collective bargaining.

Nakatuon ang WODP sa paglinang sa kakayahan ng mga manggagawa at ng kanilang organisasyon upang mabisa at mahusay nilang magampanan ang kanilang tungkulin tungo sa pagtataguyod ng unyonismo, pagbibigay-kapangyarihan sa mga manggagawa, at maayos na relasyon sa pamamahala sa paggawa.

Mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2023, 1,811 miyembro ng unyon ang nabigyan ng pagsasanay, samantalang 175 miyembro ng unyon, o ang kanilang mga dependent, ang nabigyan ng mga scholarship grant sa ilalim ng programa.

Mga serbisyo sa pagtatrabaho at edukasyon

Upang palakasin ang paghahatid ng mahahalagang impormasyon sa paggawa at pagtatrabaho sa mga manggagawa at employer, nakatakda rin ang DoLE na bumuo ng isang sentralisadong e-campus, na magsisilbing repositoryo ng mga materyales sa pag-aaral sa paggawa at trabaho na magagamit ng pangkalahatang publiko.

“Para gawin itong mas accessible sa publiko, maglalagay din ng learning portal na may module na mas maigsi at nasa wikang Filipino para sa mga madalas na katanungan sa paggawa, pati na rin ang mga video lecture mula sa mga eksperto sa paksa,” ulat ng DoLE.

Muling ipinaalala ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang kritikal na papel ng “social dialogue, collective bargaining, at freedom of association sa pagpapaunlad ng kapasidad ng mga organisasyon ng mga manggagawa at employer”.

Tripartism at social dialogue

Para balansehin ang interes ng mga manggagawa, employer, at namumuhunan, tinitingnan din ng DoLE ang pagrepaso sa mga umiiral na batas at pamantayan sa paggawa, kabilang ang mga probisyon ng Labor Code, upang matiyak kung ito ay naaayon pa at nakasasabay sa nagbabagong mga pangangailangan sa mundo ng paggawa.

Tiniyak din ni Kalihim Laguesma ang tunay na sektoral na representasyon sa iba’t ibang kinatawan ng tripartite ayon sa pamamaraan ng nominasyon at paghirang na itinakda ng batas. Mula noong Hulyo 2022, 42 sektoral na kinatawan/nominado ang naihalal sa mga wage board, National Wages and Productivity Commission, at NLRC.

Ang mga estratehikong priyoridad ng DoLE na may kaugnayan sa pagpapabuti ng relasyon sa paggawa at pamamahala ay naglalayong palakasin ang klima ng pamumuhunan, palawakin ang kalakalan at mga pamilihang pang-eksport ng bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -