28.2 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Mga kuwentong OFW

REMOTO KONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

PAPAUWI ako mula sa isang taong pag-aaral ng Publishing sa University of Stirling sa Scotland nang mag-stopover ang aming eroplano sa Dubai. Nagpunta ako ng Duty Free. Napakalaki nito. Narinig ko ang tawanan ng ilang mga babae at nilapitan ko sila. Nakangiti ang mga salesladies nang tanungin ako, “Pilipino po kayo?”

Umoo ako at nagkuwento na sila na isang araw, may isang mayamang Pilipina na nagpunta sa Duty Free. May kasama pa itong mga bodyguards. Marami siyang biniling mga mamahaling bagay. Nang tanungin ko kung sino ang erederang ito, ang sabi nila, “Ang dati pong First Lady.”

“Ahhhh,’ sabi ko. “Si Ming Ramos?” At ang malaking mall ay napuno ng kanilang halakhak.

Kahit noong nasa United Kingdom pa ako ay marami nang mga Pilipinong nagbibigay sa akin ng tips sa trabaho. Kapag sinasabi kong “Estudyante lang po ako dito at babalik ako sa Pilipinas” ay lumalaki na lang ang kanilang mga mata. Hindi sila naniniwala sa akin.

At bumalik nga ako dito sa Pilipinas para ipagpatuloy ang aking pagtuturo at pagsusulat. Lumabas din ako ng bansa, para sa mga maiigsing scholarship. Isang taon akong tumira sa Malaysia noong 2002-2003 dahil binigyan ako ng Asian Scholarship Foundation ng isang grant, sa ilalim ng masipag na si Dr. Lourdes Salvador. Tumira ako sa Taman Desa, Kuala Lumpur. Tuwing Linggo ay nagsisimba ako sa St. John’s Cathedral o sa St. Francis Church. Sa Kotaraya Mall, nakilala ko ang mga OFWs.


Isa sa kanila si Rita, na tuwing a-kinse’y naglilinis ng bahay na aming tinitirhan. Simple lang ang damit niya kapag naglilinis siya. Aba’y halos hindi ko siya nakilala sa Kotaraya! Nakapula siyang tube blouse at itim na leather mini-skirt. Kulay strawberry ang kaniyang lipstick. Nang makita ko siya’y biniro ko na kulang na lang ng itim na leather boots at bonggang-bongga na talaga siya.

Sinabi niya sa akin na sana’y magkaroon siya ng isang asawang Indiano sa Malaysia. Sawa na raw siya sa pagiging D.H. Sinabihan ko lang siya nang good luck at mag-ingat ka na lang, kapatid. Tumira uli ako sa Malaysia para magturo sa University of Nottingham, at hindi ko na nahanap pang muli si Rita.

Matapos ang aking scholarship sa Malaysia noong 2003 ay umuwi agad ako. Ang aming eroplano’y puno ng mga OFWs galing sa Saudi Arabia, ang orihinal na pinanggalingan ng eroplano. Karamihan sa kanila’y limang taon nang hindi nakakauwi, o mas matagal pa. Nakipagkuwentuhan sa akin ang mga lalaking katabi ko. Miss na raw nila ang ating beer at barbecued pork at kantahan sa karaoke. Kaya umorder sila ng beer sa stewardess habang nagkukuwentuhan kami. Masaya silang kasama, puno ng buhay ang kanilang mga kuwento. Tawa lang sila nang tawa.

Pero nang sinabi ng Pilipinong piloto na nakapasok na kami sa teritoryo ng Pilipinas at malapit nang bumaba ang eroplano, natahimik na lang ang lahat. Napatingin ako sa mga katabi kong mga lalaki, na dati’y maingay at puno ng tawanan. Nang mapatingin ako sa kanila’y nakita ko ang mga luha sa kanilang mukha.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -