28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Ano ang tariff preferences at ano ang maitutulong nito sa ekonomiya?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BAGO sagutin ang tanong na ito, kailangan munang malaman kung ano ang tariff o taripa.  Ang taripa ay  binabayaran sa customs ng importer bago maipasok ang inangkat na produkto galing sa labas ng bansa. Dahil ito ay kasama sa transaction cost, ito ay idinadagdag ng importer sa presyo ng bilihin pagdating sa tindahan.

May mga iba’t ibang klase ng tariff preferences. Ang una ay tinatawag na Generalized System of Preferences or GSP. Ito ay dinidisenyo ng mga maunlad na bansa para sa mga developing countries. Ang mga maunlad na bansa ay nago-offer nito sa mga developing countries na katransaksyon nila sa pandaigdigang kalakalan. Binibigyan nila ang developing countries ng margin of preference o mas mababa na rate ng taripa kumpara sa Most Favored Nation (MFN) rate. Ang MFN ay ang usual rate ng taripa na ibinabayad ng mga bansa pag nag-import ang isang bansa. Pero sa GSP, tinatapyasan ito ng mga 5% o 10% depende sa disenyong inaprobahan ng maunlad na bansa. Ang GSP ay kadalasan na unilateral lamang at hindi naghihintay ng kapalit na GSP mula sa developing country. Ang US, Japan, Australia, European Union, atbp. ay may mga GSP programs.

Ang ikalawa ay customs union o free trade area o FTA. Ang customs union o FTA ay isang grupo ng bansa na kung saan ang mga miyembro ay gagamit ng common set ng tariff rates o pare-parehong lebel ng taripa para sa mga di miyembro at kadalasan ay walang taripa sa mga miyembro. Ang halimbawa ay ang Asean Free Trade o AFTA na kung saan ang Pilipinas ay isang miyembro. Ang preferential rate sa mga miyembro ay kadalasang zero o libre. May FTA rin sa European Union, at may Arab Customs Union at North American Free Trade Area (NAFTA) ng US at Canada. Ang mga customs union at FTA ay reciprocal o nagbibigay ang mga miyembro ng mas mababang taripa sa isa’t isa. Kung minsan, ito ay bahagdang bawas sa MFN rate at kung minsan  ay zero o libre ang taripa.

Ang ikatlo ay ang bilateral agreement ng dalawang bansa na babaan ang taripa sa mga iilang produkto. Parang FTA din ito pero nakatuon lang sa iilang produkto at dadalawa lang ang kasapi. Ang halimbawa ay ang Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JEPEPA) na napirmahan noong Setyembre 2006 kung saan tinanggal ng Japan ang taripa sa ilang prutas, sasakyan, produktong bakal, electronic appliances at damit. Tinanggal kaagad ng Japan ang taripa sa 3,947 (66) na tariff lines na ini-import ng Japan na sinundan pa ng 960 tariff lines (32%). Kaunti lang ang na-pledge (0.1% sa total) na isama ng Pilipinas sa listahan ng tariff preferences na ibinigay sa Japan. (Senate Economic Planning Office Policy Brief)

Mahalaga ang trade preferences sa mga developing countries. Napapalago nito ang export at import ng developing country lalo na sa mga baguhang exporter.


Ang sabi ng isang pa-aaral ng Asia Pacific Research and Training Network on Trade (ARTNeT), nang maitatag ang AFTA noong 1992, tumaas ang intra-Asean trade mula $44.2 bilyon noong 1993 sa $95.2 bilyon noong 2000, 11.6% na paglago bawat taon. Tumaas ang bahagi ng intra-Asean trade sa total trade ng Pilipinas mula 7% noong 1997 at umabot sa 13% noong 2000. Sa Indonesia, mas malakas pa at dumoble mula 10% sa 20%. Sa dalawang bansang ito, nagging triple ang US dollar value ng trade kumpara sa pre-AFTA period. Ang pag-aaral ay di nakakita ng epekto ng trade diversion na kung saan lumilipat lang ang trade mula sa ibang bansa patungo sa mga miembro. Mas maigting daw ang trade creation dahil matagal nang export-oriented ang mga bansa sa Asean. (Hapsari at Mangunsong, 2006)

Sa Jepepa naman,  lumakas ang exports ng Pilipinas sa Japan sa $803.1 milyon noong 2019 mula sa $534.5 milyon noong 2006, 3.2% na paglago bawat taon. Lumakas din ang imports ng Japan mula Pilipinas sa $749.7 milyon mula $589.3 milyon, 1.9% na paglago bawat taon dahil sa agreement na ito. Bumaligtad ang trade deficit na $54.7 milyon sa trade surplus na $53.5 milyon.

Ang US GSP naman para sa Pilipinas ay nag-expire noong 2020 at di pa ito na –renew. Sa isang Asia-Pacific bulletin na pinablis ng East–West Center, ang mga Amerikanong korporasyon na nag-import ng mga produkto sa Pilipinas ay nagbayad ng karagdagang $121 million na taripa bawat taon mula sa $1.9 bilyon na US GSP-eligible na produkto nang mag-expire ito noong 2020.

Kahit unilateral ang GSP, maraming hinihingi ang mga bansang nago-offer nito bago aprobahan ito. Ipinapako ang approval ng GSP ng Pilipinas sa human rights, labor policies at environmental issues ng tumatanggap na bansa. Sabi ni Ambassador Jose Manuel Romualdez sa pulong ng US-Philippines Society, di lang Pilipinas ang naantala ang GSP kundi pati Thailand at Vietnam dahil kailangan pa itong dumaan sa US Congress na siyang nagsasaad ng kondisyones ng pag-approba.

- Advertisement -

Sa teorya ng economics, ang savings ng Pilipinas sa mula sa tariff preferences ay maaaring magamit sa pagpalago ng produksyon o pagbaba ng presyo na puedeng  makahikayat para palusugin ang kalakalan. Ang pinakamalaking epekto nito ay ang paglago ng ekonomiya at paglikha ng karagdagang trabaho.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -