BAGO pa man ang nakatakdang 2023 SONA o State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inihayag ni Secretary Christina Garcia Frasco ng Department of Tourism o DoT noong ika-23 ng Hulyo, ang mga kontribusyon sa 10 adyenda para sa pagbabago ng ekonomiya at pagpapalago nito sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, at mga hakbang na isasagawa para sa pagsasaayos ng bansa bilang sentro ng turismo sa Asya.
Ayon kay Frasco, ang pahayag ng Pangulo na bigyang prayoridad ang turismo ay nagpalakas sa komprehensibong plano ng departamento na maghatid ng kaunlaran sa iba’t-ibang panig ng industriya maging sa malalayong bahagi ng bansa, at maglikha ng makabuluhang paraan sa pagtataguyod ng turismo na magtatampok ng kalakasan ng kultura, pamana at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.
Pangunahin sa natatanging kaganapan sa turismo ng Pilipinas ay ang bilang ng mga taong bumibisita sa bansa. Simula nang luwagan ang restriksyon sa pagpasok sa bansa, ang mga turista noong Pebrero hanggang Disyembre 2022 ay umabot na sa 2.65 milyong katao, lampas ng halos isang milyon sa inaasahang 1.7 milyong dayuhan dadayo sa bansa. Sa bilang na ito, 1.8 milyon o 69.32% ang dumating mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 31.
Noong nakaraang taon, ang lokal na turismo ay nagpatunay din sa mahalagang bahagi ng pagpapanumbalik ng turismo sa Pilipinas. Kung saan nakapagtala nang mahigit 102 milyong domestic trips noong 2022, na 176.18% mas mataas kumpara sa 37.28 milyong domestic trips noong 2021.
Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority sa 2022 Philippine Tourism Satellite Accounts (PTSA), ang panloob na gastusin sa turismo noong nakaraang taon ay umabot ng P1.87 trilyon, na 131.2% tumaas mula sa P810.20 bilyon noong 2021. Ang internal tourism expenditure ay pinaghalong domestic tourism expenditure ng mga residenteng bumibisita sa bansa, maaring bahagi ng kanilang lokal o internasyunal na byahe, at ang inbound tourism expenditure ng hindi residenteng bumisita, sakop ang mga dayuhan o mga Pilipinong naninirahan na sa ibang bansa. ang gastos sa pang-lokal na turismo ay P1.50 trilyon, samantala ang inbound naman na mula sa mga dayuhan ay may kabuuang P368.67 bilyon.
Gayunpaman, ang bahagi ng Tourism Direct Gross Value Added (TDGVA) sa sektor ng ekonomiya ng Pilipinas na nasukat ayon sa Gross Domestic Product (GDP) noong nakaraang taon ay tinatayang 6.2% at nagkakahalagang P1.38 trilyon, na 36.9% mas mataas kumpara sa P1.00 trilyon noong 2021.
Sa kasalukuyan, hanggang ika-21 ng Hulyo 2023 ay nakapagtala ang DoT ng 3,017,224 dayuhan na dumating sa bansa, mas mababa ng 1.8 milyon mulas sa target na 4.8 milyong katao para sa buong taon.
Upang mapanatili ang pagbuwelo ng bansa sa pagpapanumbalik ng turismo, itinutulak ni Kalihim Frasco ang pagbuwag sa mga Covid-19 protocols, kasama na dito ang pag-aalis sa Covid-19 test bilang requirement at pagsusuot ng mask, nang makasabay na ang Pilipinas sa mga karatig bansa sa Asean at maihatid ang mensahe na bukas ang bansa sa mga dadayo dito.
Nakikipagtulungan din ang DoT sa iba pang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Health at Bureau of Quarantine sa pagpapalit ng One Health Pass (OHP) ng mas pinagandang eArrival card o sistemang e-Travel ngayon, upang maghatid ng mas maayos na pagpasok ng mga biyahero. Nangyari ito nang ipanukala ng DoT ang pagsasaalis ng OHP dahil sa mga reklamo mula sa mga turistang pumapasok ng Pilipinas, at matapos gawing pamantayan ng ahensya ang maayos na pagtanggap ng mga turista ng ilang bansa sa Asean gaya ng Singapore.
Ang National Tourism Development Plan
Noong Mayo ay inaprubahan na ni Pangulong Marcos Jr. ang National Tourism Development Plan o NTDP 2023-2028 na isinumite ng DoT sa ilalim ni Kalihim Frasco na naglatag ng pitong layunin ng ahensya na nakatuon sa mahahalagang haligi ng pagpapaunlad tungo sa industriyang mapapanatili, makabago, inklusibo at nakikipagsabayan sa pandaigdigan.
Napapaloob sa NTDP ang pitong adhikain na kinabibilangan ng pagpapabuti at pagkakaroon ng mga istrakturang panturismo; nagkakaisa at komprehensibong digitalization at koneksyon; maayos na panlahatang karanasan ng mga biyahero; pagkakapantay-pantay ng pagbuo at pagtataguyod ng mga produktong panturismo; kaibhan ng portfolio sa pamamagitan ng turismong multidimensional; pag-maximize ng lokal at pandaigdigang turismo; at ang pagpapatibay ng pamamahala sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng gobyerno at lokal na yunit ng pamahalaan at mga stakeholder.
Pag-uudyok sa digitalization at pagsulong ng imprastraktura
Kahilera ng mga prayoridad ng administrasyong Marcos Jr., ang DoT ay inilagay din sa kanilang layunin ang imprastraktura at digitalization na makakatulong sa pagkakaugnay ng mga destinasyong panturismo at mapabuti ang pagbibiyahe ng mga turista.
Kaakibat ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ang DoT ay nagsimulang ipatayo ang Tourist Rest Areas (TRAs) sa 10 piling lokasyon sa buong bansa. Ang mga TRAs ay may nakahandang kagamitan para sa mga biyahero tulad ng malinis na palikuran, shower area, lounge area, pasalubong o souvenir center, at charging station.
Gayundin, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DoTr), ang DoT ay nagnanais din na mapaganda pa ang lugar papasok ng bansa, na magsisimula sa NAIA Terminal 2, Cebu City Pier One, at ang Davao International Airport. Kung saan ang pagsasaayos ng interyor, palamuti, at muwebles ay makikita na sa NAIA Terminal 2, habang ang sa pilot area ay malapit ng makumpleto.
Sa pagsasaayos naman ng mga kalsada, international airports, at seaports, nakipag-ugnayan ang DoT sa Department of Public Works and Highways (DPWH), pangunahin na dito ang pagpapatuloy ng mga proyekto sa ilalim ng programang Tourism Road Infrastructure Program (TRIP) na nauna nang pinagsosyohan ng dalawang ahensya, maging ang pagsisiyasat at paghahanap ng mga bagong proyekto, kung saan P16 bilyong puhunan ang nakatuon sa mga daanan panturismo ngayong 2023.
Samantala, ang pagpasok sa Memorandum of Understanding (MOU) ng DoT kasama ang Department of Information and Communications Technology (DICT), ay inanunsyo din upang palakasin ang internet connection sa 94 na tourist destination, kung saan 46 dito ay naisakatuparan na. Ang ahensya, kasama ang Tourism Promotions Board, ay nakatakda ring ilunsad ang isang Tourist Lifecycle App na naglalayong makapagsilbi sa lokal at dayuhang turista.
Bumiyahe sa Pilipinas
Upang mahikayat na bumiyahe, itinutulak ng DoT ang pagluluwag sa mga Covid-19 protocols at pagsasaayos ng eArrival card at e-Travel system nang makipagsabayan na ang Pilipinas sa mga karatig bansa nito at tuluyan ng magbukas ang turismo ng bansa.
Para tumaas din ang bilang ng mga bumibisita sa bansa, nakikipag-dayalogo din ang Departamento sa mga kompanya ng eroplano at sa DoTr upang mapakinabangan ang mga paliparan ng bansa, maipagpatuloy ang mga flight na tumigil na, at mabuksan ang mga bagong ruta.
Nang magsimula ang administrasyong Marcos, ang mga ruta gaya ng Cebu patungong Baguio, Cebu patungong Jeju, Manila patungong Perth, at Cebu patungong Cotabato ay nagbukas. Pati ang pangalawang pasukan tulad ng Clark International Airport ay magdadagdag ng flights, mula 48 magiging 98 international flights, at 69 mula sa 23 local flights.
Habang patuloy ang pakikipag-usap ng DoT sa mga kasosyo nito sa sektor ng abyasyon na masimulan ang mga ruta at mapalakas ang mga aktibidad ukol sa turismo, aktibo din nitong pinapaganda ang turismo sa pag-cruise o paglalayag.
Ayon sa ulat ng DoT noong ika-1 ng Hulyo, inaasahan na 121 cruise ang papasok sa buong 2023. Mas mataas ito kumpara sa 102 cruise noong 2019. Sa bilang na 121 cruise para sa 2023, 60 dito ang nakarating na sa bansa habang ang nalalabing 61 naman ay nakatakdang pumasok sa bansa pagsapit ng Oktubre hanggang sa susunod na mga buwan.
Muling pagpapakilala ng Pilipinas sa mundo
Masikap din na isinusulong ng ahensya ang turismo ng bansa nang suportahan nito ang mahahalagang lokal na mga expo at pakikilahok sa mga eksibisyon sa ibang bansa.
Sa lokal, pinangunahan ng DoT ang matagumpay na Philippine Travel Exchange (Phitex) kasama ang Tourism Promotions Board, sa kauna-unahang North Luzon Travel Fair sa Clark, Mindanao Tourism Expo sa Davao City, at Central Philippines Tourism Expo sa Iloilo upang maisulong ang palitan ng pagbibiyahe sa mga rehiyon.
Katuwang din ang Tourism Promotions Board (TPB) ng DoT sa pagbabalik ng bansa sa mga mahahalagang international expo gaya ng Internationale Tourismus-Börse (ITB) 2023 Convention sa Germany noong Marso 2023, at ang ASEAN Tourism Forum Travel Exchange sa Indonesia noong Pebrero 2023. Ang paglahok sa ganitong eksibisyon sa ibang bansa ay nagbigay sa Pilipinas ng kakayahang makalikha ng tinatayang tatlong bilyong benta.
Pagpapanday ng pakikipagsosyo sa lokal, pang-rehiyon at pambansang lebel
Mula sa malawak na karanasan bilang multi-awarded local chief executive, si Frasco ay pinasimulan ang pakikinig, pakikipagpulong at pakikitungo sa mga pampubliko at pribadong sektor ng mga stakeholder ng DoT.
Sa direktiba ng Pangulo, ang DoT at iba pang ahensya ng pamahalaan ay nagsagawa ng mataas na pagpupulong upang harapin ang mga reporma sa electronic visa partikular sa merkado ng mga Chinese at Indian.
Habang sa Mindanao, kaakibat ng DoT ang Department of National Defense (DND) at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagsusulong na mapayapa at may buhay ang naturang rehiyon bilang isang tourism destination.
Pinangunahan din ng DoT, katuwang ang Department of Labor and Employment (DoLE), ang mga serye ng Philippine Tourism Job Fair na mayroong higit 21,000 trabaho ukol sa turismo sa buong bansa.
Sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor at lokal na yunit ng pamahalaan, nailunsad din ng DoT ang programang Bisita, Be My Guest (BBMG) at ang kauna-unahang Hop-On Hop-Off bus tour sa Pilipinas, na nagsimula sa Makati at Maynila, na naghatid ng makabago at maaliwalas na pamamaraan ng pagbiyahe sa mga karatig lungsod.
Sa pagnanais naman na mapalawig ang relasyon sa pandaigdigan, pinamunuan ni Frasco ang delegasyon sa pakikipagpulong sa mga international organization, mga bilateral meetings sa mga katapat na opisyales ng turismo upang mapagaan ang travel exchange at pakikipagsosyo sa larangan ng pagsasanay, research & development, flights, joint promotion, pamumuhunan, trabaho, at iba pa.
Noong Hunyo, ang Pilipinas, na kinakatawan ng Kalihim, ay nahalal bilang Bise-Presidente ng 25th General Assembly ng UN World Tourism Organization (UNWTO), isang posisyon na huling nahawakan ng bansa noong 1999. Bukod dito, sa kasagsagan ng 55th Meeting ng UNWTO Regional Commission for East Asia and the Pacific na ginanap sa Cambodia, nahalal din ang Pilipinas bilang Commission’s Chair.
Habang isinasakatuparan ang mga proyekto, napanatili din ng DoT ang pagsisikap na maisulong ang turismo, kung saan mas napatunayan nang kinikilala ang Pilipinas at mga destinasyon nito sa pandaigdigan at nakakakuha pa ng parangal mula sa award-giving bodies sa industriya.
Ang Pilipinas ay kinilala sa mga titulong – the World’s Leading Beach Destination, the World’s Leading Dive Destination, at Asia’s Leading Tourist Attraction (Intramuros) sa 2022 World Travel Awards (WTA). Kinilala din ang bansa bilang World’s Leading Country Destination sa Uzakrota Global Travel Awards sa Turkey. Pilipinas din ang idineklara bilang Emerging Muslim-Friendly Destination sa Halal in Travel Awards 2023 sa Singapore.
Ngayong taon, nakikipagpaligsahan ang bansa para sa anim na titulo sa kategorya sa Asya ng 30th WTA.
World-class Filipino brand of service, standards
Bilang sagot sa direktiba ng Presidente na “foster the Filipino brand” at “to spark our sense of pride and reaffirm our strong sense of identity,” ipinahayag ng DoT ang mas pinagandang slogan ng bansa na “Love the Philippines” na nakaangkla sa pagpapakita ng maraming aspetong maiibigan ng mga biyahero/turista ang ating bansa, kabilang na dito ang mega biodiversity, pamana, kultura, kasaysayan at mga tao. Sinimulan din ng ahensya ang misyon na sanayin ang 100,000 indibidwal sa Filipino Brand of Service Excellence (FBSE) sa huling bahagi ng taon gamit ang kilala nating kaugalian na mabuting pakikitungo o Filipino hospitality.
Ang FBSE ay programa ng ahensya na nakatuon sa pagsusulong ng katangian ng pakikitungo ng mga Pilipino at pagpapaunlad ng mahusay na serbisyo sa mga turista. Sa katunayan, sa pagsisimula ng 2023 hanggang ika-14 ng Hulyo, nakapagsanay na ang DoT ng 61,368 indibidwal sa FBSE.
Pinaigting din ang ahensya ang pangangalaga sa mga dumadayo, gamit ang programang Tourist-oriented Police for Community Order and Protection (TOPCOP), na matagumpay na nakapagsanay ng kabuuang 7,575 opisyal na pulis.
Dagdag pa dito ang pagkilala sa 13,462 bilang ng mga negosyong may kaugnayan sa turismo hanggang ika-15 ng Hulyo 2023, na lumago ng 11.92% mula noong 2022. Ang akreditasyon ng DoT ay nagpapatotoo na ang negosyo ay sumusunod sa minimum standard o mababang pamantayan ng pagpapatakbo ng mga pasilidad at serbisyong panturismo.
Marami pang mga kaganapan at mga proyekto ang DoT na nakapila at ayon kay Frasco patuloy nilang nais maabot ang mas matayog pa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos kalakip ang umaapaw na suporta ng mga tourism stakeholders. “We are also very positive about the sustained progress and development of the industry as we gather more support from various stakeholders in our continuing pursuit to maximize the contribution of tourism to the lives of millions of Filipinos,” dagdag pa ni Frasco. Ulat ni Step Baylosis