26.4 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Makasaysayang SONA sa Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

BAHAGI na nang kasaysayan ng bansa ang State of the Nation Address, ang pagtatalumpati ng kasalukuyang Pangulo bilang pagbubukas ng sesyon ng Kongreso at upang ibahagi sa publiko ang kalagayan ng bansa, ang mga nagawa nito at ang mga plano ng pamahalaan.

Ngunit alam nyo ba na noong unang panahon ay hindi pa ito iniatas sa mga naging Presidente?

Malolos Congress

Noong Unang Republika ng Pilipinas taong 1898-1899, naging obligasyon lamang ng Pangulo ang magbahagi ng kanyang talumpati nang makagisnan natin ito mula sa tradisyong parlamentaryo ng Europa, ayon sa Official Gazette.

Ang unang pormal na talumpati ng isang presidente ay nagsimula nang pangunahan ng unang Pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo noong ika-15 ng Setyembre 1898, ang  pagbubukas ng sesyon kung saan nagtipon-tipon ang mga kinatawan sa isang pagpupulong, na mas kilala natin bilang Malolos Congress.


Mula sa 1899 Malolos Constitution ang Presidente ng bansa ay may tungkulin sa pagbubukas, pagsuspinde at pagsasara ng Kongreso. Gayunpaman, ang gawaing ito ay hindi itinuturing na State of the Nation Address o SONA dahil wala pa sa mandato sa ilalim ng Malolos Congress na magbigay ng naturang talumpati ang bawat Pangulo. At isang beses lamang nakapagbukas ang Malolos Congress matapos itong mabuwag sa ilalim ng digmaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika taong 1899.

Pagbuo ng SONA

Sa gitna nang digmaan, hinirang nang noo’y US President William McKinley ang First Philippine Commission upang magsiyasat sa kalagayan ng bansa, bilang resulta ay nagkaroon ng ulat sa estado ng Pilipinas na siya namang iniulat kay McKinley noong ika-31 ng Enero 1900.

Dito iminungkahi ang paglipat ng pamamahala mula militar patungong sibil na nagresulta sa pagkakatatag ng lokal na pamahalaan, na Pilipino ang mamumuno at may libreng edukasyon. Kasabay nito ang pagsasabatas ng Philippine Organic Act of 1902 sa US Congress kung saan inatasan ang Gobernador-Heneral noon ng bansa sa ilalim ng pangulo ng Pangulo ng Amerika na “magkaroon ng taunang ulat, sa lahat ng mga resibo at mga gastusin sa Kalihim ng Digmaan sa US.”

- Advertisement -

Sa unang sesyon ng Asemblea ng Pilipinas noong ika-16 ng Oktubre 1907, kasunod ng mensahe ng Gobernador-Heneral, nagtalumpati rin ang Kalihim ng Digmaan ng US na si William Howard Taft patungkol sa progreso ng administrasyong Amerikano sa Pilipinas. Ito ay nagbigay-daan sa tradisyon ng estado na kinalaunan ay naging SONA.

Samantala, noong 1916 sa pagsasabatas ng Jones Law, nagkaroon ng bagong tradisyon kung saan ang Gobernador-Heneral – hindi na ang Komisyon – ang maghahayag ng ulat sa Kalihim ng Digmaan ng Estados Unidos patungo sa Presidente ng Amerika.

Sa halip, ang Gobernador-Heneral na ang personal na magbibigay ng mensahe sa kapulungan sa pagbubukas ng taunang sesyon, na tinaguriang “Governor General’s annual message to the Legislature,” hindi ito tinawag na SONA noon dahil hindi naman ito ipinag-utos ng batas.

Unang SONA

Taong 1935-1941, noong panahon ng Komonwelt lamang pormal na nag-umpisa ang SONA na naging taunang gawain ng Pangulo ng Pilipinas dahil nasasaad mismo sa teksto ng inamyendahang 1935 Konstitusyon, Artikulo VII, Seksiyon 5 na: “Ang Pangulo ay kinakailangang regular na mag-ulat sa Kongreso tungkol sa lagay ng bansa, at magmungkahi rito ng mga hakbang at batas na sa tingin niya ay kinakailangan at makakatulong dito nang malaki.”

Nagbigay si Pangulong Manuel L. Quezon ng kanyang ikatlong SONA ong Okttubre 18, 1937, sa Legislative Building, Manila. Larawan mula sa The Herald noong Oktubre 19, 1937, mula sa Histogravure niManuel L. Quezon

Si Pangulong Manuel L. Quezon ang kauna-unahang naghatid ng SONA noong ika-25 ng Nobyembre 1935 sa isang espesyal na sesyon ng Pambansang Asemblea. Ngunit noong ika-16 ng Hunyo 1936, ikalawang SONA ni Quezon, ang pinakaunang pagkakataon na makapagtalumpati siya sa harap ng regular na sesyon.

- Advertisement -

Petsa ng SONA

Naging iba-iba ang petsa ng naunang SONA dahil walang itinakda na petsa naaayon sa batas, kung kaya’t alinsunod sa Commonwealth Act No. 17 ay itinakda ang petsang ika-16 ng Hunyo ng bawat taon bilang pagdiriwang nito. Ngunit sa pangalawang pagkakataon, inamyendahan ng Commonwealth Act No. 49 ang CA 17 at nalipat sa petsang ika-16 ng Oktubre ang pagbubukas ng regular na sesyon.

Dahil nataon naman na Sabado ang naturang petsa, inilipat sa ika-18 ng Oktubre 1937 ang ikatlong SONA. Muli itong nailipat nang aprubahan ang Commonwealth Act No. 244 kung saan nasasaad na magbubukas ang regular na sesyon sa ikaapat na Lunes ng bawat taon simula 1938. Matapos kilalanin ng Estados Unidos ang pagsasarili ng Republika ng Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo 1946, itinakda naman na ibigay ang SONA tuwing ikaapat na Lunes ng Enero, sa pangunguna ni Pangulong Manuel Roxas noong ika-27 ng Enero 1947.

Subalit mula 1979, sa ilalim ng Batas-Militar, inihahayag na ang SONA tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo alinsunod sa mga probisyon ng 1973 at 1987 Konstitusyon.

Walang SONA

May mga pagkakataon din na hindi nakakapag-ulat ang Pangulo gaya noong 1942, 1943 at 1944 dahil sa panahong ito ay nasakop ng mga Hapon ang Pilipinas. Ito ay sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Jose P. Laurel na nagsilbing presidente ng bansa mula 1943 hanggang 1945. Nakapagbigay naman si Laurel ng kanyang una at huling mensahe sa isang espesyal na sesyon  sa Pambansang Asemblea noong ika-18 ng Oktubre 1943. Ngunit, ipinabatid nito na ang naturang talumpati ay hindi pag-uulat sa Lehislatura kung kaya hindi ito napabilang sa talaan ng mga SONA.

Sa ilalim din ng administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino, hindi siya nakapaghatid ng SONA nang idineklara nito ang rebolusyonaryong pamahalaan. Sa halip, nagtalumpati si Aquino noong ika-100 araw na nito sa panunungkulan. Nang manumbalik na ang Kongreso noong 1987, naihayag na ni Aquino ang kanyang unang SONA noong ika-27 ng Hulyo.

Samu’t saring kuwento ng SONA

Sa pabagu-bagong pamunuan, iba’t-iba ding  lugar idinaraos ang SONA ng mga naging Presidente ng bansa.

Ginanap ang unang SONA sa session hall ng dating panglehislaturang gusali sa Maynila, sa panahon ni Pangulong Quezon. Subalit sa rehimen nina dating Pangulo Sergio Osmeña at Manuel Roxas, pareho nitong isinagawa ang kanilang talumpati sa kahabaan ng Lepanto Street sa Maynila, na nagsilbing pansamantalang gusali ng Kongreso noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nariyan ding habang nagpapagaling ang noo’y Pangulong Elpidio Quirino sa mismong higaan sa ospital sa Estados Unidos ay nakapagpadala pa ito nang kanyang ikalawang SONA sa pamamagitan ng radio broadcast.

Gaya ni Quezon, sina Pangulong Ramon Magsaysay, Carlos P. Garcia at Diosdado Macapagal ay pare-parehong isinagawa ang kanilang mga SONA sa panglehislaturang gusali sa Maynila.

Simula Hunyo 1978 ay nakaugalian nang isagawa sa Batasang Pambansa sa Lungsod ng Quezon ang mga SONA hanggang sa kasalukuyan. Kung saan si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang kauna-unahang pangulo na naghatid ng SONA sa naturang lugar, kahit na nakapag-ulat din ito sa Quirino Grandstand sa Maynila noong 1975 at Rizal Park noong 1977. Bukod sa dami ng bilang ng SONA ni Marcos, na kung susumahin ay 22, naisagawa din nito ang ilang talumpati niya sa palasyo ng Malacañang noong  1973 at 1974, at sa Philippine International Convention Center naman taong 1976.

Kadalasan nang inihahatid ang talumpati ng mga Pangulo sa wikang pinaghalong, Ingles at Filipino. Ngunit noong 2010, si dating Pangulo Benigno Aquino 3rd ang natatanging naghatid ng kanyang SONA sa purong wikang Filipino.

Sa kabuuan ay mayroon ng 84 SONA naihatid sa publiko ang 15 Presidente ng Pilipinas. Hindi kabilang dito sina dating Pangulo Jose P. Laurel at Emilio Aguinaldo dahil hindi pa ito kinakailangan sa Konstitusyon noong panahon nila.

Ngayong Lunes, sana ay bigyan din natin ng pansin at pagpapahalaga ang taunang gawain na ito hindi lamang dahil bahagi na ito ng tradisyon, pagkakataon din ito para masuri nating mga Pilipino ang kalagayan ng Pilipinas mula sa pinakamataas na lider ng ating bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -