28.5 C
Manila
Huwebes, Disyembre 26, 2024

Lumuluhod ka ba sa Diyos — o dedma na lang?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Mga kapatid, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita. At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu’y sumasamo para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos.
— LIham ni San Pablo sa mga taga-Roma, 8, 26-27

PIHADONG lahat halos ng Katolikong sarado sasagot ng “Oo, siyempre” sa tanong sa pamagat. Pero liwanagin natin kung talagang naninikluhod tayo sa Panginoon.
Pagpasok sa simbahan, lumuluhod ba tayo sa kanang tuhod nang nakaharap sa tabernakulo sa altar? Baka hindi natin alam, naroon mismo ang Poong Maykapal, sa anyo ng konsagradong ostiya.

Oo, naroon ang Makapangyarihang Diyos, ayon sa relihiyong Katoliko na nagtuturong nagiging tunay na Katawan at Dugo ni Hesukristo, Pangalawang Persona ng Santatlong Diyos, ang tinapay at alak sa Konsagrasyon ng Misa.

Iyon din ang dahilan kaya dapat humarap sa altar at lumuhod sa kanang tuhod — ang tinatawag na “genuflect” sa Ingles — pagtawid sa gitnang pasilyo ng simbahan. Ito ang atas ng General Instructions on the Roman Missal (GIRM), ang aklat ng Simbahang Katolika tungkol sa tamang pagkilos sa Santa Misa (https://tinyurl.com/kf8ksvx5).

Kapit-palad o hawak-kamay?


Nabalita ngayon ang GIRM dahil sa pahayag noong Hulyo 16 ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang kapulungan ng mga obispong Katoliko sa bansa, tungkol sa tamang galaw ng kamay at bisig sa pagdarasal ng “Ama Namin” sa Misa.
Tiyempo naman ang ganitong usapin na kaugnay ng ikalawang pagbasa sa Misa ng Hulyo 23, Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon. Nangaral ang Liham ni San Pablo sa mga taga-Roma, sinipi sa simula: “Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya’t ang Espiritu ang sumasamo para sa atin.”

Matapos ang magkaibang pahayag ng dalawang obispo kamakailan, inihayag ng Arsobispo ng Capiz Victor Bendico, tagapamuno ng Komisyong Episkopal sa Liturhiya ng CBCP, na malaya ang nagsisimbang magpasya kung paano kikilos sa “Ama Namin.”
Mangyari, aniya, walang itinatakda ang GIRM tungkol sa tamang paggalaw sa dasal na itinuro ni Hesus mismo, kung magkapit-palad sa harap ng dibdib o nakabukas-palad sa harap ng nagdarasal.

Sang-ayon si Kardinal Jose Advincula, Arsobispo ng Maynila: “Igalang natin ang desisyon ng nananampalataya tungkol sa gagawin nilang pagkilos.”
Ngayon, hindi ibig sabihing puwede na ang anumang galaw na maisipan natin. Tiyak hindi tama sa CBCP ang lapastangang-asal na ginawa ng tagapagtanghal na si Pura Luka Vega, nakagayak gaya ng Poong Nazareno ng Quiapo, habang umiindak ang manonood sa bar at umaawit ng Ama Namin sa bidyong kumalat sa internet.

At mainam ding alamin at isaisip ang kasaysayan at kahulugan ng mga galaw sa Misa. Hindi naman marapat umasta nang hindi alam ang dahilan at saysay ng ginagawa.
Ayon kay Carlos Palad ng Defensores Fidei, samahang nangangaral at nagtatanggol sa Katolisismo, nasa Bibliya ang galaw ng pari sa Misa na nakabukas-palad at nasa harap ng katawan ang bisig. Ito ang “orans” na ginawa nina Moises at iba pang propeta ng sinaunang Israel tuwing nangungusap sa Diyos para sa tao.

- Advertisement -

Bago ang dekada nobenta, sa pari lamang ang orans. Ngunit mula 1990s, ginawa na rin ito ng nagsisimba, dala ng pagkalat ng kilusang “charismatic” sa Pilipinas noon. Dala rin ng mga charismatic ang pagkakapit-kamay sa “Ama Namin.”Samantala, sa Europa ng Gitnang Panahon nagmula ang kapit-palad na posisyon ng kamay upang kilalanin ang DIyos bilang panginoon. Mangyari, iyon din ang kilos ng taong nagbibigay-pugay sa pinuno noon, at ipapaloob naman ng amo sa mga palad niya ang mga kamay ng pumapailalim sa kapangyarihan at pangangalaga niya.

Kamay, tuhod, ulo, atbp.

Tahimik man ang mga patakaran ng Misa pagdating sa “Ama Namin”, maraming ibang panukala ang GIRM na dapat gawin subalit nakaligtaan na. Heto ang ilang tinukoy ni Palad:

Nabanggit sa simula ang patakaran sa pagluhod sa kanang tuhod o genuflect bilang pagsamba sa Panginoong Hesukristo sa Eukaristiya. Galing ito sa GIRM, Talata 274.

Sa sunod na Talata 275, iniuutos na dapat itungo ang ulo tuwing babanggitin ang Ama, Anak at Espiritu Santo nang magkasama, gaya sa pagbati ng pari pag-umpisa ng Misa.

Gayon din tuwing bibigkasin si Hesus, si Maria, at ang santong ipinagdiriwang sa Misa.
At dapat yumuko nang mababa kapag sinasabi ang “nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo” sa dalanging “Sumasampalataya ako.”

- Advertisement -

Samantala, sa kanyang panukalang “Inaestimabile Donum” noong 1980, inihayag ni Papa San Juan Pablo Segundo sa Talata 12 na marapat magbigay-pugay ang mangungumunyon bago tumanggap ng Eukaristiya. Halimbawa, maaaring yumukod sa Banal na Sakramento bago lumapit sa nagbibigay ng komunyon.

Atas naman sa Talata 17, matapos makinabang ng Eukaristiya, magpasalamat: magnilay nang tahimik, magdasal o umawit. O manalanging sumandali matapos ang Misa.
At bagaman wala sa GIRM, dumating nang limang minuto man lang bago ang Misa upang ihanda ang kalooban sa Panginoon.

Ugaliin natin ang mga ito bilang taos-pusong pagsamba sa Diyos.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -