ISA sa pangunahing pangangailangan ng isang tao ay ang bahay o tahanan na isang istrukturang gawa ng tao at nagsisilbing kanlungan laban sa hangin, ulan, lamig at init at maging sa mga tao o hayop na nais pumasok nang walang pahintulot.
Nakasaad din sa Seksyon 9, Artikulo 13 ng Saligang-Batas, isang patakaran ng estado na maglaan ng disenteng pabahay sa abot-kayang halaga para sa mga mahihirap at walang tirahan na mamamayan sa mga sentro ng lunsod at mga resettlement area.
At upang matugunan ang pangangailangan para sa disenteng pabahay, inilunsad ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH).
Ang 4PH ay ang flagship program ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ng kanyang administrasyon, ayon sa Executive Order No. 34 na nilagdaan noong Hulyo 17, 2023.
Ayon sa kautusan na inilabas noong Hulyo 18 ang DHSUD, bilang pangunahing entidad ng pamahalaan na responsable para sa pamamahala ng mga pabahay at mga pamayanan sa bansa, ang magiging pangunahing ahensya ng pagpapatupad ng programa.
Sa ilalim ng EO 34, ang mga national government agencies (NGAs), local government units (LGUs), at iba pang government entities kabilang ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng pamahalaan ay inaatasan na magbigay ng buong suporta at kooperasyon sa DHSUD. Pinapagsumite rin sila ng isang detalyadong imbentaryo ng lahat ng magagamit at angkop na mga lupain para sa pagpapatupad ng programa.
Ang DHSUD ang may tungkulin sa pagtukoy at pagpapaunlad ng mga lupaing pag-aari ng pambansa at lokal na pamahalaan na angkop para sa mga pabahay at mga pamayanan, kabilang ang mga bagong township at estate development, sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang NGA at LGU.
Sakop sa mga limitasyon ng mga naaangkop na batas, tuntunin at regulasyon, ang DHSUD ay magkakaroon ng pagmamay-ari at/o pangangasiwa ng mga natukoy na lupain ng mga kinauukulang ahensya, para sa mga layunin ng pabahay at human settlement, at dapat magsagawa ng agarang pagpapaunlad at pagpapaganda ng mga nabanggit na lupain, nakasaad pa sa kautusan.
Inaatasan ng EO 34 ang Land Registration Authority (LRA) na tulungan ang mga ahensya ng gobyerno sa paghahanda ng kani-kanilang mga imbentaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng listahan ng mga titulo at mga kaukulang certified true copies na nakarehistro sa ilalim ng kanilang mga opisina.
Sa ilalim ng bagong EO, ang mga bagong titulo para sa mga angkop na lupain para sa 4PH ay ibibigay sa ilalim ng DHSUD.
Batay sa Philippine Development Plan 2023-2028, ang mga pagtatantya ng pangangailangan sa pabahay ng bansa ay umabot sa 6.8 milyon mula 2017 hanggang 2022, saad pa sa EO.
Proyektong Balai pabahay
Noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, may proyektong pabahay rin na bahagi ng programa ng Balai Filipino Communities ng DHSUD na kumakatawan sa Building Adequate Livable Affordable and Inclusive Filipino Communities.
Layon ng programa na tugunan ang mga alalahanin sa housing and urban development sa pamamagitan ng pagpapabilis ng produksyon ng pabahay, pagtatatag ng abot-kayang financing ng bahay, pagpapatupad ng mga anti-red tape measures, pagbuo ng disaster-resilient at sustainable na komunidad, at pagtiyak ng pagsunod sa balanseng pagpapaunlad ng housing programa, at pagpapanatili ng pag-a-update ng statistics sa sektor ng pabahay.
Nobyembre 2021 nang ilunsad ng pamahalaang lokal ng Muntinlupa at DHSUD ang BalaiI Munti sa Brgy. Putatan, Muntinlupa.
Ang nasabing housing project ay para sa mga empleyado at opisyal ng pamahalaang lungsod na binubuo ng 35 four-storey medium-rise buildings na may 668 unit at 115 parking spaces. Ang minimum floor area kada yunit ay 30 square meters na nagkakahalaga ng P750,000.
Sa ulat ng PIA, sinabi ng noo’y kalihim ng DHSUD na si Eduardo del Rosario, “alinsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte sa ilalim ng mga layunin ng pag-unlad ng bansa, nais nating ang bawat Pilipino, anuman ang kanilang katayuan sa lipunan, ay magkaroon ng disenteng bubong at bahay na may maayos na kuryente at tubig (na magkaroon ng disenteng tirahan at kumpleto sa suplay ng kuryente at tubig), isang bahay na matatawag nilang sarili nila at maipagmamalaki.”