25.4 C
Manila
Martes, Enero 14, 2025

Eksodus ng mga Pilipinong nurse, kakulangan sa sariling bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

NILAGDAAN ng Pilipinas ang isang kasunduan sa Austria upang makapunta ang mga Pilipinong nurse sa Vienna sa ilalim ng isang balangkas na nagpo-protekta sa kanilang mga karapatan at magpapagaan sa kanilang propesyonal at panlipunang integrasyon.

Ayon sa DoH, nangangailangan ng mas marami sa 106,000 nurses at 67,000 doktor ang bansa. TMT FILE

Ang kasunduan ay nilagdaan noong Hulyo 7, 50 taon matapos na umalis ang unang grupo ng mga Pilipinong nurse papuntang Vienna sa pamamagitan ng isang bilateral agreement.

Sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Austria noong Lunes na ang kaparehong kasunduan ay nilagdaan din noong 1973.

Ayon sa embahada, ito ang “unang wave”  ng may 600 Pilipinong health care professionals na nagtrabaho sa 14 na iba’t ibang ospital sa Vienna noong 1970s.

Isa lamang ito sa maituturing na tagumpay ng Pilipinas lalo pa at itinuturing ngayon na isa sa pinakamahusay ang mga nurse na Pilipino sa buong mundo.

Biktima ng sariling tagumpay

Subalit habang humihiling ang mga lider ng ibang bansa na magpadala ng mga health workers sa kanilang bansa, nagkakaroon naman ng kakulangan sa Pilipinas.

Ito ang inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 10, nang dalawin siya ng Business Executives for National Security (BENS) upang palakasin ang kooperasyon at pamumuhunan ng US sa Pilipinas sa sektor ng kalusugan, digital infrastructure at programang pang-enerhiya.

“Sa kasamaang palad, tayo ay naging biktima ng ating sariling tagumpay lalo na nang ang mga Pilipino ay napatunayang mahusay sa panahon ng pandemya. Kaya sinasabi ng bawat leader na nakakasalubong ko ‘can we have more Filipino med techs, doctors, and nurses?’ Kaya naman may kakulangan ngayon  ng mga healthcare workers ang Pilipinas,” pag-amin ng Pangulo.

Pero gumagawa na ng paraan ang Department of Health para maresolba ang problemang ito, aniya.

“Isa sa mga naisip ng DoH ay magkaroon ng kasunduan sa mga bansang pupuntahan ng ating mga nurse na magsasanay sila dito ng katumbas na bilang ng mga healthcare worker na maiiwan sa bansa,” paliwanag ng Pangulo.

Ayon sa  Department of Health (DoH), nangangailangan ang Pilipinas ng 194,000 health personnel at kailangang ma-upgrade ang kanilang mga suweldo. Nangangailangan din ng mas marami sa 106,000 nurses at 67,000 doktor ang bansa.

CHEd aalisin ang moratorium

sa mga bagong nursing programs

Sinabi ng Commission on Higher Education (CHEd) noong Hulyo 11 na nagsumite na ito ng plano para matigil ang eksodus ng mga nurses,  kasama na ang ang pag-alis ng moratorium sa mga bagong programa ng nursing.

Gumawa umano ang CHEd ng long-term, medium-term at agarang mga estratehiya  para maging mas maayos ang nursing curriculum at mahikayat ang mga nurse na manatili sa bansa.

Ito ang ipinaliwanag ni CHEd Chairman J. Prospero de Vera 3rd sa isang briefing sa Malakanyang, “Ang pangmatagalang aksyon ay tinanggal natin ang 10-taong moratorium sa paglikha ng mga bagong programa sa pag-aalaga. Kaya, mayroong 54 na unibersidad na nag-aplay upang magbukas ng mga programa sa nursing, at ang aming tantiya, ang 54 na unibersidad na ito, kapag naaprubahan, ay makakapag-produce ng humigit-kumulang 2,052 na mga mag-aaral pagdating ng Academic Year 2027-2028.”

Ang planong medium-term ng CHEd, sabi ni de Vera, ay pakikipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) upang lumikha ng mga health care assistant at health care associates.

Para naman sa panandalian o agarang plano nito, sinabi ni de Vera na makikipagtulungan ang CHEd sa Department of Health (DoH), mga pribadong ospital at unibersidad na may napakagandang track record sa pagkakaroon ng mga review class.

“Mga 50 percent lang ng mga nursing graduates ang pumapasa sa licensure test. Kaya mayroong 50 percent na nakapagtapos na at nakapagsanay na sa mga ospital, na hindi pa nurse dahil hindi sila nakapasa sa licensure test. So, magdaraos tayo ng special review classes para sa mga nagtatrabaho sa DoH at sa mga pribadong ospital bilang aides o assistant para makapasa sila sa licensure test, at makagawa tayo ng mas maraming graduates,” paliwanag ni de Vera. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -