Nanawagan si Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Department of Education (DepEd) at Department of Health (DoH) na bigyan ng masusing pansin ang mental health at kalusugang pisikal ng mga mag-aaral at guro sa isasagawang pilot testing ng face-to-face (F2F) classes na sisimulan sa November 15.
Ayon sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer, tama ang ginawang desisyon ng gobyerno na magkaroon ng istriktong pilot testing ng F2F classes lalo na sa National Capital Region (NCR) dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na nakararanas ng mental health problem dala ng mahabang lockdown.
“Tama ‘yung ginagawa ng ating gobyerno na magkaroon ng pilot testing ng F2F classes lalong-lalo na dito sa NCR na kung saan sa mahabang panahon ay hindi pinapayagang lumabas ang mga menor-de-edad, at sa ngayon na nalalapit na ang pagbalik ng mga estudyante at guro sa eskwelahan dapat pagtuunan natin ng pansin ‘yung mental health ng mga bata at maging ng mga guro,” sabi ni Marcos
“Siyempre kapag may mental health issues ang mga kabataang ito, bukod sa pag-aaral ay maaapektuhan din ang kanilang kalusugang pisikal kaya naman bigyan dapat natin ito ng karampatang pansin,” dagdag pa ni Marcos.
Binanggit din ng pambato ng PFP na magandang malaman ang paraan na ginawa ng ibang bansa tulad ng Tsina kung saan binigyang halaga ang pychological state ng mga mag-aaral at guro.
“Magandang tingnan natin ‘yung ginagawa ng ibang bansa, ‘wag na tayong lumayo, like China, paano ba nila sinimulan ‘yung face to face classes at inalalayan ang mga bata at guro? ‘Di ba nagkaroon sila ng mga test at naglagay din sila ng mga equipment sa mga paaralan na tutulong sa mga estudyante na manumbalik ‘yung kanilang sigla at kumpyansa,” sabi ni Marcos.
“Well, I am confident that our government will take these issues seriously, may inilaan na silang budget para diyan kaya nasisiguro ko na magiging maayos itong pilot testing ng face to face classes this coming November 15,” dagdag pa ni Marcos.