31 C
Manila
Huwebes, Disyembre 5, 2024

Email address o sulatroniko, paano magiging secure

- Advertisement -
- Advertisement -

ALAM ba ninyo kung ano ang tinatawag na “email” o “email address”? Ayon sa Email Tagalog Meaning: What’s The Filipino Translation Of The English Word Email? (archipelagofiles.com), ito ay tinatawag na “sulatroniko” sa Filipino na isang bagong-gawang salita na kombinasyon ng mga salitang “sulat” at “elektroniko.”

Karamihan ay mayroon nang isa o ilang email address para makapagpadala o makatanggap ng mga sulat at mensahe sa pamamagitan ng isang kompyuter o cellphone. TMT FILE PHOTO

Ang nakalulungkot lang, hindi kilala ang salitang “sulatroniko” sapagkat natatabunan ito ng Ingles na salitang “email” na pareho rin ang ibig-sabihin. Eh ano nga ba talaga ang “email” o “sulatroniko”? Nasanay na ang karamihan sa atin na gamitin ang “email” kaysa sa salitang “sulatroniko” pero subukan na rin nating magsanay gamitin ang sulatroniko, para mauso naman ito.

Malamang ang iba sa inyo ay matagal ng nagkaroon ng isa o ilang email address para makapagpadala o makatanggap ng mga sulat at mensahe sa pamamagitan ng isang kompyuter o cellphone.

Ang isang email address o “adres-sulatroniko” ay isang kodigong pangalan o etiketa (label) para sa isang lugar sa internet na pwedeng padalhan at gawing imbakan ng mga mensahe at liham na elektroniko. Tinatawag din na “buson” o “kahon-liham” (mailbox) itong lugar o imbakan ng mga sulatroniko.

Tanging ang may-ari (user) lang ng email address ang mayroong “kontrasenyas” (password), isang sikretong lagda na ginagawang susi para mabuksan ang laman ng adres sulatroniko . Kapag nakapasok na sa email account, pwede nang magbasa ang may-ari ng mga mensaheng dumating o kaya ay magpadala ng sariling sulatroniko sa iba’t ibang email address sa buong mundo.


Dahil sikreto dapat ang kontrasenyas, mahalaga na hindi ito malaman ng ibang tao para hindi nila mabuksan ang email address (kaparehas ito ng “email account”). Maaaring nakawin ng mga hacker (mga tao na pumupuslit at nagnanakaw ng kaalamang nakaimbak sa loob ng isang kompyuter) ang pagkakakilanlan ng isang may-ari ng email address.

Pagkatapos ay maaari silang magkunwari na sila ang kawawang nilalang na iyon hanggang sa pagpapadala nila ng mga pekeng mensahe habang walang kamalay-malay ang tunay na may-ari. Pwede tuloy itong magdulot ng matinding kahihiyan o malaking pagwawaldas, pagkalugi, at panghihinayang.

Maliban sa pag-imbak ng mga dumarating na sulatroniko, at sa pagpapalarga ng mga papalabas na sulatroniko, ginagamit tuloy na pagpapatunay ang isang email address ng isang taong-buhay na malayang umaaksiyon sa mga gawaing pang-kompyuter.

Kung gusto niyang magbukas ng isang “salaysay-sulatroniko” (email account) — na  madalas ay sinusulat na “email akawnt”— ang  may-ari nito ay pupunta sa “pook-sapot” (website) ng isang “tagapagkaloob ng serbisyo-sulatroniko” (email service provider) tulad ng Gmail.com, Yahoo.com, Hotmail.com, iCloud.net, atbp.

- Advertisement -

Doon siya gagawa ng bago at kaisa-isang adres-sulatroniko (unique email address) katulad ng “[email protected]”. Gagawan din niya ito ng isang sikretong kontrasenyas na siya lang dapat ang nakaka-alam at hindi pwedeng makalimutan o walain.

Pagkatapos nito ay maaari na siyang magpalarga ng kanyang mga mensahe sa mga adres-sulatroniko na kilala niya. Maaari na rin niyang gawin na ID o “ngalan ng tagapaggamit” (username) ang kanyang email address upang ikalat at ianunsiyo sa madla para siya mapadalhan ng mga sulatroniko galing sa ibang tao.

Umpisa pa lang iyan. Maaari din siyang gumawa ng iba’t-iba pang adres-sulatroniko para sa magkakaibang layunin: para sa negosyo, para sa kanyang mga sinusulat o nilalagdaan, para sa pag-rehistro niya sa iba’t-ibang pook sapot, at para rin itago niya ang sariling pagkakakilanlan gamit ang isang pangalan na hindi paghihinalaan (pseudonym or secret identity).

Ang mahalaga lang para sa tagapaggamit (Ingles: user), responsibilidad niyang alagaan ang mga adres-sulitroniko na kanyang ginawa upang hindi ito magamit ng iba sa di-marangal o ilegal (labag sa batas) na gawain.

Hanggang dito na muna tayo at hanggang sa muli… ako si [email protected] (isa ito sa aking mga email address).

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -