Umawit ka nang malakas, O Jerusalem! Pagkat dumarating na ang hari mo, mapagwagi at mapagtagumpay. Mapagpakumbaba siya at nakasakay sa bisirong asno. Ipaaalis niya ang mga karwahe sa Efraim, gayon din ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem. Babaliin niya ang mga panudla ng mandirigma at paiiralin ang pagkakasundo ng lahat ng bansa; ang hangganan ng kaharian niya’y dagat magkabila, mula sa Eufrates hanggang dulo ng daigdig.
— Aklat ni Zacarias 9:9-10
Sisiklab ba ang digmaang pandaigdig?
Ito ang lumalaking takot hindi lamang ng mga pinunong bansa, heneral ng hukbo, at pantas sa seguridad, kundi milyun-milyong katao sa daigdig na nakamasid sa awayan ng pinakamalalakas na bansa — ang Amerika, Tsina at Rusya. Nagkakainitan sila hindi lamang sa Ukranya at Taiwan, kundi sa ekonomiya, armas at teknolohiya.
Baka bumaling sa digmaan ang girian ng mga dambuhalang bansa sa darating na pulong ng mga pangulo at punong ministro ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), ang pinakamakapangyarihang alyansiya sa mundo, pinamumunuan ng Estados Unidos (US).
Sa Hulyo 11 at 12 sa Vilnius, punong lungsod ng Lithuania, tatalakayin ng NATO kung tutulong sila sa Ukranya nang higit sa pagpapadala ng armas, salapi, mga lihim na kawal at intelihensiyang militar.
Mangyari, sa palagay ng ilang eksperto sa digmaan, malamang na dagsain ng Rusya ang Ukranya sa mga buwang darating. Lubha nang nalagas ang puwersang Ukranya sa isa’t kalahating taong labanan.
Samantala, nagmobilisa ang Rusya ng 750,000 tropa, sampu ng pinakamalaking kalipunan ng mga tangke, kanyon, raket, eroplano at iba pang mga sandata sa buong Europa mula noong magwakas ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945. At nagpuwesto pa ang mga Ruso ng armas atomika sa Belarusya, ang kaalyado nitong bansang karatig ng Ukranya sa norte.
Kung lalahok sa digmaan ang NATO, maaaring magumon sa digmaan ang buong Europa. At kung hindi labanan ng alyansiya ang hukbo ni Presidente Vladimir Putin, mapipilitan pa rin ito na magdagdag ng sundalo, sandata at salaping pangmilitar upang tapatan ang puwersa ng Rusya.
Wala sa armas ang kapayapaan
Ito ba ang tamang daan tungo sa kapayapaan — paligiran ang mga bansa ng pinakamakapangyarihang hukbo sa balat ng lupa, sampu ng mga armas na makapapaslang ng daan-daang libo sa isang kalabit?
Kung sasangguni sa mga pagbasang Misa sa Hulyo 9, ang Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon, mali ang mga gobyernong umaasa sa militar upang magkamit ng kapayapaan at kaligtasan.
Sa halip, pangaral ng unang pagbasa mula kay Propeta Zacarias, sinipi sa simula, na ang Diyos ang magwawakas ng digmaan, aalisin ang mga karwahe, kabayo at panudlang pandigma at “magpapairal ng pagkakasundo sa lahat ng bansa.”
Talaga? Pihadong papalag sa Propeta ang mga pinunong militar at mga dalubhasa ng kasaysayan at geopolitika. Ang mga bansa na walang sandatahang lakas, lilipulin ng armadong kalaban.
Totoo, ngunit hindi maitatatwa maging ng mga pantas militar at geopolitika na nasa bingit ng digmaang atomika tayo sa kabila ng — o dahil mismo sa — walang hintong paglago ng hukbo at sandata sa mga bansang magkaribal.
Mangyari, dahil sa palaki nang palaking puwersa ng magkatunggaling bansa, lalong nangangamba ang tao — at naghahangad ng mas katakut-takot pang panlaban.
Ang resulta: mahigit 12,000 ang pasabog atomika, kasama ang iba pang armas ng malawakang pinsala (weapons of mass destruction o WMD). Maging ang pandemya, baka raw nagmula sa laboratoryong nagsasaliksik sa mikrobyong magagamit sa WMD.
Sa kabilang dako, kung tutulad sa Panginoon ang mga pinuno at gobyerno ng mga bansa, mahirap isiping hahantong ang gayong pamamahala sa digma. Wika ng Salmong Tugunan 144 (Salmo 144, 1-2. 8-11. 13-14):
“Ang Panginoong D’yos, puspos ng pagmamahal at lipos ng habag, banayad magalit, ang pagmamahal niya’y hindi kumukupas. Mabuti siya at kahit kanino hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya mamamalagi. … tumutulong siya sa lahat ng taong may suliranin; yaong inaapi, inaalis niya sa pagkagupiling.”
Iyon ba ang asal ng pamahalaang magbubunsod ng digmaan?
Hilig ng laman, ugat ng kamatayan
Ang hirap, talagang hindi makawala ang tao sa kapit ng likas na asal at nasa, bagaman ito ang nagdadala ng kapahamakan at kamatayan. Babala ng Liham ni San Pablo sa Mga Taga-Roma (Roma 8:9, 11-13):
“Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman …”
Pero sa totoo, sadyang lumalaganap sa ating panahon ang pagsunod sa likas na nais at hangad, at ito rin ang ugaling nagbubunsod ng palakasan sa armas at palakihan ng yaman, kahit patungo ito sa digma at pagbulusok ng ekonomiya.
Kaya marahil nasabi ni Kristo sa pagbasang Misa mula sa Ebanghelyo ni San Mateo (Mateo 11, 25-30): “[I]nilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino at inihayag sa mga may kaloobang tulad ng sa bata.”
Tunay, Mahal ng Panginoon, mukhang hanggang ngayon, musmos lamang ang nakikinig sa pangaral mong tunay na nagbibigay-buhay. Mapabilang nawa kami sa kanila. Amen.