LUBUS-LUBUSIN na ang pagtutok sa usaping ito. Nasimulan na rin lang.
At kapag pagkain ang pinag-usapan, may iba pa bang mauunang tatampok kundi bigas? Magdildil na ng asin, ito ay di mahalaga, kung wala talagang maiulam. Ang importante, may kanin.
Malaking pasasalamat natin na may mga sektor ang lipunan na nakapagtuon ng pansin sa usaping ito. Magagamit natin sa diskusyon natin ngayon ang kanilang mga pag-aaral.
Lumitaw sa isang pag-aaral na isinagawa ng Kawanihan sa Sensus at Estadistika noong 2021, umaabot sa 48,500,000 ektarya ang lupang sakahan sa palay sa buong Pilipinas. Nakakalat ito sa kalakhan ng Central Luzon at Cagayan Valley sa Luzon, Kanlurang Bisaya, at Timog at Central Mindanao. May 2.4 milyon ang bilang ng mga magsasakang lumilinang sa mga sakahang ito na ang ani ng palay kada anihan ay 3-6 na libong kilo kada ektarya.
Nakatala ang Pilipinas bilang pangwalo sa mga prodyuser ng palay sa buong mundo. Ang sakahan ng palay sa Pilipinas ay responsable sa produksyon ng 2.8 porsyento ng pandaigdigang suplay ng palay. Magkaganun man, ang Pilioinas ang tinanghal na pinakamalaking importador ng bigas noong 2010. Nagpapakita ito na sa produksyon pa lang ng palay, hindi na makasapat ang lokal na inisyatiba sa pangangailangan ng sambayanan.
Para sa kasalukuyang taon, ang nakaraang ani na umabot sa 19 milyun na libong tonelada ng palay ay magbibigay lamang ng sobrang 2 milyong libong tonelada – kulang na sa pangangailangan ng bayan habang hinihintay ang panibagong 19 milyung toneladang ani.
Kaya, solusyon: angkat ng bigas
Kung susuriing mabuti, simple ang problema. Dagdagan ang lupang sakahan ng bigas. Pero, hindi. Imbes na ito ang gawin, ang pinagkakaabalahan ng mga pribadong mamumuhunan ay ang pagpalit ng gamit ng mga lupang agrikultural mula sa pagiging taniman ng palay tungo sa pagiging tayuan ng mga subdivision, na, mangyari pa, di hamak na mas malaki ang kita.
Tanda ko pa, hanggang mga dekada otsenta, ang buong kahabaan ng Marcos Highway kaliwa-kanan ay kaaya-ayang tanawin ng mga luntiang uhay. Gaano man kalakas ang ulan, ang highway ay hindi binabaha, sapagkat ang tubig ay dumadaloy lamangl papunta sa malalawak pang palayan sa buong kapaligiran.
Sa ngayon, ni isang kuluntoy na uhay ng palay ay wala kang masilayan kundi magkakadikit na mga subdivision at naglalakihang mga mall at gusaling komersyal.
Ang tanong ngayon, bakit nakapangyayari na ang ganitong kalakaran ang dapat masunod? Na imbes ang pagtuunan ng pansin ay ang produksyon ng pangunahing pagkaing bigas, ang inaatupag ay mga negosyong malayo sa bituka ng tao.
Laissez faire sa Pranses.
Free enterprise sa English.
Malayang kalakalan sa Filipino.
Ito ang sistema ng pamumuhay na isinalaksak ng Amerikano sa lalamunan ng Pilipino sa kanilang paghalili sa Kastila bilang mananakop ng Pilipinas. Sa pakunwaring pagpapangibabaw ng mga aral na “kalayaan” at “pagkakapantay,” buong kaluwagang ipinilit ng mga imperyalistang Amerikano sa Pilipino ang ipinamaraling sistemang demojrasya.
Pero sa kaubuduburan, ano ang demokrasya?
Yun nga, Laissez faire. Kalayaang gawin mo ang gusto mo ng walang anumang paghahadlang mula kanino man. Sa panig ng kapitalistang may hawak na puhunan, kalayaan niyang bumili ng palayan upang imbes na pagtaniman ng palay ay pagtayuan ng subdivision o ng mall. Sa panig naman ng magsasakang may-ari ng lupa, kalayaan niyang ibenta ang kanyang lupa sa kahit kaninong kanyang maibigan at wala na siyang pakialam kung sa ano gagamitin ang lupa.
Pagtatakhan pa ba na ang pinakamayamang Pilipino ay isang tao na bumili at bumili ng mga palayan hindi para pagtaniman ng palay kundi para pagtayuan ng mga subdivision?
Maliwanag pa sa sikat ng araw ang tinatakbo ng ating pag-uusap. Sa usapin pa lang ng bigas, kailangan ang matinding pagbabago ng sistemang panlipunan ng Pilipinas upang ang problema ay matugunan.
Para makapagtanim ng palay, kailangan ang lupang sakahan. Kailangang ipagbawal ang pagbenta ng mga lupang sakahan ng mga magsasaka. Subalit ito ay labag sa mga karapatang pantao na gingarantiyahan sa ilalim ng demokratikong sistema.
Hindi malulutas ang problema sa bigas nang hindi binabago ang mga nakapangyayaring prinsipyo ng pagmamay-ari ng mga bagay-bagay sa lipunan.
Oras na nirendahan mo ang pagmamay-ari ng lupa ng isang tao, tiyak na susunod na ang pagpilay naman ng kanyang pagmamay-ari sa iba pang mga kailangan sa buhay: pabahay, edukasyon, kagalingang pangkalusugan, atensyong medikal.
Nagsimula tayong dinadalirot ang problema sa pagkain, nauwi tayong binabalikat ang mga higanteng sakit ng isang mapang-api’t mapanikil na lipunan.
Hindi magsasapat ang pagkain ng 100 milyung Pilipino nang hindi niyayanig ang mga pundasyon ng sistemang sosyal na ang tanging pinaglilingkuran ay kapakanan ng 1 porsyento lamang ng lipunang Pilipino.