31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Malawak ang public sector, ang National Government (NG) ay isa lang bahagi nito

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

KAPAG nakakabasa tayo ng report ng fiscal performance sa diyaryo, kadalasan, ito ay tungkol lang sa National Government (NG) na isang bahagi lang ng public sector.

Ang dahilan nito ay malawak ang public sector, nako-konsolida lang ang report pagkatapos ng anim na buwan. Dahil medyo matagal bago lumabas ang report, hindi na ito nabibigyan ng pansin paglabas nito.

Ang public sector ay may iba’t-ibang bahagi.

Ang una at pinakamalaki ay ang NG. Bawat buwan ay naglalabas ng Bureau of the Treasury ng NG report ng revenues, expenditures at fiscal balance. Ang pinaka-latest na taunang report ay noong 2022 na kung saan ang total revenues ay P3.55 trillion, ang expenditures ay P5.15 trillion at ang deficit ay P1.6 trillion o 7.3% ng GDP.

Ang ikalawa ay ang government owned and controlled corporations (GOCCs). Dahil sa dami ng korporasyon na kabilang sa sector (lampas sandaan), ang report lang ng 14 na korporasyon na pinakamalaki ang isinasama ng Department of Finance (DoF) sa report na inilalabas bawat quarter. Noong 2021, ang surplus nito ay P43.7 billion.


Ang ikatlo ay ang local government units. Ito ay mga pamahalaan ng mga probinsiya, siyudad, bayan at maliliit na barangay. Sa ngayon, ang report na inilalabas ng DoF Bureau of Local Government Finance ay kasama lang ang mga probinsiya, siyudad at bayan. DI pa kasama ang mga barangay sa report. Noong 2021, ang surplus nila ay P284.6 billion.

Ang ikaapat ay ang government financial institutions (GFIs). Ito ang mga bangko ng gobyerno na Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) at Trade and Industry Corporation of the Philippines (TIDCORP). Ang surplus nila ay P28.3 billion.

Ang ikalima ay mga social security institutions (SSIs). Kasama rito ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS). Ang surplus nila ay P191.2 billion.

Ang ikaanim ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ito ang bangko ng mga bangko at nagmamaneho ng pag-isyu ng currency (pera). Ang surplus ng BSP ay P27.2 billion.

- Advertisement -

Kapag kinonsolida ang anim na bahagi nito, ito ang tinatawag na Consolidated Public Sector (CPS) at ang balanse nito ay tinatawag na Consolidated Public Sector Financial Position (CPSFP). Bawat quarter, naglalabas ang DOF ng report ng balanse nito. Noong 2021, ang deficit nito ay P1.07 trillion o 4.6% ng GDP. Alalahanin natin na mula sa 7.3% of GDP na deficit ng NG, napababa ito sa 4.6% of GDP sa consolidated public sector kasi, bumibili ang public sector na may surplus ng mga Treasury Bills at Treasury Bonds ng NG na kung saan nila inilalagak ang surplus nilang pondo. Sila ay binabayaran ng interes bilang kabayaran ng pagpapautang nila sa NG. Sa pagkokonsolida, tinatanggal sa kabuuan ang mga transaksyon at utang ng public sector sa kanyang sarili. Tinatanggal nito ang double counting ng transaksyon ng dalawang entities ng public sector. Ito ang accepted practice sa pandaigdig na fiscal accounting.

Isa pang pagkokonsolida ay ang General Government (GG) na masinsing tinitingnan ng mga investors at credit rating agencies. Ito ay ang Consolidated Public Sector (CPS) pagkatapos bawasin ang balanse ng GOCCs, GFIs, at Bangko Sentral. Sinusukat nito ang mga transakyon ng pamamahala at di kasama ang business operations ng public sector. Pero sa mga GOCCs, ibinabalik ang Philippine National Railways (PNR) at National Irrigation Administration (NIA) Ito ay dahil ang dalawang korporasyon ay nakasalalay sa NG sa kanilang badyet. Maliit lang ang kanilang revenues at di kasya na pantustos ng kanilang operasyon.

Noong 2021, ang revenues ng General Government ay P4.09 trillion, and expenditures ay P3.98 trillion, at ang balanse (net operating surplus) ay P111.0 trillion. Nag-invest sila ng P1.0 trillion sa fixed assets (kasama ang infrastruktura), imbentaryo at iba pang assets. Ang bagong utang sa taong iyon (net incurrence of liabilities) ay P1.53 trillion.

Sa paningin ng mga investors, di problema ang utang kung nai-invest sa fixed assets na magpapalago ng ekonomiya lalo na ang inprastruktura. Di rin problema kung mas mataas ang utang kaysa investment kasi may dahilan naman kung bakit nangyari ito. Kasalukuyan nananalasa noong 2021 ang Covid pandemic at kailangang gumastos para mabawasan ang sakit na dulot nito sa populasyon. Lahat ng bansa ay lumaki ang deficit financing nila kaya hindi ito nagpababa sa credit rating.

Ang kabuuang utang ng General Government (GG) na masinsin na minomonitor ng credit rating agencies noong huling araw ng Marso 2022 ay P11.3 trillion o 56.6% ng GDP. Ito ay mas mababa kaysa 60%-70% na siyang sinasabi ng mga expert ng international Monetary fund (IMF) na sustainable level ng utang. Ito ang dahilan kung bakit na-maintain ng Pilipinas ang credit rating niya na 1 or 2 steps above investment grade (sa Fitch ang una at sa Moodys at Standard & Poors ang huli) at kung bakit patuloy ang pagdaloy ng normal na financial flows sa ating bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -