31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Balak ni Marcos hatiin ang kahirapan. Kaya ba?

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

SABI ni Kalihim Arsenio Balisacan, direktor heneral ng Pambansang Pangasiwaan sa Kabuhayan at Pag-unlad (NEDA sa Ingles), magagawa ng pamahalaang ibaba ang maralita sa bansa mula 18.1 porsiyento ngayon tungo sa 9 porsiyento sa 2028, bago bumaba sa puwesto ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Para magawa ito iniutos ng Presidente sa unang lahatan o en banc na pulong ng Pambansang Komisyon Laban sa Kahirapan (NAPC sa Ingles) sa Hunyo 30 ang patakarang “whole-of-government” o pagsasanib ng buong gobyerno upang bawasan ang karukhaan.

Ano’ng problema rito?

Kung talagang desidido ang Pangulo at pamahalaang hatiin ang kahirapan sa loob ng anim na taon lamang, bakit nakaisang-taon bago pinulong nang buo ang NAPC, ang pangunahing kapulungan sa pag-uugnay o koordinasyon ng iba’t-ibang programa at ahensiya para sa pag-angat ng maralita?

Sa kabilang dako, pinulong ng Pangulong Rodrigo Duterte ang NAPC noong Enero 30, 2017, makalipas ang pitong buwan sa puwesto. Ito ang unang en banc na pagtitipong kasama ang Pangulo sa loob ng sampung taon. Samantala, nakailang panayam ang Komisyon kasama si Presidente Gloria Arroyo.


Pero huwag nating maliitin ang paglaban ng Pangulong Marcos sa kahirapan dahil lamang hindi niya pinulong ang NAPC hanggang huling araw ng una niyang taon sa Malakanyang.

Sa katunayan, ayon sa Punong Tagapagpulong o Lead Convenor ng Komisyon, si Lope Santos 3rd, binuno sa mga buwang nagdaan ang mga malawakang programa para sa pag-angat ng maralita, at ilalabas sila sa Setyembre at Oktubre, matapos ang mga konsultasyon at workshop mula Pebrero.

Kalahok dito ang mga pambansang ahensiya ng gobyerno (NGAs sa Ingles), mga liga ng pamahalaang lokal (LGUs), at 14 na batayang sektor ng maralita, kababaihan, may edad, may kapansanan, at iba pang bahagi ng lipunang nasa laylayan, wika nga.

Pihadong may magtatanong mula sa mismong batayang sektor na ibig iangat ng NAPC: Talaga bang kailangan at kapaki-pakinabang sa masa ang lahat ng pagpaplano at pagpupulong na ginagawa ng NAPC?

- Advertisement -

O mas mabuti bang sundin sa slogan ng isang kasapi ng Komisyon, si Kalihim Benhur Abalos ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (DILG sa Ingles) noong tumakbo siya sa pagka-alkalde ng Mandaluyong: “Gawa, Hindi Ngawa.”

Ang dapat isulong ng masa

Sa ngayon, marapat sigurong tingnan ng taong bayan ang mga balangkas na ilalathala ng NAPC bago humusga: ang National Anti-Poverty Action Agenda (N3A) sa Septiyembre at National Poverty Reduction Plan (NPRP) sa Oktubre.

Ano ang dapat nating hanapin sa mga plano and itulak na masa para sa pag-angat sa kahirapan at pagsulong sa mas magandang kinabukasan?

Una, sapat na pagkain sa unang sanlibong araw ng buhay mula sa sinapupunan. Isang malubhang kakulangan na nagpapako sa milyun-milyong kabataan sa habangbuhay na pagdaralita ang malnutrisyon o kapos na sustansiya mula sa unang araw ng paglilihi hanggang dalawang taong gulang.

Isa sa bawat tatlong batang Pilipino ang tinantayang bansot hindi lang sa tangkad ng paglaki, kundi sa pagyabong ng isip. Isa ito sa pinakamalubhang datos ng pagkabansot o stunting sa Silangang Asya at Dagat Pasipiko at sa buong mundo.

- Advertisement -

Dapat wakasan ang pagkabansot upang magkaroon ng sapat ng talas ng isip ang kabataan Pilipino para sa eskuwela at trabaho. Harinawa, magagawa ito hindi lamang ng NAPC, kundi sa Batang Busog Malusog, ang planong pagpapakain ng kabataan sa ilalim ni Lorenzo Gadon, bagong hirang na Tagapayo ng Pangulo sa Pagbawas ng Kahirapan.

Pangalawa, pinalawak, pinalakas at pinondohang mga programa para sa mga magsasaka at mangingisdang maralita, sampu ng mga manggagawang bukid. Kabilang sila sa pinakadukha sa bansa, at sa kabukiran naninirahan ang karamihan sa mahihirap.

Kaakibat nito ang pagpapatupad ng desisyon ng Korte Suprema sa kasong isinampa ni Gobernador Hermillano Mandanas ng Batangas para lumaki ang porsiyento ng mga LGU sa buwis na nakokolekta nila para sa pambansang pamahalaan. Kung mas malaki ang pupunta sa lalawigan, makababawas din ito sa kahirapan.

Noong 2001, sa unang mga buwan na kanyang pagkapangulo, isinulong ni Arroyo ang pagpopondo ng agrikultura at mga gobyernong lokal. Pinalabas niya ang porsiyento ng buwis o internal revenue allotment na nabinbin sa mga taong nagdaan.

Kaakibat nito, ipinatupad niya ang batas na inakda niya upang magtakda ng P20 bilyon taun-taon para sa pagsasaka at pangingisda.

Ang resulta: Mga 2 milyong Pilipino ang nakawala sa kahirapan, at bumaba ang porsiyento ng maralita sa bansa mula 26 noong 2000 tungo sa 24 sa 2003.

Isulong natin ang mas malaking pondo para sa agrikultura at mga LGU.

Pangatlo, huwag kaligtaan ang kaligtasan sa kalamidad, epidemya at iba pang sakuna.

Mahihirap ang laging pinaka-napipinsala at namamatayan sa bagyo, lindol, pagsabog ng bulkan, pagkalat ng sakit, paglubog ng barko, at iba pang hagupit ng tadhana.

Dapat lalong palakasin ang mga programa at kakayahan, lalo na sa mga pamayanan, para sa kaligtasan at agarang pagbangon ng mga nasalantang komunidad.

Pagkain para sa bata, pondo para sa bukid, at kahandaan sa kalamidad. Tiyakin nating kasama ito sa mga programa ni Pangulong Marcos laban sa kahirapan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -