IDINEKLARANG mahalagang yamang pangkalinangan o Important Cultural Property (ICP) ng National Museum of the Philippines (NMP) ang 403-taong Sts. Peter and Paul Parish sa Makati City kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo noong Huwebes, Hunyo 29, 2023.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Banal na Misa sa pagdiriwang ng kapistahan ng dalawang apostol pati na ang unveiling ng marker bilang Important Cultural Property kasama ang mga opisyal ng Makati City at ng NMP.
Ayon kay Dr. Mary Jane Louise Bolunia, chief archaeologist ng NMP, ang simbahan ay naideklarang ICP dahil sa “natatanging kultural, masining, at makasaysayang kahalagahan sa buong bansa.”
“The declaration of this beautiful church is also a way of saying there is so much to discover about Makati’s history and heritage,” (“Ang deklarasyon ng magandang simbahan na ito ay isang paraan din ng pagsasabing napakaraming matutuklasan tungkol sa kasaysayan at pamana ng Makati,”) dagdag ni Bolunia.
Batay sa kasaysayan ng simbahan, itinatag ito noong 1620 bilang San Pedro de Macati sa pangunguna ni Fr. Pedro Montes. Taong 1718 dumating sa simbahan mula Acapulco Mexico ang imahe ng Virgen de la Rosa.
Noong 1639, ang simbahan ang naging battleground ng pulitikal at militar na kaguluhan sa panahon ng pag-aalsa ng mga Tsino.
Ginamit din ng mga sundalong Amerikano ang simbahan bilang headquarters at ospital noong 1899 Philippine-American War.
Pagsapit ng 1951, dalawang parokya ang inukit sa San Pedro Church — ang San Ildefonso Parish sa baryo ng Culi-Culi at Our Lady of Guadalupe Parish sa barrio Guadalupe Viejo.
Pagkatapos ng Vatican II noong 1965, idinagdag si St. Paul bilang isa pang titular ng simbahan, at pinalitan ang pangalan nito sa Sts. Peter and Paul Parish Church.
Iba pang ICP
Noong Abril 22, 2023, itinalaga ring ICP ang Our Lady of Remedies Parish Church na matatagpuan sa Malate, Manila, sa isang seremonya na pinangasiwaan din ng NMP at dinaluhan nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, NMP Administrative Officer 4th, Roderick Manaloto, at Fr. Leo Distor. Ang imahe ng Our Lady of Remedies, na dinala mula Spain noong 1624 ay naninirahan ngayon sa simbahan na itinayo gamit ang Baroque style at 435 taon na.
Idineklara ring ICP ang Coconut Palace noong Hunyo 27, 2023 sa seremonyang ginawa sa nasabing gusali sa Pasay City at pag-aari ng Government Service Insurance System (GSIS). Ang historical marker ay matatagpuan sa entry hall ng Coconut Palace.
Noong Martes din ay itinalagang ICP ang Baclaran Church sa Parañaque City kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Our Mother of Perpetual Help at ika-75 taon ng Perpetual Help Novena sa Baclaran Church.
Batay sa datos ng National Commission for Culture and the Arts nasa 130 simbahan na sa bansa ang kinilalang Important Cultural Property, National Historical Landmark at National Cultural Treasures. May dagdag na ulat si Rufina Caponpon