31.9 C
Manila
Linggo, Nobyembre 24, 2024

Babaeng chess player itinaob ang mga lalaking kalaban

- Advertisement -
- Advertisement -

PANGKARANIWAN nang dinodominahan ng mga kalalakihan ang isports na chess at karamihan sa mga babaeng manlalaro ay itinuturing na mahina.

Ngunit iba na ngayon.

Noong Miyerkules, June 28, si Geraldine Guyo, 22-anyos, isa sa tatlong lumaban sa blitz tournament ay umiskor ng 6.5 na puntos sa pitong rounds para umangat na champion sa Sentro Artista Invitational Blitz Chess Tournament na idinaos sa Arton Strip sa Rockwell, Blue Ridge A, 226 Katipunan, Quezon City.

Si Quezon City Rep. Juan Carlos ‘Arjo’ Atayde (kaliwa) at Asia’s First Grandmaster Eugene Torre (kanan) ay pinangunahan ang ceremonial opening moves sa Sentro Artista Invitational Blitz Chess Tournament na ginanap sa Arton Strip by Rockwell, Blue Ridge A, 226 Katipunan, Quezon City. CONTRIBUTED PHOTO

Si Guyo, na nagmula sa Trece Martires sa Cavite, ay umani ng pagkapanalo laban kay Engr. Allan Anthony Alvarez sa pangalawang round, Evaristo Tizon sa ikatlong round, Apollo Pablo Zantua sa ikaapat na round, Eric Frigillana sa ilalimang round, Julian Paul Querubin sa ikaanim na round at kay Ronald Donasco naman sa huling round. Naging tabla naman ang laban nila ni Alex Guingab sa unang round.

Alam niyang mahirap ang naturang tournament ngunit ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya, ayon kay Guyo, isang estudyante mula sa University of the Philippines-Diliman at naglaro sa patnubay nina UP chess coach Fide Master/Fide Trainer Leonardo Carlos at Woman International Master Catherine Pereña Secopito.

Samantala, si Julian Paul Querubin at Michael Suacillo ay nagtapos sa parehong 4.5-puntos habang si Apollo Pablo Zantua ang nanguna sa malaking grupo ng four pointers na kinabibilangan ng dalawa pang babaeng manlalaro na sina Bonalyn Ornido at Jarel Lacambra.

Sina Quezon City Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde, Asia’s First Grandmaster Eugene Torre at Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC) president at CEO Hexilon Josephat Thaddeus Alvarez, anak ng dating Senador na si Heherson Alvarez, ang nagsagawa ng pagbubukas ng seremonya sa ginanap na isang araw na blitz tournament.

Kasama din dito sina International Master Roderick Nava, Eric Frigillana at International Master Jose Efren Bagamasbad.

Ang seremonya ay pinaunlakan din nina Engr. Allan Anthony Alvarez, Jay at Marjorie Ruiz, Zeke Cancio, National Master Almario Marlon Quiroz Bernardino Jr., Atty. Rodolfo Enrique Rivera, Arnel Espiritu, Noel Jay “Super B’ Estacio, at chess bloggers na sina Richard Cornell Manzano at Donna De Guzman Apolinar.

Ang mga mahihilig sa chess mula sa Institute of Integrated Electrical Engineers (IIEE) ay nakiisa sa nasabing tournament bilang tuneup o paghahanda sa malaking chess tournament para sa mga inhinyero na gaganapin sa ika-27 ng Nobyembre 2023 bilang bahagi ng ika-48th Annual Convention nito.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -