26.8 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Pamilya, ligaya’t buhay, bibitiwan para sa Diyos?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit sa akin, hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa anak na lalaki o babae nang higit sa akin, hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin, hindi karapat-dapat sa akin. Ang nag-iingat ng kanyang buhay siyang mawawalan nito, at ang nawawalan ng kanyang buhay dahil sa akin magkakamit nito.
—Hesus sa Ebanghelyo ni San Mateo, 10:37-39

Para sa dalawang bilyong Kristiyano sa mundong ibabaw, ito malamang ang pinakamahirap na panawagan ng Panginoong Hesukristo. Maging mga pari, madre at iba pang nag-alay ng buong buhay sa Simbahan, magdadalawang-isip kung, iadya ng Diyos, kailangang mawala ang buhay, ligaya at pamilya para sa misyon bilang alagad ng langit.

Maraming tagapanalig ang di-gaanong sineseryoso itong pahayag ni Hesus mula sa mga babasahing misa ng Hulyo 2, ang Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon. Mangyari, bahagi ito ng Ikasampung Kabanata ng Ebanghelyo ni Mateo kung saan pinili, pinangaralan at pinalabas ang 12 Apostoles. Sa gayon, isip ng marami, sa mga pari at iba pang konsagradong Kristiyano lamang itong atas ni Kristo.

Palusot, pero mali. Sa totoo, inihayag ng Poon ang pinakamahirap na bahagi ng pangaral niya sa lahat ng Ebanghelyo, at hindi lang sa mga Apostoles kundi sa lahat ng tagasunod o disipulo. Sa Marcos 8:35, Lukas 9:24 at 17:33, pati Juan 12:25, sinabi ni Hesus na ang kumakapit sa buhay lalong mawawalan nito. At kung dapat handang kalasan ang buhay, bakit hindi ang sariling ligaya at pamilya?

Mundong makasarili


Alam ng Diyos na mahirap para kaninumang isailalim sa Kanya ang sariling mag-anak, kapakanan at buhay. Nagkulang dito sina Adan at Eba sa Hardin ng Eden, at maging ang Anak Niyang si Hesukristo, humiling na makaiwas sa kanyang Pagdurusa at Kamatayan, bagaman agad niyang ipinailalim sa kalooban ng Ama ang niloloob niya.

Lalong mabigat ang hamong ipauna ang Diyos sa lahat dahil sa daigdig nating sariling nais at hangad ang dinidiyos ng daan-daang milyon o bilyun-bilyong tao, sampu ng mga bansa, industriya, at marami pang ibang sektor at kalipunan. Sa maraming pagkilos at desisyon ng mga gobyerno, institusyon, komunidad, pamilya at indibidwal, hindi sumasagi sa isip ang Panginoon.

Bale-wala ang Diyos sa kabila ng pangakong biyaya sa naglilingkod sa Kanya, gaya ng inihayag sa mga babasahing misa sa Hulyo 2. Sa unang pagbasa mula sa Ikalawang Aklat ng Mga Hari (2 Hari 4:8-11, 14-16), pinagkalooban ng anak na lalaki ang babaeng nagpatuloy kay Eliseo, ang propeta ng Diyos.

Sa Ebanghelyo (Mateo 10, 37-42) at sa ikalawang pagbasa mula sa Liham ni San Pablo sa Taga-Roma (Roma 6:3-4, 8-11), tahasang tinukoy ang pag-aalay ng buhay para sa Panginoon, kaakibat ng pangakong katubusan. Wika ng Apostol:

- Advertisement -

“Hindi ba ninyo nalalamang tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus, nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, namatay tayo at nalibing kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paano binuhay muli si Kristo ng dakilang kapangyarihan ng Ama, mabuhay naman tayo ayon sa bagong pamumuhay. … dapat ninyong ituring ang sariling patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa pakikipag-isa ninyo kay Kristo Hesus.”

Sa Ebanghelyo naman, lubhang pinalawak ni Hesus ang pagbibiyaya. Hindi lamang sa naglilingkod sa Diyos, kundi sa nagmamabuti sa mga alagad Niya: sa propetang naghahayag ng Kanyang katotohanan, sa mabuting tao na tumatalima sa Kanyang utos, at maging sa pinakahamak na disipulong binigyan ng kaunting inumin.

At hindi lamang sa langit ang gantimpala; sa lupa rin. Sa unang pagbasa, ipinagkaloob sa babaeng kumupkop kay Propeta Eliseo ang biyayang handog din kina Sara, maybahay ni Abraham, at Sta. Isabel, ina ni Juan Bautista na ang pagsilang ipinagdiwang sa Hunyo 24: “Pagkaisang-taon may kakandungin ka nang anak na lalaki.”

Simbahan ng grasya

Pag-isipan natin nang mabuti itong pahayag ng Panginoon: May biyaya hindi lamang ang naglilingkod sa kanya, kundi ang gumagawa ng kabutihan sa alagad niya. Sa gayon, parang pandaigdigang kongregasyon ng grasya ang Simbahan: umaagos ang pagpapala mula sa Diyos tungo sa lahat ng nananampalataya at sa pamamagitan nila tungo sa isa’t-isa.

Ito marahil ang dahilan kaya doktrinang Katoliko ang dasal at debosyon sa santo, simula sa Mahal na Birhen at kay San Jose, Esposo ni Maria. Sabi nga ni Hesukristo sa Ebanghelyo ng misa: “Ang tumatanggap sa propeta dahil sa propeta siya, tatanggap ng gantimpalang ukol sa propeta. At ang tumatanggap sa taong matuwid dahil sa matuwid siya, tatanggap ng gantimpalang ukol sa taong matuwid.”

- Advertisement -

Gayon din, ang tumatanggap, nagpipitagan at nananalangin sa mga banal dahil banal sila, makatatanggap ng gantimpalang ng banal.

Paano ang hindi naniniwala sa Diyos? Ayon sa mga pandaigdigang survey, walang pananalig ang kalahati ng sangkatauhan. At ang walang pananampalataya, hindi rin hihiling ng grasya.

Kaya naman narito tayong nananampalataya upang manalangin para sa di-nananalig: Liwanagan nawa sila ng Diyos gaya ng ginawa Niya sa atin. Amen.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -