26.4 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

SM scholar patuloy ang pangarap matapos mag-top sa Special Licensure exam

- Advertisement -
- Advertisement -
SM scholar alumnus na si Michael John Salonga LARAWAN MULA SA SM FOUNDATION

 

MAHIGIT 900 na Pilipino sa Middle East at Singapore ang sumailalim sa Special Professional Licensure Examination (SPLE) for Professional Teachers nito lamang April 22, 2023.

 

Isa sa mga matagumpay na nakapasa at nanguna sa ika-siyam na puwesto ay ang SM scholar alumnus na si Michael John Salonga. Bagamat halos isang dekada na ang nakalipas mula noong siya’y nagtapos ng kolehiyo, bitbit pa rin ni Salonga ang mga aral mula sa SM Foundation.

 


Ayon sa kanya, ang SM scholarship ay isa sa mga tulay na nagtawid sa kanya tungo sa iba’t ibang oportunidad, kabilang na ang kanyang tagumpay kamakailan.

 

Pagsisikap tungo sa tagumpay

 

- Advertisement -

Matapos sumakabilang buhay ang ama ni Michael, ang kanyang ina ang tumayong sandigan ng kanilang pamilya. Nagtinda ang kanyang ina ng mga meryenda upang tugunan ang mga pangangailangan sa edukasyon ni Michael. Bilang suporta, nagbigay din ng tulong-pinansyal ang kanyang kapatid at tiyuhin. Sa gitna nito, alam ni Michael na mabigat na pasanin ang gastusin sa kolehiyo, kaya’t sinubukan niyang mag-apply sa mga scholarship.

 

“Gusto kong maging iskolar upang alisin ang pasaning pinansyal ng aking ina sa pagpapaaral sa akin sa kolehiyo. Laking pasasalamat dahil ipinaalam sa amin ng aming guro noon ang tungkol sa Scholarship Program ng SM Foundation. Siya din ang nag-ayos upang kami ay sumailalim sa pagsusulit sa SM City Clark,” ayon sa kanya.

 

Matapos matanggap bilang scholar, ginamit niya ang kanyang edukasyon upang maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.

 

- Advertisement -

Sa kabila ng likas na pagmamahal sa pagtuturo at udyok ng kanyang mga guro na kumuha ng kursong edukasyon, nagtapos siya ng Bachelor of Science in Computer Systems Networking and Telecommunications noong 2014 at agad na nakakuha ng trabaho.

 

Ngunit bilang SM scholar, hangad ni Michael na pagyamanin ang kanyang kaalaman bilang isang propesyonal at indibidwal. Nagpasya siyang lumipat sa Middle East upang maghanap ng mas magandang oportunidad – isang desisyong babago sa kanyang buhay.

 

“Matapos lumipat sa Dubai, hindi inaasahang papasukin ko ang mundo ng pagtuturo. Pero dahil din dito, natuklasan ko ang pagkahilig ko sa pagbabahagi ng kaalaman sa larangan ng IT. Higit pa roon, lubhang masaya rin ang pagkakaroon ng oportunidad upang makapagbigay ng inspirasyon sa aking mga mag-aaral. Ito ang nagtulak sa akin na pasukin ang pagtuturo. at magpatuloy sa pag-aaral ng pedagohiya,” dagdag ni Michael.

 

Matapos mag-top sa SPLE for Professional Teachers – Secondary, patuloy ang dedikasyon ni Michael sa napiling propesyon upang magbigay inspirasyon sa kanyang mga estadyante at upang bigyan ng mas magaan na buhay ang kanyang pamilya.

 

“Malaki ang ginampanang papel ng SM group sa pagtulong sa akin na maabot ang aking mga pangarap. Sila ang naging tulay na nag-uugnay sa akin sa iba’t ibang oportunidad. Dahil dito, ako ay patuloy na maghahanap ng paraan upang matuto at pagbutihin ang aking sarili. Bagaman malayo na ang aking narating, malayo pa ang aking tatahakin,” sabi ni Michael.

 

“Ngayon, gusto kong pasukin ang post graduate studies. Ito ay magbibigay-daan upang palawakin pa ang aking kaalaman. Kasabay nito, ang mga oportunidad na darating sa aking buhay ay magbibigay-daan upang maibigay ko ang buhay na pangarap ko para sa aking pamilya, lalo na sa aking ina.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -