BUBUO ang Department of Health (DoH) ng National Nursing Advisory Council para mapagtuunan ng pansin ang mga suliranin ng mga nurse sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa noong Lunes, ang konseho na pamumunuan ng isang chief nursing officer, ay para kilalanin ang mga problemang kinakaharap ng nursing industry sa kasalukuyan tulad ng “brain drain” at ang mababang pasahod sa mga ito sa mga pribadong ospital.
Tutukuyin din ang mga pangangailangan ng mga nurse para huwag mahikayat ang mga ito na mangibang bansa at doon magtrabaho.
Kung noon ay kinakailangang may karanasan na ang mga nurse bago makapunta sa ibang bansa, sa ngayon ang mga ospital sa ibang bansa ay kumukuha ng mga bagong lisensyadong nurse, at doon sila sinasanay kaya humahantong sa tinatawag na “brain drain.”
Idinagdag pa ni Herbosa na kailangang magpasa ng batas ang Kongreso para lumikha ng bagong konseho ng nurse na pamumunuan ng chief nursing officer na ang posisyon na katumbas ng isang undersecretary,
Libreng review
Inihayag din ng kalihim na nag-alok ng 10,000 slots para sa mga nursing graduates ang review center na pagmamay-ari ni Dr. Carl Balita na kasalukuyang nagtatrabaho ngunit hindi pa pumapasa sa nursing board exam.
Sinabi ni Balita, isang registered nurse at midwife, na ng bayad sa nursing reviewer classes ay nasa pagitan ng P18,000 hanggang P25,000.
Ang libreng review na inaalok ng center ay para sa mga nurse na hindi kaya ang mataas na bayarin. Hindi rin umano nangangailangan ng kahit anong prerequisites ang nasabing review.
Ang sinumang interesado ay maaring bisitahin ang review center online o land-based at kumuha ng diagnostic test na mabatid ang area kung saan dapat ituon ang pagre-review.
“With this process, there would be a higher chance that the reviewer will pass the nursing board,” dagdag ni Balita na nagsabi pang ang passing rate ng kanyang review center ay nasa 80 porsiyento.
Ang libreng review ay magiging posible sa tulong ng Philippine Chamber of Commerce at suporta mula sa DoH.
Hindi krisis
Samantala, ipinaliwanag ni Professional Regulation Commission (PRC) Commissioner Jose Cueto Jr. noong Lunes, na ang kakulangan ng mga nurse ay hindi maaaring ikonsiderang krisis para masuportahan ang planong pagbibigay ng pansamantalang lisensya sa mga nursing graduate na hindi pa nakakapasa sa board examination.
Ayon kay PRC Commissioner Cueto Jr. noong Lunes, ang Medical Act of 1959 ang tanging batas na maaaring sumuporta sa plano ni Herbosa na mag-isyu ng temporary license para mapunan ang halos 4,500 nursing positions sa mga pampublikong ospital sa bansa.
“It says for medical graduates who have not yet taken or passed the physician licensure exam in times of national emergencies. It is specific that it will be the Secretary of Health, but usually issuing or granting special permits to professionals is a mandate under the Professional Regulation Commission’s authority,” ayon kay Cueto sa isang television interview.
Tinukoy pa ni Cueto na ang Covid-19 pandemic at Super Typhoon “Yolanda” sa Tacloban City noong 2013 ang puwedeng makonsiderang krisis.
Aniya pa, nagsasagawa ng pampublikong pandinig sa para amyendahan ang Medical Act of 1959 para tugunan ang mga isyu sa kasalukuyan.
Nauna rito, sinabi ng PRC na walang probisyon sa Republic Act 9173, o ang “Philippine Nursing Act,” na nagpapahintulot sa kanila o sa pamahalaan na mag-isyu ng temporary licenses sa mga nursing graduates na hindi nakapasa sa licensure examination.
Ayon naman sa Section 21 ng nasabing batas, maaaring bigyan ng special o temporary permit sa nga licensed nurses mula sa ibang bansa na kilalang espesyalista, mga foreign licensed nurses na ang serbisyo ay para sa isang medical mission, o foreign licensed nurses na nagtatrabaho sa mga paaralan bilang exchange professors.