SA paggunita ng Filipino Food Month, binigyang-pugay ni Senadora Loren Legarda ang mayamang culinary heritage ng bansa, at binigyang-diin na ito ay mahalagang bahagi ng kasaysayan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

“Dahil ang Pilipinas ay isang kapuluan, napakaraming kuwento ang naipapasa mula henerasyon sa henerasyon sa pamamagitan ng pagkain. Tuwing kakain tayo nang sama-sama, hindi lamang tayo nagpapakasaya kundi lumilikha rin tayo ng mga bagong alaala na nag-uugnay sa atin sa ating kultura,” ani Legarda.
“Dapat nating ingatan at palaganapin ang mayamang culinary heritage ng bansa dahil dito rin lumalabas ang ating pagiging makabayan at nagiging daan upang higit pang kilalanin ang galing ng mga Pilipino sa pandaigdigang larangan ng pagluluto,” dagdag pa niya.
Isinusulong ni Legarda ang ilang panukalang batas upang mapanatili ang culinary heritage ng bansa. Isa rito ang Senate Bill No. 244 o ang panukalang Philippine Culinary Heritage Act of 2022, na layong ituro sa edukasyon ang mga tradisyunal na rekado, lutuing Pilipino, at katutubong pamamaraan ng pagluluto.
Bahagi rin ng panukalang batas ang culinary mapping upang masuri at maitala ang mga natatanging pagkain mula sa iba’t ibang rehiyon at komunidad ng katutubo.
“Sa pamamagitan ng mga panukalang ito, masusuportahan natin ang lokal na mga magsasaka, mapapalakas ang food security, at maitataguyod ang sustainable tourism sa bansa,” pahayag ni Legarda.
Bukod dito, isinulong din ni Legarda ang Senate Bill No. 240 o ang panukalang Zero Food Waste Act of 2022 upang mabawasan ang lumalalang gutom at pagsasayang ng pagkain.
“Kung maisasabatas, layon nitong magkaroon ng isang National Zero Food Waste Campaign upang direktang tugunan ang problema ng gutom at pagsasayang ng pagkain sa bansa,” sabi ng four-term senator.
“Patuloy nating suportahan ang sektor ng agrikultura habang pinagyayaman ang tradisyunal na paraan ng pagluluto gamit ang heirloom recipes at lokal na rekado.”
Ang Filipino Food Month, na tinatawag ding Buwan ng Kalutong Pilipino, ay ipinagdiriwang tuwing Abril alinsunod sa Presidential Proclamation No. 469, s. 2018 upang pangalagaan, i-promote, at palaganapin ang pagkaing Pilipino bilang pambansang yaman ng kultura.
Ang tema ngayong taon ay “Sarap ng Pagkaing Pilipino, Yaman ng Ating Kasaysayan, Kultura, at Pagkatao.”