27.5 C
Manila
Miyerkules, Abril 2, 2025

Mga pahayag na laging negatibo

- Advertisement -
- Advertisement -

ALAM ba ninyo na maraming samot-saring bagay sa wikang Tagalog na hindi napapag-usapan, hindi natatalakay sa mga pangwikang klasrum, hindi naipapaliwanag sa ating mga aklat – pero interesanteng pag-usapan, talakayin at ipaliwanag? Ginamit ko ang Tagalog – hindi wikang Filipino – dahil baka hindi na kilala ng mga kabataan ang mga pahayag na ito, na lagi kong naririnig noong bata pa ako. Gagamitin ko rin sana ang mga salitang “mga kakuwanan” o “mga kuntil-butil” sa wikang Tagalog pero mas popular at gamitin ang samot-sari kaya ito na ang pinili ko.

Ang samot-sari (pansinin ang ganitong baybay, ito ang tamang anyo) ay maliliit at iba-ibang bagay; samantala, ang kakuwanan ay pangkalahatang tawag sa mga bagay na nasa dulo ng dila pero hindi pa rin masabi o hindi mabanggit sa iba-ibang kadahilanan. At ang kuntil-butil ay maliliit na bagay rin na ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino (2001) ay “detalye o kilos na hindi kailangan at nagpapabagal ng gawain.”

Maliliit na bagay nga lamang ito ay bakit pa ba natin hahalungkatin? Bahagi na lamang ng lumipas ng ating wika. Gayon man, interesante pa rin naman itong pag-usapan, at sa gayon ay baka makapulot pa rin tayo ng impormasyon tungkol sa isang bahagi ng ating lumipas.

Ang isa sa mga ito ay mga pahayag na laging negatibo. Laging negatibo dahil maririnig lamang na laging pinapangunahan ng hindi o di pero hindi kailanman ginagamit na walang mga palatandaang ito ng pagtanggi, pagsalungat o negasyon. At oo nga pala, huwag nang pagkaabalahang lagyan ng kudlit (‘) ang unahan ng di (ganito ang gamit ng iba: ‘di) – abala sa pag-encode, at isa pa, sa KWF Diksyunaryo ng Wikang Filipino ay inalis na ang kudlit, kaya may mga entri na: di angkop, di ayos, di kanais-nais, di tiyak, atbp. Pansinin din na walang gitling. Pero hindi ako sang-ayon sa KWF na ang di ay panlapi. Ang di ay hindi panlapi, ito ay pinaikling HINDI at nagpapahayag ng pagtanggi o negasyon.

Narito ang mga pahayag na laging negatibo:


  1. Di mahapayang gatang. Hindi na kilala ng mga kabataan ang mga salitang mahapayan at gatang. Mula nang lumipat ang Pilipinas sa metric system, ang bigas na dating sinusukat batay sa salop ay kinikilo na ngayon, na ang ginagamit na panukat ay timbang. Ang salop ay kuwadradong panukat ng bigas at iba pang mga butil, tulad ng mais at asin. Gawa ito sa kahoy. Pinupuno muna ito ng bigas, bago kakalusin ng nagtitinda, o gagawing flat gamit ang isang pirasong kahoy o patpat. Kaya may kasabihan na kapag sobra na ang isang bagay, dapat na itong kalusin, o bawasan. Noong bata pa ako, napapansin ko na ang salop ay laging nakahilig, hindi tuwid. Kaya pala gayon, nakakalamang ng ilang butil ang nagtitinda kapag nakahilig/nakahapay ang salop,kaysa kung tuwid. Ngunit may ilang mamimili na hindi pumapayag sa gayon. Igigiit nilang ituwid ang salop para hindi sila malamangan. Sa gayon nabuo ang pahayag na “di mahapayang gatang” na tungkol sa isang tao na hindi mauutakan. Kadalasan din, ang taong ito ay maingay at di magpapatalo sa argumento. Ang tanong na lang ay, bakit kaya hindi di mahapayang salop ang naging matalinghagang pahayag? Mas maliit kasi ang gatang, at karaniwang ito ang panukat ng isasaing ng pamilya. Ayon sa diksyunaryo ng KWF, ang isang salop ay katumbas ng walong (8) gatang.
  2. Di umano. Nangangahulugan itong “ayon sa isang hindi kilala o hindi mabanggit na pinagkunan ng impormasyon. “Allegedly” sa Ingles. Kapag hindi pa tiyak kung saan o kanino galing ang impormasyon, ginagamit ang di umano. Katumbas ito ng daw, na ginamit daw ng ilang vloggers sa kanilang mga pahayag upang makaligtas sa responsibilidad ng pagkakalat ng disimpormasyon. Ito ang lumitaw sa pagdinig sa Kamara kamakailan nang usigin ng mga kongresista ang ilang vloggers. Dati, ang di umano ay laging negatibo, laging may DI sa unahan ng umano. Pero sa ngayon, napapansin kong nauuso na ang umano na lamang na wala nang DI. “Nakita umano ang dalawang artista na magkahawak-kamay.”
  3. Di mapakali. Kapag di mapakali ang isang tao, balisang-balisa siya. Uupo, tatayo, palakad-lakad, hindi malaman ang gagawin sa matinding pag-aalala. Maaaring dahil hindi pa umuuwi ang asawa o anak gayong hatinggabi na. pero kapag dumating na ang inaalalang tao, hindi naman sinasabing “napakali na siya.”
  4. Di kawasà. Nangangahulugang napakabigat, napakalubha. Halimbawa: “Nagtiis ng di kawasang dusa ang mga biktima ng EJK noong nagdaang rehimen.”
  5. Di matingkalâ. Nangangahulugang hindi maintindihan, hindi maabot ng isip, o walang kawawaan. “Di matingkalang lungkot ang nararamdaman ng mga kaanak ng mga desaparecido.”
  6. Di mahulugang karayom. Kapag napakaraming tao ang nagkakatipon sa isang lugar, halimbawa, sa isang rally sa Luneta, ginagamit ang pahayag na ito.
  7. Di magkandaugaga. Sinasabi ito kapag napakaraming dala ng isang tao – may hawak na ang dalawang kamay, may nakasabit pa sa balikat at may nakapatong pa sa ulo. Di magkandaugaga sa dami ng dala. Pwede ring di magkandaugaga sa dami ng trabaho tulad ng mga guro sa mga publikong paaralan.

Kaugnay ng “magkanda+salitang ugat” (halimbawa, magkandarapa, totoo bang nadapa ang tao kapag sinabing “Nagkandarapa ang mga tagahanga sa pagsalubong sa hinahangaang artista.” Sa aking palagay ay hindi, hindi siya totoong nadapa. Dahil ang “magkanda-“ ay nangangahulugan lamang na “halos naganap ang sinasabi ng salitang ugat.” Ibig sabihin, halos nadapa pero hindi natuloy. May hiwatig na ng pagmamalabis (exaggeration) para lamang maging makulay ang pahayag pero iyon lang, hindi natuloy. Kaya kapag sinabing “Nagkandaihi na siya sa katatawa sa mga biro ko,” medyo nabasa lamang ang panloob pero walang pumatak. Tawa naman diyan.

Ang mga nasa itaas ay ilan lamang sa mga pahayag na laging negatibo. Sa palagay ko ay may mga iba pa, na medyo nawaglit lang sa isip ko. Kaya ko sinabing laging negatibo ang mga ito ay dahil laging may nauunang DI sa mga sallitang ito, na tanda ng pagtanggi o pagsalungat. Pero kapag nawala na ang salik na ikinababahala, halimbawa, sa di mapakali, wala namang katapat na pahayag na napakali na siya. O kapag bumait o nagbago na ang ihip ng hangin para sa isang taong ayaw na ayaw magpalamang, wala namang magsasabing “nahapayang gatang na siya.” O kaya naman ay “nahulugang karayom na ang Luneta nang magsimulang mag-uwian ang mga tao.”

Interesante ang pagsusuri sa ganitong mga pahayag, di ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -