33.5 C
Manila
Huwebes, Marso 13, 2025

Isa bang agrikulturang ekonomiya ang Pilipinas?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAMING  politiko, mamamayan at estudyante ang paulit-ulit kong naririnig na binabanggit na ang Pilipinas ay isang agrikulturang bansa. Hindi ko alam kung saan nila nakuha ang impormasyong ito ngunit ang totoo ang Pilipinas ay hindi isang agrikulturang ekonomiya.

May tatlo akong dahilan kung bakit naniniwala akong hindi isang agrikulturang ekonomiya ang Pilipinas kasama na ang ambag nito sa Kabuoang Produksiyong Panloob o Gross Domestic Product (GDP), dami ng manggagawa sa sector at ang bahagi ng sector sa halaga ng kabuoang eksports ng bansa.

Sa unang dahilan, ang ambag ng agrikultura sa ating sa ating GDP ay ang pinakamaliit. Noong 2024 ang halagang ito umabot lamang sa halos P 1.776 trilyon batay sa 2018 presyo o 9.1% ng GDP. Samantala, ang sector na may pinakamalaking ambag sa GDP ay ang sektor ng mga serbisyo na nag-ambag ng halos P6.5 trilyon na sinukat sa 2018 presyo o 63.2% ng ating GDP noong 2024. Kasama sa sector ng mga serbisyo ang wholesale and retail trade na kumakatawan sa 18.2% ng GDP at financial at insurance activities na kumakatawan sa 10.9 % ng Kabuoang Panloob na Produksiyon. Samakatuwid, ang ambag ng agrikultura ay mas maliit pa ang ambag ng wholesale and retail trade at insurance at finance activities na bahagi lamang ng sector ng mga serbisyo. Sa kabilang dako, ang mga sector industriyal  kasama na ang manufacturing ay nag-ambag ng halos PHP 3.9 trilyon na sinukat sa 2018 na kumakatawan sa 27.7% ng Gross Domestic Product ng Pilipinas noong 2024. Batay sa ulat na ito mula sa Philippine Statistical Authority, PSA, ang ekonomiya ng Pilipinas ay maituturing isang ekonomiyang nakabatay sa mga serbisyo at hindi maituturing na isang agrikulturang ekonomiya.

Ang ikalawang dahilan ay batay sa lawak at proporsiyon ng manggagawa sa agrikultura sa hukbong paggawa ng Pilipinas. Noong 2024, halos 10.1 milyong manggagawa ang nagtatrabaho sa sector ng agrikultura. Ito ay kumakatawan sa halos 20.7% ng hukbong paggawa na may trabaho noong 2024. Samantala, ang sector ng mga serbisyo ay nagbigay ng trabaho sa halos 29.8 milyong manggagawang Filipino na kumakatawan sa 61.1% ng may trabahong manggagawang Filipino. Ang mga manggagawa sa sector industriyal ay  umabot sa halos 8.9 milyon katao na kumakatawan sa 18.3% ng mga may trabahong manggagawang Filipino. Batay sa ulat na ito, ang sector ng mga serbisyo ay nakapagbigay ng pinakamaraming empleyo sa hukbong paggawa ng Pilipinas. Batay sa pamantayang ito, ang ekonomiya ng Pilipinas ay nakasentro pa rin sa mga serbisyo sa pagbibigay ng empleyo sa mga manggagawang Filipino at ang agrikultura ay pumapangalawa lamang sa pagbibigay ng empleyo sa mga manggagawang Filipino.

Ang ikatlong pamantayan ay ang proporsiyon ng sector ng agrikultura sa halaga ng ating iniluluwas ng mga produkto. Noong 2024 halos 9.1 % lamang ng halaga ng kabuoang halaga ng iniluluwas na mga produkto ng Pilipinas ay galing sector ng agrikultura. Ang proporsiyon ng halaga ng iniluluwas na saging ay 1.9% lamang sa halaga ng kabuoang iniluluwas ng bansa  samantala ang halaga ng iniluluwas na langis mula sa niyog ay 3.4% ng halaga ng kabuoang halaga ng iniluluwas ng bansa. Samantala, mahigit sa kalahati o 58.1% ng halaga ng ating iniluluwas ay mga produktong elektroniko. Samakatuwid, ayon sa pamantayang ito, napakaliit pa rin ng bahagi ng halaga ng ating iniluluwas na mga produkto ay galing sa agrikultura. Dahil dito, hindi maituturing isang agrikulturang ekonomiya ang Pilipinas dahil mahigit sa kalahati ng halaga ng iniluluwas ng bansa ay galing manufacturing na bahagi ng sector industriyal ng bansa.


Kung ang Pilipinas ay hindi isang agrikultura ekonomiya, bakit pinagtutuunang pansin ang sector na ito ng mga opisyal sa pamahalaan. Una, ang sector ng agrikutlura ay pinamamahayan ng napakaraming maralitang Filipino dahil sa mababang produktibidad ng mga manggagawa rito. Batay sa impormasyon sa ambag ng mga sector sa GDP at bilang ng manggagawa sa bawat sector, ang agrikultura ay may average na produktibidad na umabot lamang P 175,842 bawat tao sa loob ng isang taon o halos P 14,653 bawat buwan. Samantala, ang serbisyo ay umabot ito sa halagang P 218,120 bawat tao. Higit na malaki ang produktibidad sa industriya na umabot sa halagang P 438,202 bawat tao o P 36,516 bawat buwan. Batay sa impormasyong ito maraming maralitang mamamayan sa agrikultura dahil mababa ang produktibidad ng mga manggagawa sa sector na ito. Ang pagpapaunlad sa agrikultura ay magpapataas sa produktibidad ng mga manggagawa sa sector na magpapataas sa kita ng mga manggagawa at makatutulong sa pagtugon sa problema ng karalitan.

Ikalawang dahilan ay ang agrikutlura ay prodyuser ng pagkaing butil sa ating bansa. Malaking bahagi ng ating pagkaing butil, bigas at mais, ay inaangkat pa rin natin. Sa pagpapaunlad ng ating agrikultura mababawasan ang pagiging palaasa ng bansa sa inaangkat na pagkaing butil.

Ang pagbibigay diin sa agrikultura ay hindi dahil ang Pilipinas ay isang agrikulturang ekonomiya ngunit dahil maraming maralitang Filipinong nananahan doon at ang sector ang nagproprodyus ng pagkaing butil na kinakailangan natin araw araw.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -