26.4 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

‘Pagtawag na diktador ni Biden kay Xi, iresponsable’

- Advertisement -
- Advertisement -

UMALMA ang China at sinabing walang katotohanan at iresponsable ang ginawang pagtukoy ni U.S. President Joe Biden kay Chinese President Xi Jinping bilang diktador sa isang fundraising event sa California noong Martes.

 

Ang naturang pahayag ay hindi umano karapat-dapat at maaaring makasira sa pagsusumikap ng dalawang panig na mapababa ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

 

Nagbigay ng komento si Biden isang araw lamang matapos bumisita sa Beijing si U.S. Secretary of State na si Antony Blinken upang patatagin ang mga relasyon na sinasabi ng China na nasa pinakamababang antas nito mula nang maitatag ang mga pormal na ugnayan.


 

Sa pagdalo sa isang fundraiser sa California, sinabi ni Biden na labis na napahiya si Xi nang ang isang pinaghihinalaang Chinese spy balloon ay napadpad sa U.S. airspace noong unang bahagi ng taong ito. Sinabi naman ni Blinken noong Lunes na dapat nang isara ang naturang kabanata.

 

Ayon kay Biden, nagalit si Jinping dahil hindi nito alam na may spy equipment sa spy balloon. “That’s a great embarrassment for dictators. When they didn’t know what happened. That wasn’t supposed to be going where it was. It was blown off course,” dagdag niya.

- Advertisement -

 

Sinabi naman ng tagapagsalita ng foreign ministry ng China na si Mao Ning na ang mga komento ni Biden ay walang katotohanan at seryosong lumabag sa diplomatikong protocol at dignidad sa pulitika ng China.

 

“They’re an open political provocation,” anito sa isang news conference.

 

Nang tanungin kung gaano kabatid si Xi ang tungkol sa mga galaw ng balloon, inulit ni Mao ang nakaraang paliwanag ng China na ang pagpadpad ng balloon sa airspace ng U.S. ay hindi sinasadya at sanhi ng mga pangyayaring hindi nila kontrolado.

- Advertisement -

 

Ang pagdalaw ni Blinken sa China ay naglalayong mabawasan ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.

 

Bagama’t walang magandang nangyari sa unang pagbisita ng isang U.S. secretary of state sa loob ng limang taon, nagkasundo ang dalawang panig na ipagpatuloy ang diplomatic engagements sa pamamagitan ng maraming pagbisita ng mga opisyal ng Amerika sa mga darating na linggo at buwan.

 

Sinabi pa ni Biden noong Martes na ang US climate envoy na si John Kerry ay maaaring magtungo sa China sa lalong madaling panahon.

 

Noong Lunes, sinabi ni Biden na naisip niya na ang mga relasyon sa pagitan ng China at Amerika ay nasa tamang landas, at ipinahiwatig niya na ang pagbuti ay nagawa sa pagbisita ni Blinken sa China.

 

Sinabi naman ni Kremlin spokesman Dmitry Peskov na ang mga komento ni Biden ay kontra sa pagsisikap ni Blinken na pahupain ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa at tinukoy ang mga pahayag na “incomprehensible”.

 

Si Xi ang naging pinakamakapangyarihang lider ng China pagkatapos ni Mao Zedong nang makakuha ng ikatatlong termino bilang pangulo noong Marso at pinuno ng Communist Party noong Oktubre.

 

Pinamunuan niya ang isang one-party system na tinatawag ng maraming grupo ng karapatang pantao, pinuno mula sa Kanluran at akademya na diktadura dahil wala itong independiyenteng hudikatura, libreng media, o unibersal na pagboto para sa pambansang posisyon.

 

Ang mga kritiko ni Xi at ng kanyang partido ay nase-censor online at nanganganib na makulong.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -