TINALAKAY ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Human Resource Development Corporation (HRD Corp) ng Malaysian Human Resources Ministry ang mga aspeto na maaari silang magtulungan para sa pakinabangan ng mga manggagawang Pilipino.

Sa pagbisita sa DOLE noong Pebrero 12, tinalakay nina HRD Corp Chief Strategy Officer Dr. Rony Ambrose Gobilee, Malaysian Embassy in the Philippines Deputy Chief of Mission Norjufri Nizar Edrus at International Business Unit Executive Muhammad Haziq Adil bin Abd Wahid ang gaganaping Asean Year of Skills (AYOS) 2025 na pangungunahan ng Malaysia, sa pakikipagtulungan ng International Labour Organization. Nilalayon nitong punan ang mga kakulangan sa kasanayan, itaguyod ang patas na oportunidad sa trabaho, at palakasin ang ugnayan ng mga bansang Asean.
Ipinahayag ni Assistant Secretary Amuerfina Reyes, bilang kinatawan ng DOLE, ang buong suporta ng Kagawaran sa AYOS 2025 sa pamamagitan ng pagtatalaga kina Assistant Secretary Paul Vincent Añover bilang Philippine ambassador at Bureau of Local Employment Director Patrick Patriwirawan Jr., bilang national coordinator ng kaganapan.
“Nais kong ipahayag, sa ngalan ng ating Kalihim, ang aming buong suporta sa pamumuno at pangangasiwa ng Malaysia sa gaganaping Asean Year of Skills 2025, gayundin sa lahat ng mga hakbangin na naglalayong itaas ang kasanayan ng mga manggagawa na nakatuon sa pag-unlad ng ating rehiyon. Kinikilala din natin ang papel ng ating HRD Corporation sa pag-unlad ng lakas-manggagawa,” pahayag ni Assistant Secretary Reyes.
Mga aspeto ng posibleng kolaborasyon
Tinalakay sa pulong ang mga posibleng kolaborasyon para sa gaganaping National Training Week (NTW) sa Hunyo 2025, at National Human Capital Conference and Exhibition (NHCCE) sa Oktubre 2025 ng Malaysia. Nakatuon ang malalaking kaganapang ito sa pagtataas ng antas ng kasanayan ng mga manggagawa, talent mobility, at mas malakas na kooperasyon ng Asean upang matiyak ang pagiging “competitive” ng mga manggagawang Asean sa merkado ng paggawa.
Ang NTW ay isang taunang kaganapan sa buong bansa na ang pondo ay nanggagaling sa ‘levy system’ ng Malaysia na nagbibigay ng libreng pagsasanay sa iba’t ibang larangan upang maitaas ang kasanayan ng mga manggagawa. Samantala, sa taong ito, tatalakayin sa NHCCE ang mga patuloy na hamon sa pag-unlad ng lakas-paggawa at ang mga patuloy na pagbabago sa pangangailangan sa industriya.
Binanggit din ng DOLE ang mga posibleng aspeto ng pagtutulungan, tulad ng capacity-building at exchange program initiatives, technical at vocational education and training, digital skills training, at technology-driven upskilling programs.
Dumalo rin sa courtesy call sina DOLE – Human Resource and Development Service Director Brenalyn Peji at Bureau of Local Employment Senior Labor and Employment Officer Wilmer Karlo Pasague.
Pinapalakas ng pagbisita ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia sa pagpapabuti ng mga inisyatiba sa paggawa at trabaho na magbibigay sa mga manggagawang Pilipino ng mas mahusay na pagsasanay, paglago ng karera, at mas maraming oportunidad sa trabaho sa nagbabagong merkado ng paggawa, na makakatulong sa pag-unlad ng Asean region.