31.8 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 20, 2024

PhilHealth, LGUs, magkatuwang para sa health care networks

- Advertisement -
- Advertisement -

NAKIPAGKASUNDO ang Philippine Health Insurance Corp. o PhilHealth sa limang local government units at dalawang pribadong kumpanya para sa pagtatayo ng primary health care networks sa ilalim ng Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta primary health care package.

 

Sa isang media briefing nitong Lunes sa punong tanggapan ng Philhealth sa Pasig City, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang paglagda sa kasunduan ay isang “game changer” sa Universal Health Care Act, na kumikilala sa primary health care bilang bahagi ng health care delivery system sa bansa.

 

Ang pangangalaga at mga pangunahing serbisyong pangkalusugan, kasama ang isang mas malawak na network ng mga ospital at iba pang mga pasilidad, ay isang mahalagang elemento na kailangan para maisakatuparan ang Universal Health Care.  “Dapat ramdam ng bawat Pilipino ang UHC (Universal Health Care Law),” ayon pa sa kalihim.


 

Sinabi pa ni Herbosa na titiyakin nilang sa bawat Pilipino ay may isang primary care doctor na inaasistihan ng health care workers na mangangalaga sa kanilang pangangailangang medikal. Kinakailangan din na magkakaugnay ang mga doktor at mga klinika.

 

Ang mga local government units na lumagda sa paunang programa ay ang mga lalawigan ng Bataan, Guimaras, Quezon, South Cotabato at Lungsod ng Baguio, gayundin ang mga pribadong health care provider na Qualimed at LabX Corp.

- Advertisement -

 

Nauna rito, pinalawak ang sakop ng Konsulta Package at isinama ang targeted health risk screening at assessment, initial at follow-up consultations, piling laboratory tests, mga gamot at medisina na kailangan ng pasyente na inireseta ng manggagamot.

 

Kasama sa laboratory at diagnostic examinations sa ilalim ng pakete ang complete blood count with platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fecal occult blood, Pap smear, lipid profile, fasting blood sugar, oral glucose tolerance test, electrocardiogram, creatinine at HbA1c.

 

Gayundin ang 21 gamot at medisina tulad ng anti-microbial, anti-asthma, antipyretics, anti-dyslipidemia, anti-diabetic, at anti-hypertensive medicines, kabilang ang fluids and electrolytes, anti-thrombotic, at anti-histamines.

- Advertisement -

 

 Ang bagong kasunduan ay magbibigay-daan sa mga advanced na pagbabayad o frontloading ng mga pondo bago pa man maibigay ang mga serbisyong medikal, tinatawag na close-ended prepaid capitation. Gayundin ang pagbabayad sa mga network ng mga doktor at klinika sa halip na mga indibidwal na klinika tulad ng regular na benepisyo ng Konsulta.

 

Sinabi ni Philhealth Senior Vice President Renato Limsiaco na aabot sa P8 bilyon ang ilalaan ng PhilHealth para sa Konsulta package upang mapadali ang pagpapatupad ng mga pangunahing serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan. 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -