31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Mangolekta ng buwis, magbayad ng buwis

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

Bakit kailangan ng buwis sa ating ekonomiya? Bakit kailangang magbayad ng mga tao ng buwis sa kanilang pamahalaan? Bakit kailangang paghusayin ang pangongolekta ng buwis?

Ang buwis ay ang dugong nagbibigay-lakas sa ekonomiya. Ito ay ginagamit upang tustusan ang mga mahahalagang gastusin ng pamahalaan. May mga tinatawag na “public goods” na pamahalaan lang ang maaaring gumastos.

Ang pinakamahalagang “public good” ay ang imprastruktura. Dito nanggagaling ang lakas upang mapalago ang negosyo at isulong ang pag-unlad. Sa Asean, mula 1972 hanggang 2022, ang Pilipinas ay isa sa bansang may pinakamababang ginugugol sa imprastruktura. Ang gastusing imprastruktura ay nag-average lang ng 3.1 percent ng GDP (Gross Domestic Product). Ito ay mababa kung ikumpara sa Vietnam na may 6.8 percent, Indonesia, na may 5.8 percent, Malaysia na may 5.6 percent,  Thailand na may 4.3 percent at Singapore na may 4 percent ng GDP. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay naiwan ng Asean sa paligsahan ng paglago ng ekonomiya.

Ang magandang imprastruktura ang dahilan ng paglago ng investments sa isang bansa. Base sa estadistika, pag gumasta ang gobyerno ng Pilipinas ng porsyento ng GDP sa imprastruktura, lalago ang kapital (investment) ng 3.87x sa  halaga ng orihinal na kapital na ginugol sa imprastruktura sa susunod na anim na taon. Ang investment ang lumilikha ng produksyon at mga trabaho para sa tao.

Ang mababang gastusin sa imprastructura ang dahilan kung bakit tayo ang may pinakamababang nahihikayat na mamuhunan sa ating bansa. Ayaw ng mga mamumuhunan na mag-invest sa isang bansang sira-sira ang daan at matrapik, na matagal at mahirap dalhin ang mga kalakal sa airport o seaport. Ayaw nilang mag-invest sa isang bansa na palaging may brownout, kung kailan madalas tumitigil ang produksyon.


Ngunit mukhang may liwanag na naghihintay para sa Pilipinas. Tumataas na ang gastusin sa imprastruktura.  Mula sa average na 2 percent ng GDP noong mga taong 1970 hanggang 2005, tumaas ang gastusin ng imprastruktura sa 5.4 percent ng GDP noong 2017-2022.

Ito ang dahilan kung bakit tumaas ang kapital na dumaloy sa ekonomiya sa 30 percent ng GDP noong 2019. Ito rin ang dahilan kung bakit lumakas ang pagpasok ng foreign direct investment (FDI) sa bansa hanggang umabot sa US$9.5 bilyon bawat taon sa 2017-2022, ayon sa Bangko Sentral.

Kailangang mangolekta at magbayad ng buwis nang mahusay at masinsin para tuloy-tuloy and pag-unlad ng kalakal at paglikha ng trabaho.

Si Gil S. Beltran ay kasalukuyang pangulo ng Philippine Tax Academy.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -