26.1 C
Manila
Miyerkules, Pebrero 12, 2025

Gatchalian: Pagsasabatas ng Konektadong Pinoy magtutulay sa digital divide

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukalang Konektadong Pinoy ay inaasahang magpapabilis sa pag-unlad ng digital infrastructure sa kanayunan at magtutulay ng tinatawag na digital divide para sa mga Pilipinong naninirahan sa malalayong lugar.

“Maraming Pilipino ang patuloy na naninirahan sa mga komunidad na walang matatag at abot-kayang koneksyon sa internet, na humahadlang sa kanila para gumamit ng teknolohiya na magpapagaan ng araw-araw nilang pamumuhay. Kapag naaprubahan na ang panukalang Konektadong Pinoy, ang mga komunidad na ito ay mas aktibong makakalahok sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa,” sabi ni Gatchalian matapos aprubahan ng Senado ang panukala. Ang mambabatas ay isa sa mga may-akda ng panukala.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang pagsasabatas ng panukala ay magbibigay-daan sa pamahalaan na mapabilis ang layunin nitong magbigay ng internet access sa lahat. Bukod sa pagsuporta sa mga negosyong micro, small, at medium-sized, ang malakas na internet connection ay kapaki-pakinabang din sa mga larangan ng edukasyon, research and development, financial management, at iba pa.

Kapag naisabatas na, mawawala na ang mga ‘barriers’ o hadlang sa pagpasok ng mga bago at independent players upang isulong ang pagtatayo at pagbuo ng maaasahan, abot-kaya, bukas, at accessible na data network.

Inaasahan din na ang panukala ay maghihikayat ng mas maraming pamumuhunan sa digital infrastructure na mapapakinabangan ng mga malalayong lugar sa bansa.

Ayon sa isang ulat ng World Bank noong 2024, ang internet connectivity ng Pilipinas ay ang pinakamahal sa Southeast Asia at mas mabagal kumpara sa Singapore, Thailand, Malaysia, Vietnam, at Brunei.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -