NAGTULUNGAN ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Jobstreet Philippines upang maghatid ng higit sa 8,000 trabaho at iba pang oportunidad sa pag-unlad ng karera ng mga naghahanap ng trabaho sa ginanap na Career Con 2025 – ang pinakamalaking career event sa Pilipinas.
Sa pangunguna ng Jobstreet Philippines, nagtipon sa dalawang araw na kaganapan sa SMX Convention Center sa Pasay na nagsimula noong Enero 28, ang mahigit 150 employer mula sa mga malalaking negosyo na nag-alok ng bakanteng trabaho para sa entry level hanggang senior roles sa hindi bababa sa 18,000 aplikante na nagparehistro.
Bukod sa pag-uugnay ng mga manggagawa at employer sa job fair, nagkaroon din ng mga talakayan upang bigyan ang mga naghahanap ng trabaho ng mahahalaga at napapanahong impormasyon ukol sa trabaho at career development.
Naglagay din ng one-stop-shop ng mga serbisyo ng pamahalaan mula sa PhilHealth, Social Security System, National Bureau of Investigation; resume clinic; resume ID photo booth; at on-the-spot hiring at interview. Nagsagawa din ng SEEK Summit, o isang upskilling masterclass para sa middle management at business-to-business (B2B) networking.
“Binibigyang-diin ng kaganapang ngayon ang aming pinagsamang pangako na iugnay ang mga manggagawang Pilipino sa mga makabuluhang oportunidad sa trabaho. Malinaw na ipinapakita ng tema ngayon, ‘The Future of Work in The Philippines,’ ang pangangailangan na patuloy tayong umangkop sa mabilis na pagbabago ng mundo ng paggawa na hinuhubog ng teknolohiya, globalisasyon, pagbabago ng klima, at ang mga nagbabagong pangangailangan ng mga manggagawa,” pahayag ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma sa kanyang mensahe.
Pinasalamatan ni Secretary Laguesma ang Jobstreet sa patuloy nitong pakikipagtulungan sa pag-oorganisa ng mga job fair, pagbabahagi ng mahahalagang impormasyon sa merkado sa paggawa, at sa pagtataguyod ng iba’t ibang serbisyo sa pangangasiwa ng trabaho.
“Ang mga pagsisikap na ito ay hindi lamang nakatulong sa mga hindi na mabilang na Pilipinong nakahanap ng trabaho, naging gabay din ito sa mga employer na makahanap ng kwalipikado at may kasanayang indibidwal na nagbibigay ng malaking ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa,” dagdag ng Kalihim.
Sa pagpapatigil kamakailan ng operasyon ng Internet Gaming Licensee (IGL), kung saan libo-libong manggagawa ang nawalan ng trabaho, muling ipinahayag ni Secretary Laguesma ang pangako ng DOLE na higit pa nitong palalakasin ang pagsusumikap na matulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho.
DOLE-Jobstreet partnership
Upang gawing pormal ang pinalakas na pagtutulungan sa pagitan ng DOLE at Jobstreet, lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) sina Secretary Laguesma, Undersecretary Carmela Torres, JobStreet Philippines Managing Director April Dannah Majarocon, at Jobstreet Philippines Operations Director Aki Sumulong.
Layunin ng MOA na magkaroon ng magkatuwang na promosyon ng mga oportunidad sa trabaho at pag-unlad ng merkado sa paggawa na sumasailalim sa mga umiiral na batas-paggawa. Saklaw din nito ang pagbabahagi ng impormasyon sa merkado ng paggawa, pagsasaayos ng proseso ng pag-rehistro sa job fair, paggamit ng digital tool sa pangangalap ng datos at pagsusuri ng mga impormasyon na may kaugnayan sa trabaho, at pagbibigay-suporta ng JobStreet sa mga programa ng DOLE para sa pagtatrabaho ng kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga eksperto para sa career development support seminar.
Sinaksihan nina Bureau of Local Employment Director Patrick Patriwirawan Jr., DOLE National Capital Region (NCR) Director Sarah Buena Mirasol, DOLE NCR Assistant Regional Director Jude Thomas Trayvilla, IT and Business Process Association of the Philippines Executive Director Frankie Antolin, at Lead for Jobs Opportunities Building Skills (JOBS) Edwin Lacierda ang paglagda sa kasunduan.
Bukod sa Jobstreet, binigyang-pagkilala rin ng DOLE Secretary ang mahalagang papel ng mga employer at iba pang private sector partner na naging bahagi sa pagtulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang kaalaman ukol sa market trends. Ang mahalagang impormasyon ay makakatulong sa pagtukoy ng mga kasanayan at kakayahan na higit na kakailanganin ng mga manggagawa sa mga darating na taon.
“Huwag nating kalimutan na ang ating hinahangad na isang handa at globally competitive na lakas-paggawa ay nakabatay sa bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang Bagong Pilipinas na inklusibo, progresibo, at matatag. Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng ating mga pagsisikap, matitiyak natin na ang mga Pilipino, sa bawat antas ng pamumuhay, ay mabibigyan ng disenteng trabaho, patas na sahod, panlipunang proteksyon, at oportunidad para sa kanilang propesyonal na pag-unlad,” wika niya.