MULA sa pinakamalalim na bahagi ng karagatan hanggang sa pinakamalayong sulok ng kalangitan, napakalaki ng naiaambag ng mga siyentipikong Pilipino sa kolektibong kaalaman ng sangkatauhan. Ang kanilang mga pagsisikap ay hindi nakakaligtaan, dahil kamakailan lamang ay nagdulot ng papuri sa loob at labas ng bansa ang gawa ng mga mananaliksik ng University of the Philippines – Diliman College of Science (UPD-CS).
Kamakailan lamang, kinilala ng Philippine National Academy of Science and Technology-Philippines (NAST) ang anim na kasapi ng UPD-CS: dalawa bilang Akademiko ng NAST; dalawa bilang Outstanding Young Scientist (OYS); at isa bilang pangunahing parangal sa 2023 NAST Talent Search for Young Scientists (NTSYS). Samantala, apat na karagdagang mananaliksik ng UPD-CS ay binigyang pugay sa pinakabagong edisyon ng prestihiyosong Asian Scientist 100.
Mga bagong Akademiko ng NAST
Ang NAST ang pinakamataas na organisasyong tagapayo at tagapagkilala sa larangan ng agham sa Pilipinas; ang mga kasapi nito ay eksklusibong pinipili ng mga miyembro ng NAST mismo at binibigyan ng titulong “Akademiko.” Kamakailan, sina Gil Jacinto, PhD, ng UPD-CS Marine Science Institute (UPD-CS MSI) at Maria Corazon de Ungria, PhD, ng UPD-CS Natural Sciences Research Institute (UPD-CS NSRI), ay pinangalanan bilang mga Akademiko para sa kanilang pag-aaral sa marine chemistry at forensic DNA technology.
Kabilang sa mga research interest ni Jacinto ang pagtukoy sa mga sustansya at trace elements sa mga tropikal na karagatan; chemistry ng polusyon sa karagatan; pagkalason ng tubig sa ilalim ng lupa, hypoxia, at chemistry ng karbonato sa seawater. Siya ang naging direktor ng MSI mula 2000 hanggang 2006 at nagtatag ng Marine Chemistry and Pollution Laboratory sa MSI, ang unang laboratuwariong pang-oceanograpiyang kemistriya sa Pilipinas.
Samantala, si De Ungria ay kilala sa kanyang pag-aaral sa genetics ng populasyon ng tao at para sa forensic DNA technology, parehong mahalagang kasangkapan para sa pagkakakilanlan ng tao sa mga imbestigasyon ng kriminalidad, pagkakakilanlan ng mga biktima ng kalamidad, at paglutas ng mga alitan sa pagiging magulang.
Nagbigay si Dr. De Ungria ng tulong teknikal sa pagbuo ng Supreme Court Rule on DNA evidence, na naaprubahan noong 2007 at mula noon ay ginagamit ng hudikatura sa buong bansa sa mga kaso ng pang-aabusong sekswal. Sa kasalukuyan, siya ang direktor ng Program on Biodiversity, Ethnicity, and Forensics sa Philippine Genome Center at sabay na namumuno sa DNA Laboratory ng NSRI.
Natatanging batang siyentista
Ang parangal na OYS ng NAST ay ibinibigay taun-taon sa mga siyentistang Pilipino na may edad na 41 pababa na nagkaroon ng malaking ambag sa agham at teknolohiya at nailathala sa mga respetadong mga pahayagan ng agham.
Kinilala bilang mga OYS ngayong taon sina Jillian Aira Gabo-Ratio, DEng, ng UPD-CS National Institute of Geological Sciences (UPD-CS NIGS), at Reinabelle Reyes, PhD, ng UPD-CS National Institute of Physics (UPD-CS NIP) sa larangan ng earth resources engineering at astrophysics, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Si Gabo-Ratio ay isang associate professor sa NIGS at officer-in-charge-deputy director para sa academic affairs ng institusyon. Ang kanyang mga research interest ay sa larangan ng economic geology, gneous at sedimentary chemistry, geophysics, at tectonics. Siya ang topnotcher sa 2006 Geology Licensure Examination at tumanggap ng UP Alumni of Michigan Centennial Professorial Chair (2021), One UP Faculty Grant (2019-2021), UPD Centennial Faculty Grant (2017-2021), at UP System International Publication Award (2017-2022).
Si Reyes, isang associate professor sa NIP, ay nagbigay ng malaking karangalan sa bansa noong 2010 dahil sa kanyang pagsasaliksik na pinamagatang “Confirmation of General Relativity on Large Scales from Weak Lensing and Galaxy Velocities” na nagpatunay sa teorya ni Albert Einstein, na nailathala sa tanyag na journal na Nature. Noong 2020, itinatag niya ang NIP Data and Computation Research Group, na nakatuon sa data-driven astrophysics at computational physics.
Mga nagwagi NTSYS
Si Cosme, isang associate professor sa NIP, ay isa ring theoretical physicist na espesyalista sa condensed matter. Ang kanyang papel na “Observation of a Continuous Time Crystal” ang nagwagi ng pangunahing parangal sa taunang NTSYS ngayong taon. Siya rin ang namuno sa isang pag-aaral tungkol sa dark matter, na lumabas sa journal na Nature Materials sa ilalim ng titulong “Condensate Formation in a Dark State of a Driven Atom-Cavity System.”
Binigyan din ng espesyal na pagkilala si Charlon Ligson, MS in Marine Science mula sa MSI, para sa kanyang pag-aaral na “Survival and sexual maturity of sexually propagated Acropora verweyi corals four years after outplantation.”
Asian Scientist 100
Samantala, kamakailan din ay inilabas muli ng Asian Scientist Magazine ng Singapore ang pinakabagong edisyon ng kanilang taunang listahan ng “Asian Scientist 100” na nagpaparangal sa mga pinakamahusay mananaliksik sa rehiyon, na tinatawag nila na “Asia’s science superstars.” Sa listahan para sa 2023 ay may apat na siyentista mula sa UPD-CS: si Pia Bagamasbad, PhD, mula sa UPD-CS National Institute for Molecular Biology and Biotechnology (UPD-CS NIMBB); si Aletta Yñiguez, PhD, ng UPD-CS MSI; at sina Allan Gil Fernando, PhD, at Mario Juan Aurelio, PhD, parehong taga-UPD-CS NIGS.
Noong 2022, sina Bagamasbad at Yñiguez ay parehong tinanghal bilang Philippine Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) awardees: si Bagamasbad para sa kanyang pamumuno sa RT-PCR training program para sa pagtukoy ng SARS-CoV-2 bilang suporta sa pagsugpo ng Covid-19 sa bansa, at si Yñiguez para sa kanyang paglikha at pagsusulong ng mga mapagkukunan ng pangingisda na may katatagan sa mga lokal na komunidad. Noong taon ding yon, iginawad kay Fernando ang National Research Council of the Philippines’ Achievement Award bilang pagkilala sa kanyang mga ambag sa larangan ng earth at space science. Si Aurelio naman ay kinilala sa larangan ng structural geology at geodynamics education kaya siya ginawaran ng 2022 Gregorio Y. Zara Award for Basic Research mula sa Philippine Association for the Advancement of Science and Technology (PhilAAST).