Lahat ay tiyak na nagulat nang i-post ni Niana Guerrero noong Linggo ang bago nitong sayaw kasama ang hit singer-songwriter na si Troye Sivan.
Ayon sa Tiktok caption ni Niana, “just bumped into @Troye Sivan and had to jam out to his new fire song Rush!!” Ang naturang video ay mayroon nang halos 3-milyong views at may like na lampas kalahating milyon.
Hindi rin nakalampas sa panunukso si Niana nang ilan sa mga fan nito ay nag-comment na masuwerte si Troye at may collaboration ito sa isang social media star. Sinagot naman ito ni Niana na, “AHAHAH BALIKTAD?!.”
Kaliwa’t kanan na nga ang promo series ni Troye sa kanyang bagong single na “Rush,” na kanyang pino-post sa Instagram at Tiktok account. Gayunpaman, nabanggit ng mang-aawit na hindi nito intensyon na paghintayin ang kanyang mga fans ng limang taon para lamang masundan ang “Bloom,” pangalawang album ng singer na lumabas noong 2018.
“Enough excuses now. Enough saying ‘soon’ this is for YOU and it starts NOWWWW,” pahayag ni Troye sa IG na umaming sinimulan nyang trabahuhin ang bagong album bago pa man dumating ang Covid-19 noong 2020.
Sadyang magkaiba ang mundo ng dalawa dahil nakilala si Niana sa mga dance clips nya sa TikTok, kasama ng kanyang mga kapatid na si Natalia at kuya nitong si Ranz Kyle. Pinarangalan din siya bilang Global TikTok Originator noong 2022.
Samantala, si Troye naman ay dati nang nakilala bilang isang sikat na Youtuber at naglabas ng unang EP nitong “TRXYE” noong 2014 sa ilalim ng label nitong EMI. Sumikat din ang ilan sa mga single niya gaya ng “Strawberries & Cigarettes,” “Easy,” at “Angel Baby.”