MAHIHINUHA sa mga obra ni LT ang kanyang pangarap na maging isang military equipment engineer. Mula sa makukulay na luwad ay nakakagawa siya ng mga baril at mga sasakyang pandigma.
SINING ang nagbibigay liwanag sa pangarap ng isang batang minsan nang sinubok ng hamon sa buhay.
Musmos pa lamang si LT (hindi niya tunay na pangalan) ay nakahiligan na niya ang pagbuo ng iba’t-ibang mga obra mula sa luwad.
Pinipitpit, binibilog at hinuhubog ng malikhaing kamay niya ang mga makukulay na luwad upang mabuo ang mga detalyado at maliliit na mga sasakyang pandigma at mga baril.
Sa murang edad ay nahuhulma na niya ang napakagandang pangarap mula sa sining. Kalakip ng kanyang mga obra ay pangarap niya na maging isang military equipment engineer upang tulungan ang bansa na makadisenyo ng mga kagamitang militar.
Kagaya ng kanyang mga obra, hinulma ng matinding karanasan si LT.
Si LT ay isa sa mga kabataang minsan nang nagkamali ngunit nabigyan ng pagkakataon upang magbagong buhay. Kasama siya sa mga batang inaruga at binigyang pangarap ng Bahay Pag-asa sa lungsod ng Baguio.
Malaking tulong para kay LT ang pagpasok niya sa bahay Pag-asa.
“Itong Bahay Pag-asa na ito, hindi ko talaga makakalimutan dahil binigyan niya ako ng pangalawang pagkakataon upang maituwid ko ang pagkakamali ko.”
Dagdag pa niya ay naging susi ito para mas mapalawig pa niya ang kanyang kaalaman sa sining.
“Nagpapasalamat ako dahil tinulungan nila ako, tinulungan nila ako na baguhin ang sarili ko, dagdagan pa nila ang aking kaalaman at dito ko rin naimprove ang mga artwork ko,” ani LT.
At sa kanyang natatanging kuwento ay nais niyang ibahagi sa mga kapwa niya kabataan na harapin ang mga hamon sa buhay.
“Lahat man tayo ay nakakagawa ng kasalanan, sinadya man natin o hindi, dapat kailangan nating harapin ito, kung ano man ang consequences ng ginawa mo, kailangan mong tanggapin, at kung nagkamali ka man, huwag kang bibigay, may second chance para baguhin ang sarili mo, ituwid mo ang pagkakamali mo,” saad niya.
Paalala niya sa mga kapwa artist na pag-igihan ang kanilang mga obra dahil balang araw ay makakatulong ito sa kanila.
“Kung meron man kayong mga talento, mas maigi na ginagawa niyo yan, iniimprove niyo pa, kung saan kayo masaya at malay niyo, habang ginawa niyo yang mga artworks ninyo kung ano man ang mga talento ay may makakadiskubre sa inyo, malay niyo isang araw, ‘yun ang magpapa-angat sa inyo,” aniya. (JDP/CVBT-PIA CAR)