32.5 C
Manila
Sabado, Pebrero 22, 2025

Chinese Coast Guard ayaw ng gulo pero hindi pa umaalis sa EEZ ng Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

TALIWAS sa pahayag ng Chinese Coast Guard (CCG) na nais nitong pababain ang tensyon, hindi naman ito umaalis sa karagatang nasasakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Ang handout aerial photo na nakunan nitong Enero 13. 2025 at inilabas ng Philippine Coast Guard nitong Enero 14 ay nagpapakita ng barko ng Chinese Coast Guard 5901 na naglalayag sa South China Sea. (Larawan mula sa Handout/Philippine Coast Guard/AFP

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Jay Tarriela nitong Enero 17, nagradyo ang CCG, sinasabing nais nitong pababain ang tensyon ngunit hindi ito umalis sa pagpapatrolya sa karagatang malapit sa Zambales.

Paglabag ito sa Philippine Maritime Zones Act, sa United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) at sa 2016 Arbitral Award, ayon kay Tarriela.

“Tracking data for the entire day has shown that the movements of the China Coast Guard vessel are inconsistent with the principles established under Unclos. Freedom of navigation requires continuous and expeditious passage, and it is essential to note that this freedom does not permit illegal patrols by foreign vessels within the EEZ of another state,” ani Tarriela.

Ayon sa Unclos, sa freedom of navigation, maaaring dumaan ang mga dayuhang barko sa EEZ ng isang bansa ngunit kinakailangang tuluy-tuloy at mabilis ang paglalayag nito hanggang sa makalampas sa teritoryo.


Subalit, ipinakikita ng dambuhalang barko ng CCG na wala itong balak magmadali. Sa halip, nasa ikalawang linggo na ito sa EEZ ng Pilipinas simula ng mamataan ito noong Enero 4, 2025 sa Scarborough Shoal, isa sa mga pinag-aagawang teritoryo ng Pilipinas at China.

Patuloy na niraradyuhan ng PCG ang mga tauhan ng CCG sa tinaguriang “monster ship” nito upang umalis na sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Subalit, sinagot pa ito ng mga Tsinong coast guard na nasa teritoryo sila ng People’s Republic of China.

Pinakamalaking barko ng coast guard sa buong mundo ang tinaguriang “The Monster” ng CCG dahil sa haba nitong 165 metro at timbang na 12000 gross tons.

- Advertisement -

Halos limang beses ang laki nito sa pinakamalaking  barko ng PCG.

Bukod sa BRP Cabra ng PCG, dalawang sasakyang panghimpapawid din ang kasama nitong nagmamatyag sa barko ng CCG.

Maliban sa PCG, nakatuon din sa sitwasyon ang Northern Luzon Command at iba pang asset mula sa Area Task Force North at National Task Force West Philippine Sea.

Medyo uminit ang sitwasyon nang paliparin nag Islander aircraft ng BRP Cabra para imonitor ang galaw ng CCG  sa unang linggo nang mamataan ito.

Nagpalipad naman ng helicopter ang China sa ibabaw ng BRP Cabra.

Dahil dito, mas uminit ang sitwasyon na naging dahilan upang maglabas ng malinaw na guidance si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan “to remain unthreatened and to refrain from actions that could escalate tensions.”

- Advertisement -

Sa kabila ng pagpipigil, ayon kay Gavan hindi hahayaan ng PCG ang presensya ng barko ng Chinese Coast Guard  na pumasok sa karagatang nasa hurisdiksyon ng Pilipinas.

Marami nang naipadalang diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas sa counterpart nito sa China sa tuwing ilegal na pumapasok ang mga barkong Tsino sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas.

Mahigit walong taon na ang nakararaan, partikular noong Hulyo 12, 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa inihaing reklamo ng Pilipinas na kumontra sa pag-aangkin ng China sa halos buong South China Sea kabilang ang mga isla o mga batuhan na naroroon. Pumabor ito sa Pilipinas, isa sana itong magandang dahilan para sa isang selebrasyon dahil sa itinagal-tagal ng panahon ng pag-aagawan-mula pa noong 1970’s-, nagkaroon na ng matibay-tibay at konkretong resulta.

Naninindigan ang China na kanila ang mga isla at ang buong South China Sea kahit na may bahagi dito na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Hindi kinikilala ng China ang United Nations Convention on the Law of the Seas (Unclos) nang nagkabisa noon pang 1994.

Sa halip, naninindigan ang China na ang lahat ng nasa South China Sea, kabilang ang parte na tinatawag ng Pilipinas na West Philippine Sea, ay kanila base sa kanilang kasaysayan.

Hindi lamang ito sa Pilipinas nakikipag-agawan, gayundin sa Brunei, Indonesia, Malaysia, Taiwan at Vietnam.

Gayon na lamang ang kagustuhan ng China na maangkin ang buong South China Sea dahil may deposito rito ng langis at natural gas na tinatayang nasa 11 bilyong langis at 190 trilyong kubiko ng natural gas, ayon sa artikulo sa cfr.org.

Sa mga nagdaang taon, nakapagpatayo ang China sa Paracel at Spratly Islands, na inaangkin din ng Pilipinas, ng mga daungan, paliparan at military installation.

Samantala, sa Ayungin shoal, ang Pilipinas naman ay mayroong nakasadsad na nabubulok na barkong pandigma, ang BRP Sierra Madre.

Sa kabila nito, may tauhan ng Philippine Coast Guard na naka-duty rito na papalit-palit at pinapadalhan ng supplies ng gobyerno. Sa mga pagkakataong ito ng rotation and resupply mission ng PCG nagkakaroon ng girian ang PCG at ang Chinese Coast Guard.

Sa desisyon ng UNCLOS, pumabor ito sa Pilipinas na nagsasabing meron itong sovereign rights sa kanyang EEZ na kinabibilangan ng mga pinag-aagawang mga isla.

Upang malaman ang EEZ, may international law na pinagbabasehan ang pagtukoy sa baseline ng isang pampang, ito ang 1982 Law of the Sea Convention. Mula sa baseline o pampang, ang unang 12 nautical miles ay tinatawag na territorial waters. Ang susunod pang 12 NM ay contiguous zone. Ang EEZ naman ay 200 NM ang layo mula sa baseline ng isang bansa kung saan maaari itong pangisdaan ng kanyang mamamayan, o hukayin para maghanap at magmina ng langis at natural gas. Ang lalampas na dito na hindi nasasakop ng anumang bansa ay tinatawag na High Seas o international waters.

Sa ganitong pagsusukat ang Ayungin shoal ay 106.3 nautical miles ang layo mula sa Palawan at 617.39 NM naman mula sa China. Ang Scarborough shoal naman ay  120 nautical miles mula Luzon samantalang 594 NM mula sa Hainan province ng China.

Kaya naman hindi tanggap ng China ang katotohanang ito.

Pinagbabasehan ng China ang  U-shaped na eleven-dash line na inilathala ng Taiwan noong December 1947.

Ayon sa desisyon ng UNCLOS, walang basehan ang claim na ito ng China dahil bagama’t binabanggit nito na sa kasaysayan ay pinapangisdaan na ng mga mangingisdang Tsino ang South China Sea, wala namang katunayan na ang inaangkin nitong mga isla o batuhan ay tinirahan din ng mga Tsino.

Para sa UNCLOS, tanging ang Pilipinas lamang ang may sovereign rights sa West Philippine Sea, na bahagi lamang ng kabuuan ng South China Sea.

Nangangahulugan ito na walang ibang bansa, maliban sa Pilipinas ang maaaring maghukay, magmina, o mangisda sa katubigang nasasakop ng EEZ nito.

Sa kabila nito, patuloy na nagpapakita ng pwersa at pag-aangkin ang China sa mga parteng ito ng EEZ ng Pilipinas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -