26.1 C
Manila
Lunes, Enero 20, 2025

‘Santo Niñohan sa Malolos’ bahagi na ng Philippine Experience Program ng DOT

- Advertisement -
- Advertisement -

BAHAGI na ng Philippine Experience Program ng Department of Tourism (DOT) ang taunang Sto. Niño De Malolos Festival na ngayo’y binigyan ng branding na “Santo Niñohan sa Malolos”.

Sa ngalan ni kalihim Christina Garcia Frasco, kinatawan ni Department of Tourism (DOT) Regional Director Richard Daenos ang ahensiya sa pagbubukas ng taunang Sto. Niño De Malolos Festival sa Bulacan Capitol Gymnasium. Bahagi na ito ng Philippine Experience Program ng DOT na binigyan ng branding na “Santo Niñohan sa Malolos”. Tatagal ang naturang eksibisyon hanggang Enero 23, 2025. (DOT)

Ang pagkilalang ito ng ahensiya ay itinaon sa Ika-50 Ginintuang Taong Anibersaryo ng naturang festival, kung saan tampok ang isang grand exhibit na binuksan sa Bulacan Capitol Gymnasium.

Sa ngalan ni kalihim Christina Garcia Frasco, kinatawan ni DOT Regional Director Richard Daenos ang ahensiya sa marangal na paggupit sa laso na hudyat ng pagbubukas ng naturang eksibisyon na tatagal hanggang Enero 23, 2025.

Binigyang diin ni Daenos na ang mahabang tradisyon,  debosyon at ang paraan ng paghahanda ng mga Bulakenyo, partikular na ang mga taga-Malolos, ang naging malaking pagkilala ng DOT upang magsilbing atraksiyon at destinasyon ng mga turista.

Matatandaan na mismong si Secretary Frasco ay nakaranas ng paunang senaryo ng Santo Niñohan sa Malolos sa nakaraang pagbisita niya sa lungsod nang ilunsad ang Central Luzon leg ng Philippine Experience Program.

Kabilang sa mga tourism product na maaring lahukan ng mga turistang mananampalataya ang sinasabing pinakamahabang prusisyon ng Sto. Niño sa Luzon at isa sa buong bansa.

Umaabot na sa 286 na mga karosa ang inilalahok dito na patuloy na dumami sa nakalipas na 50 taon. Nakatakdang idaos ang nasabing mahabang prusisyon sa Enero 26, 2025.

Mauugat ang marangyang pagpipista ng Sto. Niño sa Malolos noong 1975 nang binuhay ni Dr. Luis Santos, isang pilantropong doktor na naninirahan sa Kamistisuhan District, ang tradisyon mula nang mawala dahil sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ito ang nagbunsod upang maitatag ang Sto. Niño De Malolos Foundation.

Dito nagsimulang magkaroon ng iba’t ibang imahe at tema ang Sto. Niño gaya ng pagiging isang pulis, mangingisda, panadero, batang kalye at iba’t ibang representasyon sa lipunan.

Lalo pang pinatibay ang debosyon ng mga Bulakenyo sa Sto. Niño nang ipatayo ni noo’y Gobernador Ignacio Santiago at sa tulong ni noo’y Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos ang kapilya para sa Sto. Niño sa loob ng bakuran ng Kapitolyo noong 1982.

Ayon kay Jose Roly Marcelino, tagapagsalita ng City of Malolos Arts, Culture, Tourism, Youth and Sports Office, isang repleksiyon ng pagiging isang dakilang lahi ang pagpapatuloy sa tradisyong ito.

Ito aniya ang nagbubuklod sa mga mamamayang Bulakenyo na muling yakapin ang mayamang kasaysayan at kultura na mauugat sa malalim na pananampalataya sa Diyos.

Samantala, iprinisinta naman ni Gobernador Daniel Fernando sa pagbubukas ng Santo Niñohan sa Malolos Grand Exhibit ang Resolusyon Blg. 260 na pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan at kanyang nilagdaan, na nagdedeklara sa Sto. Niño de Malolos bilang Prinsipe ng Bulacan. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -