IPINAKITA ng Senado ang buong suporta sa Phivolcs Modernization Act (Senate Bill No. 2825) na isinulong ni Senador Alan Peter Cayetano. Nakakuha ito ng 23 boto mula sa mga senador at naipasa sa Third and Final reading nitong Martes, January 14, 2025.
Sa kanyang sponsorship speech noong December 2024, binigyang diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagpapabuti sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) upang mapalakas ang kahandaan ng bansa sa mga sakuna.
“Ang Pilipinas kasi isa sa pinaka-vulnerable [when it comes to disasters caused by natural hazards]. That’s what this modernization bill is about. How we can mitigate disasters, risks, how we can prepare, and how we can also take care of our nature better,” wika ni Cayetano.
Layunin ng panukala na mas mapalakas ang Phivolcs upang magampanan ng ahensya ang mga tungkulin nito at matulungan ang bansa sa pagpapabuti ng kahandaan at pagtugon sa mga sakuna.
Kasama sa mga plano ang pagpapabuti ng mga kagamitan ng Phivolcs, pagpaparami ng mga seismic station, at pagpapataas ng sahod at pagsasanay para sa mga tauhan nito.
Matapos ang pag-apruba ng panukala sa final reading, ipinahayag ng mga senador ang kanilang suporta para sa hakbang na ito. Kinilala rin nila ang mahalagang papel nito sa pagpapalakas ng disaster response at preparedness ng bansa.
Nagpasalamat naman si Senator Joel Villanueva kay Cayetano sa kanyang pamumuno sa pagsusulong ng panukala.
“We extend our thanks to Senator Alan Peter Cayetano for his leadership in pushing for this critical measure. We voted ‘Yes’ to this measure to make sure that Phivolcs is equipped with the equipment, technology, and personnel needed for timely and accurate disaster data collection,” sabi ni Villanueva.
Bago magtapos ang sesyon noong nakaraang taon, paulit-ulit na binanggit ni Cayetano ang mas malawak na layunin ng modernization bill, na isang bahagi lamang ng mas malaking hakbang para mapanatiling ligtas ang Pilipinas at ang mga mamamayan nito.