29.6 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Totoong usapan sa seguridad Pinas

- Advertisement -
- Advertisement -

Huling bahagi

BUNGA ng kadahilanan na hindi pa malinaw, ang unang bahagi ng dalawang-bahagi na artikulo na ito ay huminto sa maling punto. Narito ang dapat na wastong daloy ng wakas ng unang bahagi ng kasalukuyang artikulo:

“Kapwa ang EDSA 1 at EDSA 2  ay  mga pakana ng Amerika at nagtagumpay sa kanilang  intensyon na pabagsakin ang nakaupong pangulo. Ang sumunod na pag-aalsa, ang EDSA 3, ay tinawag ng Iglesia ni Cristo upang ibalik sa puwesto si Erap. Nabigo ang EDSA 3 sa intensyon na ito.

“Moral lesson sa pag-uusap na ito, ang people power ng Amerika, tagumpay, ng Iglesia ni Cristo, bigo.

“Anong kaugnayan nito sa orihinal na paksa na seguridad ng Pilipinas?”


Ganyang malinaw na ang daloy ng pag-uusap, patuloy ang paksa sa dapat niyang kahantungan.

Una sa lahat, sa bisa ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951, ang seguridad ng Pilipinas ay di maiwasan na ikawing sa seguridad ng Amerika sa rehiyon ng Pasipiko. Sinasabi sa MDT, ang anumang pag-atake sa alinman sa Amerika at Pilipinas ay pag-atake na rin sa isa pa at humihingi rito ng kaukulang responde. Kung kaya oras na ang lumalala na iringan ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) sa South China Sea ay nauwi na sa aktwal na barilan, obligado ang Estados Unidos na humalo sa labanan.

Mangyari pa, depende pa rin sa kung gusto o hindi ng Amerika ang labanan. Kung gusto, sige, makialam. Kung hindi, gawa ng dahilan para hindi makialam. At sa Pilipinas, lumaban kang mag-isa mo.

Nang magsimulang lusubin ng mga Hapones ang mga base militar ng Amerika sa Pilipinas, ipinasiya ni General Douglas MacArthur na iabandona ang giyera sa Pilipinas at intindihin na muna ang pakikipaglaban sa mga Aleman sa Europa. Kaya makaraang sumuko ang USAFFE sa Bataan, maliban sa nagpapatuloy na pakikihamok ng mga gerilya sa kanayunan, ang Maynila sa loob ng tatlong taon (1942-1945) ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay kinakitaan ng mapagkaibigang relasyon ng masang Pilipino at mga tropang Hapones. Nang bumalik lamang si MacArthur noong 1945 at pinagbobomba ang siyudad, nakadanas ang lungsod ng ganap na pagkawasak ng mga tahanan at inpraistruktura upang ang Maynila ay tanghaling pangalawang pinakadurog na lungsod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig kasunod ng Warsaw, Poland; ang bilang ng nasawi sa ilang araw lang na itinagal ng Liberation ng Maynila, 200,000.

- Advertisement -

Sa anu’t-anuman, sa usapin ng kung gusto o hindi na makialam, napakahalaga ng tanong kung sino ang nakaupong presidente ng Amerika.

Ayon sa mga piling-pili na manunuring pulitikal, dalawang saray ng gobiyerno meron ang Amerika. Isa, ang halal na pamahalaan. Ang isa naman, ang tago o sa English, deep state. Sa dalawang saray na ito, ang deep state ang siyang may kontrol sa tinatawag na military industrial complex o ang sektor ng ekonomiya ng Estados Unidos na nagpoprodyus ng mga armas na ang palengke ay halos ang kabuuan ng daigdig. Madalas, halal man ang presidente, ang deep state pa rin ang nakapangingibabaw na pwersa na nakapagpapatupad ng poder ng pamahalaan.

Napakapambinira na ang halal na presidente ng Amerika ay hindi rin ang presidente na pabor sa deep state. Sa pagkakataon na ang halal na presidente ay bumangga sa deep state, ang nasabing presidente ay dapat na magbigay.

Noong 1962 sumabog ang Cuban missile crisis. Natuklasan ni Presidente John F. Kennedy na ang Unyong Sobyet ay nakapagtatag na ng mga missile sa Cuba na maliwanag na nakaumang sa Amerika. Nagdeklara si Kennedy ng embargo sa mga barkong papuntang Cuba upang pigilin ang pagdadala roon ng mga armas at nag-demand sa Unyong Sobyet na distrungkahin ang mga missile nito na nakatayo na sa Cuba. Kung hindi, ang banta ni Kennedy ay pakakawalan na niya ang pagsabog ng digmaang nukleyar sa Unyong Sobyet. Lumitaw na nakipagkasundo kay Kennedy si Soviet Premier Nikita Khrushchev na pumayag na distrungkahin ang mga Soviet missile sa Cuba. At sa gayon, naiwasan ang pagsambulat ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig.

Ang hindi alam ng marami, kaya pumayag si Krushchev sa kasunduan ay dahil kapalit ng pagbaklas ng Sobyet sa mga missile nito sa Cuba ay ang pagbaklas naman ni Kennedy ng mga missile ng Amerika sa Turkey na nakaumang sa Unyong Sobyet. Kaayaw-ayaw dito ang deep state, na binubuhay ng military industrial complex ng Amerika.

Pagkaraan ng isang taon, Nobiyembre 1963, na-assassinate si Kennedy.

- Advertisement -

Dahil nga ang dugo ng buhay ng deep state ay ang military industrial complex, gusto nito ay giyera dito, giyera doon. Mas palagiyera ang isang gobyerno, mas okey sa deep state.

Sa wakas, dumating na ang paksang ito sa dapat niyang kahantungan.

Saan nakalagay ang seguridad ng Pilipinas?

Nabanggit na sa unahan ang MDT, ang nanay ng mga tratadong militar na nagtatali sa seguridad ng Pilipinas sa seguridad ng Estados Unidos. Ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng 1998 ay nagtatakda ng mga alituntunin at gabay ukol sa kilos ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas sa pana-panahon ng kanilang ehersisyong militar kasama ng mga pwersang Pilipino. Ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) naman ang nagkakaloob ng karapatan sa Amerika na gamitin ang mga takdang lugar sa loob ng mga kampo militar ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas para sa deployment ng kanyang mga pwersa at kagamitang pandigma. Ang ganuong paggamit ay hindi kailanman sasailalim sa inspeksyon ng mga awtoridad ng Pilipinas at walang kabayaran ni isang kusing sa Pilipinas, kung kaya lalabas na ang ipinagkaloob na bahagi ng mga kampo militar ng Pilipinas ay ganap nang pag-aari ng Amerika.

Ang mga pook EDCA na kaloob ng Pilipinas sa Amerika ay mariing kinondena ng China. Maliwanag na China ang inuumangan ng mga pook na iyun.

Lalo’t higit sa usapin ng Typhon missile launch system, hindi maiwasan ng China ang mag-alburoto na nang todo. Noong una, gamit lang ang Typhon sa pagsasanay militar ng pinagsamang mga pwersa ng Amerika at Pilipinas sa Ilocos Norte noong nakaraang taon. Ngayon sa pagpipilit ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, hindi lang hindi na babaklasin ang Typhon

na inilatag sa Laoag kundi daragdagan pa ito ng kung saan-saan pa sa palibot ng Pilipinas.

Hindi tanga ang China para hindi malaman na ang mga maniobrang ito ay ginagawa sa layuning pipilan ang kanyang pananggol sa pandaigdigang pakikipagpunyagi sa Amerika.

Paano kung maisip ng China sa wakas na unahan na ang Amerika at mag-ala-Russia sa biglaang pag-atake sa Ukraine at lumusob na talaga sa Pilipinas? Imadyinin ang kalunos-lunos na sinapit ngayon ng Ukraine. Baka mas masahol pa ang pagdusahan ng Pilipinas kapag nagkataon.

Hangga’t ang Pilipinas ay ginagawang pambala lamang sa kanyon ng Amerika, walang pambansang seguridad ang mga Pilipino.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -