Alam n’yo bang nagpamalas din ng interes si Dr. Jose Rizal sa panitikang pambata? Kung inaakala nating mga nobela, tula, at mga personal na sanaysay lamang ang isinulat niya, nagkakamali tayo.
Bukod sa pagiging doktor na nagpakalubhasa sa panggagamot ng mga sakit sa mata (ophthalmologist), alam nating higit na dinakila si Rizal sa kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na nagbigay-daan upang wakasan ang mapagmalabis na pananakop ng mga Espanyol sa bansa. Kung sino man ang nagsabi na ‘the pen is mightier than the sword’ ay maaaring si Rizal ang tinutukoy niya. Pero sa tingin ko, kung hindi napasali si Rizal sa mga isyu ng kanyang panahon, maaaring siya ang kauna-unahang children’s book author sa bansa.
Noong 1889 kasi, muli niyang isinalaysay ang isang popular na kuwentong-bayan: ang The Monkey and the Tortoise (Ang Matsing at Ang Pagong). Ang kuwentong-bayan (o folktale) ay mga salaysay na nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon at hindi na tayo malay sa kung sino ang may-akda. Hindi orihinal na kuwento ni Rizal ang ‘Si Matsing at si Pagong’ pero pinangahasan niyang muling maisalaysay ito ayon sa pagkakatanda niya. Marahil ay naikuwento ito sa kanya ng kanyang ina, mga kapatid, o kamag-anak noong bata pa siya. Pero muli niyang binalikan sa gunita ang kuwentong ito nang siya’y manggagamot na.
Ayon sa historyador at propesor na si Ambeth Ocampo, panauhin daw noon ng mga Pardo De Tavera si Rizal. Habang naghihintay na maihanda ang hapunan, lumapit ang asawa ni Juan Luna (si Maria ‘Paz’ Pardo De Tavera-Luna) kay Rizal at humiling na magsulat ito ng kahit ano sa kanilang guest book. Dito naisip ni Rizal na muling isalaysay ang kuwento nina Matsing at Pagong. Ang ginawa niya, sa mga nalalabing pahina ng guest book, nagsulat siya ng 1-2 pangungusap tungkol sa naturang kuwentong-bayan at sa kabilang pahina naman ay gumuhit ng mga eksena mula sa kuwento. Dito nabuo ang retelling ng kuwento nina ‘Matsing at Pagong.’ Kung tutuusin, para na rin itong children’s book sa panahon ngayon!
Matapos maisulat ang retelling ng naturang kuwentong-bayan, ipinadala niya ito sa isang journal sa London, ang Trubner’s Oriental Record, isang babasahing laan para sa mga panitikang mula sa Timog-Silangang Asya (Far East). Nalathala ito sa naturang journal noong ikatlong Martes ng Hulyo ng taong 1889. Ito ang naging basehan ng ginagawang pagdiriwang ngayon ng National Children’s Book Day sa ating bansa tuwing ikatlong Martes ng Hulyo ng bawat taon. Nang bumisita ang children’s book author at newspaper columnist na si Neni Sta. Romana-Cruz sa British Library sa London ilang taon na ang nakararaan, hinanap niya ang kopya ng ‘The Monkey and The Tortoise’ na lumabas sa Trubner’s Oriental Record noong 1889. At nandoon daw talaga ito! Nakita niya ito sa ‘Asian and African Studies reading room.’
Bukod sa kuwento nina Matsing at Pagong, muli ring isinalaysay ni Rizal ang ‘Alamat ni Mariang Makiling’ at nalathala sa babasahing La Solidaridad noong Nobyembre 23, 1890. Bukod pa riyan, isinalin ni Rizal sa Tagalog mula sa wikang Aleman (German) ang lima sa mga fairy tales ni Hans Christian Andersen. May kabuuang 168 na fairy tales ang naisulat ni Andersen. Nakasulat sa Danish ang orihinal na mga kuwento niya. Dahil sa popularidad ni Andersen, may salin din sa wikang German ang kanyang mga sinulat na fairy tales. Ang salin sa wikang Tagalog ay sinasabing ginawa ni Rizal mula sa German edition ng mga libro ni Andersen.
Sabi ng historyador na si Ambeth Ocampo, maaari raw na nagpapraktis si Rizal sa lengguwaheng Aleman (German) noong panahong ‘yun kaya napagdesisyunan niyang isalin sa Tagalog ang limang fairy tales. Ano-ano ang mga ito? Ang Pangit na Sisiw na Patu (para sa The Ugly Duckling), Ang Batang Babaeng may Dalang Sakafuego (para sa The Little Match Girl), Si Gahinlalaki (para sa Thumbelina), Ang Sugo (para sa The Angel), at Ang Puno ng Pino (para sa The Fir Tree).
Magandang alamin ng mga guro, iskolar, at mananaliksik ngayon kung bakit ang limang ito ang napili ni Rizal na isalin sa Tagalog. May malaki kayang dahilan sa likod nang pagkapili ni Rizal sa mga kuwentong ito upang isalin? May sinasabi kaya ito sa ating kalagayan bilang Pilipino? O ito lamang ang available na kuwentong pambatang nakasulat sa wikang Aleman nang panahong nagsasalin siya? Natatandaan ko na noong nag-aaral ng wikang Mandarin sa Taipei ang aking sister-in-law, bahagi ng kanilang gawain ay isalin sa wikang Mandarin ang isang aklat pambata.
Matapos lagyan ng ‘spot illustrations’ ang bawat kuwentong naisalin sa Tagalog, ipinadala ni Rizal ang mga ito sa kanyang mga pamangkin sa Pilipinas bilang regalong pamasko noong Oktubre 14, 1886.
Nang magdaos ng sentenaryo ng kabayanihan si Rizal noong 1996 (1896-1996), naisip kong alayan siya ng isang kuwentong pambata bilang pagdakila sa kanyang buhay at sa naging mayamang kontribusyon sa bansa. Kung nagpakita siya ng interes sa panitikang pambata, hindi ba’t maganda ring isang kuwentong pambata ang maihandog sa kanya? Sinulat ko ang kuwentong pambatang ‘Ang Ambisyosong Istetoskop’ bilang pagpupugay sa ating bayani. Ang kuwentong ito ay mula sa pananaw ng isang ubod ng yabang na istetoskop (pinangalanan kong ‘Istet’) na nais sumikat at makilala sa buong daigdig pero labis na nadismaya nang bilhin ng isang lalaking maliit ang tindig at kayumanggi ang balat. Hanggang sa di-sinasadyang napalahok si Istet sa kasaysayan ng ating bansa; at kanyang napakinggan, di lamang ang mga ‘tunog, tibok, at hinga’ ng mga kababayan ni Rizal kundi pati ang kanilang mga ‘hinaing’ sa pagmamalabis ng mga Kastila. Inilathala (at patuloy pa ring inilalathala) ng Adarna House ang librong ito.
Ngayong inaalala natin ang kapanganakan ni Gat Jose Rizal, huwag sana nating malimutan na ang ating pambansang bayani ay nagkaroon din ng malaking puso para sa mga bata.
Sana rin, lalo pang yumabong ang panitikang pambata sa bansa.