25.4 C
Manila
Biyernes, Enero 10, 2025

Mga alternatibo sa pagtugon ng pagtaas ng presyo ng bigas

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

KAPAG ang presyo ng isang produkto o serbisyo ay tumataas, nag-iisip ang mga kinauukulan kung papaano tutugunan ang problemang ito.

Dalawang bagay ang nangyayari kapag ang presyo ng bigas, halimbawa, ay tumataas. Una, ang relatibong presyo ng bigas ay tumataas kung ihahambing sa presyo ng ibang produkto. Ikalawa, ang tunay na kita o kakayahang makabili ng kita ng mga mamimili ay bumababa.

Sa pagtaas ng relatibong presyo ng bigas bumababa ang pagkonsumo ng bigas samantalang tumataas naman ang pagkonsumo ng ibang produktong hindi tumaas ang presyo bunga ng epekto ng sabstitusyon. Ibig sabihin ay binabago ng mamimili ang estruktura ng kanyang pagkonsumo sa pamamagitan pagpapaliit ng pagkonsumo ng produktong naging relatibong mahal o ang bigas ng mga produktong naging relatibong mura o produktong di bigas nang hindi binabago ng ang kanyang kabuoang kasiyahan. Ngunit hindi dito nagwawakas ang kwento.

Sa pagtaas ng presyo ng bigas relatibo sa ibang produkto at serbisyo ang kakayahang makabili ng mamimili ay lumiliit. Ang mababang kita ay nagpapaliit sa pagkonsumo ng bigas at mga produktong di bigas. Samakatuwid, lalo pang liliit ang pagkonsumo ng bigas dahil sa mataas na presyo at bunga ng mababang kita. Samantala, ang mga produktong di bigas ay liliit din bunga lamang ng pagliit ng tunay na kita.

Sa kapaligirang ito ano  ang nararapat na tugon mga pamahalaan upang hindi masaktan ang mamimili? Una, maaaring bigyan ng dagdag na kita ang mga mamimiling naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng bigas upang maibalik ang nawalang kasiyahan. Ikalawa, maaaring kontrolin ng pamahalaan ang pagtaas ng presyo sa pamamagitan ng pagtatakda ng presyo o price ceiling. Ang mga alternatibong ito ay may iba’t ibang epekto sa mga mamimili, suplayer at kagalingang panlipunan.


Sa unang alternatibo, ang nawalang kita ay maaaring palitan sa pagbibigay ng compensating variation. Dahil ang tunay na kita ay bumaba sa pagtaas ng presyo ng bigas, ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga naapektuhang mamimili ay isang alternatibo upang mapanumbalik ang kanilang nakaraang kasiyahan. Ang ginagawa ng compensating variation ay dinaragdagan ang kita ng mga naapektuhang mamimili upang maibalik ang dating kasiyahan kahit na ang pagkonsumo ng bigas ay nababawasan pa rin bunga ng pagtaas ng relatibong presyo ng bigas. Naibabalik ang dating kasiyahan dahil ang nabawasang kasiyahan bunga ng pagbaba ng pagkonsumo ng bigas ay pinapalitan ng dagdag na kasiyahan bunga ng pagtaas ng pagkonsumo ng mga produktong di bigas sa bagong relatibong presyo. Samakatuwid, ang alternatibong ito ay hinayaan ang mekanismo ng bilihan upang itakda ang presyo ngunit tinutulungan ang mga naapektuhang mamamimili sa pagbibigay ng dagdag na kita.

Maganda ito, kaya lang ay napakalaki ng gugulin ng pamahalaan upang ito ay isagawa dahil lahat ng mga mamamayan ay bibigyan ng compensating variation. Upang mabasawasn ang gastos ng pamahalaan, ibibigay lamang ito sa mga tunay nangangailangan tulad ng mga kapos at maralitang mamamayan. Ang mga nakaaangat at mayayamang mamamayan ay kayang ibalik ang kanilang kasiyahan sa pamamagitan ng pagbabawas ng kanilang inimpok. Ang compensating variation ay isang alternatibong nakatuon sa talagang nangangailangan kaya hindi maaksaya.

Sa ikalawang alternatibo ay nakatuon sa pakikialam ng pamahalaan sa pagtatakda ng presyo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng price ceiling o price control. Maraming problema ang kaakibat sa  pagpapatupad ng patakarang ito.  Una, ang pagtatakda ng price control o pinakamataas na presyo ng bigas na mababa sa ekilibriyong presyo ay makapabibigay ng murang bigas sa mga mamimimili. Ngunit  sa pananaw ng mga prodyuser, ang mababang presyo ay hudyat upang babaan ang kanilang produksiyon dahil lumiliit na ang tubo o prodyuser surplus. Sa ganitong sitwasyon, nagkakaroon ng kakulangan sa bigas sa bilihan. Natutugunan nga ang pangangilangan ng mga mamimili na maging mura ang presyo ng bigas at tumaas ang kanilang consumer surplus ngunit lumilikha naman ito ng panibagong problema. Sa ganitong sitwasyon dapat timbangin ng mga kinauukulan kung anong problema ang mahalagang tutukan, ang mababang presyo o ang sapat na suplay.

Ang pagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng bigas ay nakapagbabawas rin sa kasiyahan ng mga mamamili at mga suplayer. Ang nabawasang dami ng pagkonsumo ng bigas ay nakapagpapaliit sa consumer surplus ng mga mamimili kahit ang lumalaki ang kanilang consumer surplus bunga ng pagbaba ng pressyo. Ang dagdag na consumer surplus ay nanggagaling sa pagbabawas ng producer surplus dahil maliit na suplay at mababang presyo. Samakatuwid, may redistribusyon ng surplus mula sa prodyuser tungo sa mamimili na nauuwi sa mababang kabuoang surplus o kagalingang panlipunan bunga ng pagliit ng dami ng suplay at demand.

- Advertisement -

Batay sa maikling pagsusuring ito, kayo ang pumili ng angkop na tugon sa pagtaas ng presyo ng bigas, dagdag na kita o control sa presyo. Magastos ang pagdagdag na kita sa mga mamimili na maaaring mauwi sa deficit sa budget ng pamahalaan dahil manggagaling ang ayuda mula sa pamahalaan. Samantala, ang pagkontrol sa presyo ay walang gastos sa pamahalaan ngunit mauuwi ito sa kakulangan ng bigas at pagbabawas ng kagalingang panlipunan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -