25.7 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Tinapay! Tinapay!

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Kay Ka Felixberto “Bert” Olalia ko ito narinig. Ang sigaw ng sambayanang Russo sa Rebolusyong Bolshevik noong 1917 ay hindi malalim na isyung pulitikal tulad ng layuning rebolusyunaryo na pagpapabagsak sa Dinastiyang Romanov kundi simpleng-simpleng: “Tinapay! Tinapay!”

At sa payak na sigaw na iyan na pinaugong sa St. Petersburg ng libu-libong Russong balana noong Oktubre 1917, gumuho ang daan-daang taon nang Dinastiyang Romanov at humalili sa poder ang kauna-unahang sosyalistang estado sa kasaysayan, ang Unyon ng mga Sosyalistang Soviet na Republika (USSR).

Pinunto ni Ka Bert ang bagay na ito sa mga paghahanda para sa inaasahang pinakamalaking Rali sa Araw ng Paggawa, Mayo 1, 1972. Si Ka Bert ang hinirang na Taga-Pangulo ng binuong May Day Revolutionary Committee, Bise Tagapangulo si Philippine College of Commerce (PCC) Bise Presidente Dr. Dante Simbulan, at ako ang naatasang maging Kalihim Heneral. Sa panahong iyun, ang lambat ng sektor ng mga manggagawa sa rebolusyunaryong kilusan ay ang Katipunan ng Samahan ng mga Manggagawa (KASAMA) na ako ang Kalihim Heneral, kaya ito na rin ang naiatas na gawain sa akin sa pagbubuo ng May Day Revolutionary Committee. Sa huling pulong para sa paglilinaw ng mga gagawin, tinukoy ni Ka Bert ang karanasan ng pag-aalsang Soviet upang magsilbing huwaran ng layunin naman ng May Day Revolutionary Committee na magpasiklab na ng totoong maapoy na pagbabalikwas tungo sa pagpapabagsak sa Diktaduryang Marcos.

Sa isang takdang yugto ng programa, sa akin naiatas ang isang talumpati na magsisilbing hudyat sa mga partisano na magpapasabog ng pakikipagputukan sa mga Metrocom sa Mendiola na determinadong haharang sa mga raliyista upang huwag makalusot sa Malakanyang — bagama’t
sa aktwal na nangyari ay nakarating na kami sa bungad ng Gate 4 ng Palasyo na nahaharangan ng makapal na hanay ng Metrocom, mahigpit na kapit-bisig, hawak ang mga pamalukang yantok na ipanghahalihaw sa mga raliyesta kapag nagpilit na sumugod sa Malakanyang. Hindi alam ng mga Metrocom na walang kapanapanama ang kanilang yantok sa granada ng mga partisanong kaharapan na nila at naghihintay na lamang ng aking hudyat upang isabog; sa panahong iyun, ang mga partisano sa lungsod ng Maynila ay nasa pamumuno ni Ka Banero (Nom de guerre ni Manuel Collantes 3rd, pamangkin ng noon ay Kalihim Panlabas na ganun din ang pangalan; si Ka Banero, Bane kung aming palayawan, ay director ng National Trade Union Bureau (NTUB) ng Central Committee ng Communist Party of the Philippines (CPP) na siya kong kagyat na nakatataas na organo bilang Kalihim Heneral noon ng KASAMA.)

Ang punto ni Ka Bert, imbes na ang nakagawiang sigaw na “Ibagsak ang Diktaduryang Estados Unidos-Marcos!” ang ihiyaw ay “Tinapay! Tinapay!”


Sapul ko ang ideya at handa akong gawin ito. Maliban sa isang bagay. Sa isang nagdaang rali sa harap ng US Embassy, palihim na isinukbit ni Ka Estrel sa aking balikat ang isang bag na tela (di pa uso noon ang back pack).

“Granada yan,” bulong niya. “Tulad ng pinasabog sa Plaza Miranda.”

Tingin kong nagtatanong.

Sagot niya, “Pagbunot mo ng pin, ibato mo. Apat na segundo sasabog iyan.”

- Advertisement -

Ang rali ay plinanong maging pagpapalala ng apoy ng rebolusyon. Nakadeploy sa harap ng embahada ay ang malaking puwersa ng Manila Police District na pinamumunuan ni Col. James Barbers, nasa unahan ng kanyang pulutong.

Sandali pa nagliparan na ang mga pill box mula sa mga raliyesta, patama sa mga pulis, na sumugod na. Iyun ang hudyat sa akin upang ibato ang granada.

Ewan, pero hindi ko ibinato. Nakidaloy ako sa pulasan ng mga raliyesta patakas patawid ng Luneta Park. Sa pakiramdam ko na ako ay aabutan ng mga pulis, tumalon ako sa loob ng bakod ng Rizal Monument at doon nagkanlong. Bawal pasukin ng mga pulis ang bakod na gwinagwardiyahan ng dalawang Marines. Sa awa, kinunsinti ako roon ng mga gwardiya, lihim pa akong hinudyatan ng tingin na magtago pa nang mabuti.

Ang alalahanin sa raling iyun sa US embassy ang pumigil sa akin na ibigay ang hudyat sa mga partisano na pasabugin ang gulo sa 1972 May Day Rally sa Malakanyang. Kung ginawa ko ang hudyat, nagkasala sana ako ng kademunyuhang pumatay sa dalawang inosenteng vendor sa pagbomba ng Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971, puminsala na halos ikamatay rin ng buong tiket sa pagka-senador ng Liberal party, at sumugat sa mahigit 100 ng mga nanood sa miting na iyun ng Liberal Party. Si Senador Benigno Aquino Jr., bilang Kalihim Heneral ng LP, ay bukod tanging wala sa okasyon. Hindi kinaya ng aking konsensya ang kahayupan ng Plaza Miranda na bukod sa pag-amin ni Ka Estrel ay tahasan ding isisiwalat ni Ruben Guevara, dating Kalihim Heneral ng Communist Party of the Philippines (CPP), 17 taon pa ang darating, noong 1989, sa isang pinagsamang pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee ay ibinulgar niya na ang pagbomba sa Plaza Miranda ay sa utos ni Jose Maria Sison, kakutsaba si Senador Ninoy Aquino. Kung ibinigay ko ang hudyat ng gulo at karahasan sa May Day Rally ng 1972, saan ako dadamputin ngayon? Maaaring naihanay na rin sa mga binayaning personahe ng First Quarter Storm (FQS). Malaki rin ang posibilidad na noon mismo ay dedo na ako.

Bubuhayin ka pa ba noon? Ganung nakahilera na ang mga Metrocom, armado ng kanilang mga armalite, nakahandang iratrat sa sandaling kumilos na ang mga partisano sa pagsambulat ng kani-kanila namang mga paputok. Sa aking matigas na pagtangging ihiyaw ang hudyat na talumpati, tahimik na nagwakas ang 1972 May Day Rally samantalang iyun ang pailalim na nilayong magtulak na kay Marcos upang magdeklara ng martial law.

Bigla kong naisip ang pagbalik-tanaw kong ito ngayon dahil sa usapin ng “Tinapay! Tinapay!”

- Advertisement -

Sa aking tirahan sa kahabaan ng isang highway, nagsalipayan ang pagparoon-pagparito ng iba’t-ibang klase ng mga tao: mga pasahero na nag-uunahan sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, alin kung mga istudyanteng nagmamadali upang huwag mahuli sa klase, mga empleyado’t manggagawang humahabol sa oras ng trabaho, mga bagamundo’t sari-saring latak ng lipunan na manaka-naka’y hinahaluan ng isa o dalawang di-katandaang babae sa kanilang iwing kahubdan (“Kawawa naman,” wika ng isang ale. “Anong ginagawa ng gobiyerno ng Antipolo?”). Mula sa mga estudyante’t empleyado, mga manlalako ng sari-saring paninda, mga mangangalakal ng basura, mga tsuper ng trak pangkargamento at transportasyon publiko, mga ehekutibong sakay ng mamahaling sasakyang patungo sa mga bilyong pisong transakyon, mga tricycle driver na naguunhan sa paghatak ng pasahero, mga delivery driver na harurot sa pagdala ng sari-saring paninda — nilalahat ko na, wala ni isa sa kanila na sa pagtatapos ng araw ay hindi ang iisang payak na hangarin ay kumain.

Pagkatapos ng hapunan, matulog.

At nagwakas na ang buhay? Ano ang magagawa ng isang taong tulog? Magpapanibagong sigla lamang uli ang buhay kinabukasan pagbalik sa dating naging takbo ng nakaraang araw — walang humpay na pagpupunyagi na ang kaduludulahan ay tiyakin lamang na sa muling pagtatapos ng araw ay kakain ka bago magpahinga.

Ano ang ipinakikita ng lahat nang ito? Na ang iisang habol ng tao sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay ang kumain. Kung bakit naglalakihang iba’t-ibang problema ang pinagkakaabalahan ng mga taong nasa kalagayan upang intindihin ang kapakanan ng mga mamamayan. Halimbawa’y ng mga negosyante na siyang may kinaalaman sa paggulong ng mga industriya, o ng mga opisyal ng gobiyerno na siyang mga nagpapasya sa salimuot ng sistema’t mga kalakaran ng ekonomiya ng lipunan. Sa katunayan, ng buong gobyerno na ang nag-iisang kadahilanan kung bakit siya ay naririyan ay upang tiyakin na ang sambayanan ay namumuhay na malusog, matiwasay, maginhawa’t masaya.

Kung bakit sa ngayon, ang pinagkakaabalahan ng pamahalaang Marcos ay ang pakikipag-agawan ng teritoryo sa Tsina sa South China Sea. Dati namang walang gulo sa bagay na ito. Ang mga mangngisdang Pilipino at Tsino ay masayang sama-sama sa pakikinabang ng yamang-dagat ng Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) halimbawa. Hanggang makati-katihan ng panahalaang Benigno Aquino 3rd na ipahuli sa Philippine Navy ang mga mangngisdang Tsino. Mangyari pa, sumaklolo sa mga Tsino ang barkong pandigma naman ng People’s Liberation Army (PLA), na humantong sa tinaguriang Scarborough Shoal Standoff — na ang mga barkong pandigma ay harap-harapan nang nakaamba ng pakikipagputukan sa isa’t-isa. Mabuti na lamang na nagpasya ang PNoy gobiyerno na umatras at iwasan ang marahas na banggaan. Ang usapin ay isinampa ni PNoy sa isang kasong arbitral sa Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague na noong 2016 ay nagpasya na ang tinaguriang Nine-Dash Line na pinanghahawakang mapa ng Tsina upang angkinin ang halos kabuuan ng South China Sea ay iligal. Sa totoo, ang kaso sa PCA na nungka ang kinilala ng Tsina ay sadyang pinakana ng Estados Unidos upang, ayon sa kanyang istratehikong panghihimasok sa Indo-Pasipiko, ay magamit laban sa Tsina — na sa makikita natin ay siya ngang nangyayari ngayon.

Ang problemang bumubulaga sa atin ngayon ay ito: ang tao ay lumaktaw sa dapat na payak lamang na takbo ng buhay. Sa halip na intindihin lamang kung papaano pakakainin ang kanilang mga nasasakupan, ang inaatupag ng mga pamahalaan sa daigdig, lalo’t higit ng mga nag-aambisyung magpanatili ng kanilang pandaigdigang hegemoniya, ay ang walang humpay na pagpapalakas ng kani-kaniyang kapangyarihang pulitikal.

Subukan kaya ni Pangulong Bongbong Marcos na pangunahan ang pagtutuwid sa pagkakamaling ito. Magtuon ng pansin sa pagtiyak lamang na ang bawat isa sa isandaàng milyong Pilipino ay kakain araw-araw.

Gawin niya ito at mtatampok siya bilang kauna-unahang presidente sa kasaysayan na nangulo sa kanyang mga nasasakupan sa tanging wastong paraan.

Mamangha siya na sa pagpukos lamang sa problema ng pagkain ng sambayananan, susunod na ang kalutasan ng marami pang ibang suliranin ng bansa.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -